Tanong
Kanino tayo dapat manalangin? sa Ama, sa Anak, o sa Banal na Espiritu?
Sagot
Ang lahat ng panalangin ay dapat na nakadirekta sa Trinidad, sa Ama, Anak at Banal na Espiritu. Itinuturo ng Bibliya na maaari tayong manalangin sa kahit sino sa miyembro ng Trinidad. Gaya ng Mangaawit,maaari tayong manalangin sa Ama, "Diyos ko at hari, lingapin mo ngayon itong tumatawag at napatutulong" (Awit 5:2). Maaari tayong manalangin sa Panginoong Hesus na gaya ng sa Ama dahil sila ay magkapantay. Ang panalangin sa kahit sinong miyembro ng Trinidad ay panalangin para sa lahat. Nanalangin si Esteban habang binabato ng mga tao, "Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu" (Mga Gawa 7:59). Maaari din tayong manalangin sa pangalan ni Kristo. Hinikayat ni Pablo ang mga taga Efeso na laging magpasalamat sa Diyos Ama dahil sa lahat ng mga bagay sa pangalan ni Hesu Kristo (Efeso 5:20). Tiniyak ni Hesus sa mga alagad na anumang hilingin nila sa Kanyang pangalan - ang kahulugan ay sa Kanyang kalooban - ay ipagkakaloob sa kanila (Juan 15:6; 16:23). Gayundin naman, tayo ay sinabihan na manalangin sa Banal na Espiritu at sa Kanyang kapangyarihan. Tinutulungan tayo ng Espiritu na manalangin, lalo na sa mga panahon na hindi natin alam kung paano mananalangin at kung ano ang ating ipapanalangin (Roma 8:26; Judas 1:20). Ang pinakamabuting paraan upang maunawaan ang papel ng bawat miyembro ng trinidad sa panalangin ay ang pananalangin sa Ama, sa pamamagitan (o sa pangalan) ng Anak, at sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Ang bawat isa sa tatlong persona ay mga aktibong kalahok sa panalangin ng mananampalataya.
Mahalaga rin na malaman kung kanino tayo hindi dapat na manalangin. May mga ilang hindi Kristiyanong relihiyon ang hinihimok ang kanilang mga miyembro na manalangin sa panteon ng mga diyos, namatay na kamag-anak, mga santo at mga espiritu. Tinuruan ang mga Romano Katoliko na manalangin kay Maria at sa maraming mga santo. Ang mga ganitong uri ng panalangin ay hindi ayon sa Bibliya at sa halip ay isang malaking paginsulto sa Ama sa langit. Upang malaman kung bakit ito paginsulto sa Diyos, kailangan maunawaan ang kalikasan ng panalangin. Ang panalangin ay kinapapalooban ng ilang mga sangkap at kung titingnan lamang natin ang dalawa sa mga ito - ang pagpupuri at pasasalamat - makikita natin na ang panalangin - sa pinakabuod nito, ay isang pagsamba. Kung sinasamba natin ang Diyos, sinasamba natin Siya dahil sa Kanyang katangian at dahil sa Kanyang mga ginawa sa ating mga buhay. Kung nagpapasalamat tayo sa Diyos, sinasamba natin Siya dahil sa Kanyang kabutihan, kahabagan at kagandahang loob. Ang pagsamba ay nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos, at tanging Siya lamang ang karapatdapat na pagukulan nito. Ang problema sa pananalangin sa iba maliban sa tunay na Diyos ay hindi Niya ipapahiram ang kanyang kaluwalhatian kaninuman. Sa totoo, ang pananalangin sa namatay na tao, o ibang diyos o anumang bagay ay pagsamba sa diyus diyusan. "Akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos, walang ibang diyos na maaaring umangkin sa aking kaningningan; ni makaaagaw sa aking karangalan" (Isaias 42:8).
Ang iba pang mga sangkap ng panalangin gaya ng pagsisisi, pagpapahayag ng kasalanan at pananalangin para sa iba ay mga anyo din ng pagsamba. Nagsisisi tayo dahil alam natin na ang Diyos ay mapagpatawad at puno ng pag-ibig at gumawa Siya ng paraan sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng Kanyang Anak doon sa krus. Ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan dahil "maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid" (1 Juan 1:9) at sinasamba natin Siya dahil dito. Lumalapit tayo sa Kanya dala ang ating mga kahilingan para sa ating sarili at para sa iba dahil alam natin na iniibig at dinirinig Niya tayo at sinasamba natin Siya dahil sa Kanyang habag at kagandahang loob sa Kanyang kahandaan na makinig at tumugon sa atin. Kung ikukunsidera natin ang lahat ng ito, madaling makita na ang pananalangin sa iba maliban sa tunay na Diyos ay hindi karapatdapat dahil ang panalangin ay isang anyo ng pagsamba at ang pagsamba ay nakalaan lamang para sa tunay na Diyos at sa Kanya lamang. Kanino tayo mananalangin? Ang sagot ay sa Diyos. Ang pagdalangin sa tunay na Diyos lamang ay higit na mahalaga kaysa sa kung kaninong miyembro ng Trinidad natin ipapatungkol ang ating mga panalangin.
English
Kanino tayo dapat manalangin? sa Ama, sa Anak, o sa Banal na Espiritu?