settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kaugnayan sa pagitan ng panalangin at pagaayuno?

Sagot


Kahit na walang partikular na paliwanag ang Bibliya kung ano ang kaugnayan sa pagitan ng panalangin at pagaayuno, makikita na ang dalawang gawaing ito ay karaniwang iniuugnay sa bawat isa sa mga tala ng Bibliya. Sa Lumang Tipan, makikita na ang pananalangin na may kasamang pagaayuno ay may kinalaman sa pangangailangan ng pagtitiwala sa Diyos at nagpapakita ng lubusang kawalan ng pag-asa sa harapap ng aktwal o napipintong kalamidad. Ang panalangin at pagaayuno ay magkasamang ginagawa sa Lumang Tipan sa panahon ng pagdadalamhati, pagsisisi at malalim na pangangailangang espiritwal.

Inilarawan ng unang kabanata ng aklat ng Nehemias ang kanyang panalangin at pagaayuno dahil sa kanyang pagaalala sa balita na inabandona na ang Jerusalem. Ang maraming araw ng kanyang pananalangin ay kinapapalooban ng pagluha, pagaayuno at pamamagitan sa kanyang bayan sa Diyos at sa pagmamakaawa para sa kahabagan ng Diyos. Napakasidhi ng kanyang pagdalangin sa Diyos at napakahirap para sa kanya na magpahinga, kumain at uminom man lamang. Ang pagkawasak ng Jerusalem ang nagtulak din kay Daniel na gawin din ang gayon: "At aking itiningin ang aking mukha sa Panginoong Dios upang humanap sa pamamagitan ng panalangin at ng mga samo, ng pagaayuno, at pananamit ng magaspang, at ng mga abo" (Daniel 9:3). Gaya ni Nehemias, nagayuno at nanalangin din si Daniel sa Diyos na Kanyang kahabagan ang Kanyang bayan, habang sinasabi, "kami ay nangagkasala, at nangagasal ng kasuwalian, at nagsigawang may kasamaan, at nanganghimagsik, sa makatuwid baga'y nagsitalikod sa iyong mga utos at sa iyong mga kahatulan" (t. 5).

Sa ilang pagkakataon sa Lumang Tipan, ang pagaayuno ay iniuugnay sa pananalangin para sa kapakanan ng iba. Nanalangin at nagayuno si David para sa kanyang anak na maysakit (2 Samuel 12:16), na nananangis sa harapan ng Panginoon sa kanyang maalab na panalangin (t. 21-22). Hinimok ni Esther su Marduqeo at ang mga Hudyo na magayuno para sa kanya para sa kanyang planong pagharap sa asawang hari (Esther 4:16). Malinaw ang kaugnayan ng pagaayuno at pananalangin sa iba sa mga talatang ito.

May mga tala din ng panalangin at pagaayuno sa Bagong Tipan, ngunit hindi konektado sa pagsisisi at pagpapahayag ng kasalanan. Ang propetisang si Ana ay "lagi sa templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin" (Lukas 2:37). Sa edad na 84, ang panalangin at pagaayuno ay bahagi ng kanyang paglilingkod sa Panginoon sa templo habang hinihintay niya ang pagdating ng ipinangakong Tagapagligatas ng Israel.

Gayundin sa Bagong Tipan, ang iglesia sa Antioquia ay nagayuno habang sila'y sumasamba at ng sabihin sa kanila ng Banal na Espiritu ang tungkol sa pagsusugo kay Barnabas at Pablo para sa gawain ng Panginoon. Sa puntong iyon, nanalangin sila at nagayuno at ipinatong ang kanilang mga kamay sa dalawa at pinahayo sila. Kaya makikita natin sa mga halimbawang ito na ang pananalangin at pagaayuno ay sangkap sa pagsamba sa Panginoon at sa paghahanap ng Kanyang kalooban. Gayunman, walang anumang indikasyon na mas sasagutin ng Panginoon ang panalangin kung sasamahan iyon ng pagaayuno. Sa halip, ang pagaayuno at pananalangin ay nagpapakita ng katapatan ng mga taong nananalangin at ng kritikal na sitwasyon na kanilang kinakaharap.

Isang bagay ang maliwanag: ang teolohiya ng pagaayuno ay isang teolohiya ng prayoridad kung saan ang mga mananampalataya ay binibigyan ng oportunidad na ipahayag ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paglalaan ng kanilang panahon para sa Panginoon at pagpapakita ng hindi natitinag at malalim na pagpapahayag ng kanilang espiritwal na paglilingkod sa Diyos. Ang debosyong ito ay maaaring ipahayag sa pamamagitan ng hindi pagkain o paginom sa maiksing panahon o sa hindi paggawa ng isang bagay na nakaugaliang gawin upang magkaroon ng hindi naaabalang pakikipagugnayan sa ating Ama sa langit na may "pagtitiwala na makapapasok sa Dakong Kabanal banalan sa pamamagitan ng dugo ni Hesus" (Hebreo 10:19). Magayuno man o hindi, ang panalangin ang isa mga kasiya siyang bahagi ng mga mabubuting bagay na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Kristo. Ang panalangin at pagaayuno ay hindi dapat ituring na isang kabigatan o katungkulan kundi isang selebrasyon ng kabutihan at habag ng Diyos sa Kanyang mga anak.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kaugnayan sa pagitan ng panalangin at pagaayuno?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries