Tanong
Ano ang panahon ng pagninilay-nilay?
Sagot
Ang panahon ng pagninilay-nilay ay mahalagang sangkap ng pangaraw-araw na buhay ng isang Kristiyano dahil ito ang panahon ng pagkakaroon ng panahon para sa Diyos sa isang tahimik na lugar (karaniwan) sa sariling bahay kung saan maaari Siyang mag-aral ng Bibliya at manalangin sa Diyos ng walang sagabal. Ang panahon ng pagninilay-nilay ay isang itinakdang panahon sa loob ng isang araw kung kailan “nagtatagpo” ang mananampalataya at ang Diyos. Kinapapalooban ito ng pagbabasa ng isang bahagi ng Bibliya na pinili ng mananampalataya at ng pananalangin.
Kailangan ng bawat mananampalataya ang panahon ng pagninilay kasama ang Panginoon. Kung kinailangan ito ni Hesus mismo, gaano pa kaya tayo? Laging bumubukod si Hesus sa mga tao upang regular na makipagniig sa Kanyang Ama, gaya ng sinasabi sa atin sa mga sumusunod na Kasulatan: “Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, ‘“Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon’” (Mateo 6:36). “Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa” (Markos 1:35). “Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin” (Lukas 5:16).
Ang haba ng panahon ng pagninilay-nilay ay hindi mahalaga, ngunit dapat na sapat ito upang makapagnilay sa talatang binasa at pagkatapos ay makapanalangin para sa anumang maaaring maiisip na ipanalangin. Ang paglapit sa Diyos ay isang karanasan na puno ng pagpapala, at kung regular na itong ginagawa, lagi na itong pananabikan ng isang mananampalataya upang siya’y makapag-aral ng Bibliya at makapanalangin sa Diyos. Kung punong-puno ng gawain ang ating maghapon at nakikita natin na hindi natin kaya na magtakda ng isang panahon araw-araw upang katagpuin ang ating Ama sa langit, nararapat na baguhin natin ang ating mga aktibidad at isingit ang panahon ng pagninilay-nilay para din sa ating ikabubuti.
Isang paalala: may ilang relihiyon na nagtuturo na kasama sa prinsipyo ng meditasyon ang instruksyon ng “pagpapalaya sa isipan sa mga alalahanin at pagblangko dito” sa pamamagitan ng pagtutuon ng atensyon sa isang tunog o salita na sadyang inuulit-ulit. Ang paggawa nito ay nagiimbita kay Satanas upang pumasok sa isang hindi Kristiyano o lumikha ng kaguluhan sa isipan ng isang Kristiyano. Sa halip na gawin ito, dapat na sundin ng mga Kristiyano ang payo ni Apostol Pablo sa Filipos 4:8: “Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.” Ang pagpuno sa ating isipan ng mga bagay na kaibig-ibig at kagalang-galang ay makakatulong upang magkaroon tayo ng kapayapaan at mapapurihan natin ang Diyos. Ang panahon ng ating pagninilay-bilay ay dapat na isang panahon ng transpormasyon hindi sa pamamagitan ng pagblangko sa ating isip kundi sa pamamagitan ng pagbabago ng ating isip (Roma 12:2).
English
Ano ang panahon ng pagninilay-nilay?