settings icon
share icon
Tanong

Paano ako makasisiguro na ako ay nananalangin ayon sa kalooban ng Diyos?

Sagot


Ang pinakamataas ng adhikain ng tao ay ang magbigay ng kapurihan sa Diyos (1 Corinto 10:31), at kasama dito ang pananalangin ayon sa Kanyang kalooban. Una, nararapat na humingi muna tayo ng karunungan. "Ngunit kung kulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan; sapagkat ang Diyos ay saganang magbigay at di nanunumbat" (Santiago 1:5). Sa paghingi ng karunungan, dapat din tayong magtiwala na ang Diyos ay mapagbiyaya at nakahandang sagutin ang ating mga panalangin. "Subalit ang humihingi'y dapat manalig at huwag mag-alinlangan; sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan" (Santiago 1:6; tingnan din ang Markos 11:24). Kaya kasama sa pananalangin ayon sa kalooban ng Diyos ay ang paghingi ng karunungan (upang malaman ang Kanyang kalooban) at paghingi ng may pananampalataya (pagtitiwala sa kalooban ng Diyos).

Ito ang pitong panuntunan ng Bibliya na gagabay sa mananampalataya sa pananalangin ayon sa kalooban ng Diyos:

1) Manalangin para sa mga bagay na iniuutos ng Diyos na dapat nating ipanalangin sa Bibliya. Sinabihan tayo na ipanalangin ang ating mga kaaway (Mateo 5:44); para magsugo ang Diyos ng mga misyonero (Lukas 10:2); na huwag tayong magsipasok sa tukso (Mateo 26:41); para sa mga mensahero ng Diyos (Colosas 4:3; 2 Tesalonica 3:1); para sa mga namumuno sa pamahalaan (1 Timoteo 2:1-3); para sa mga nagdadalamhati at nahihirapan (Santiago 5:13) at para sa kagalingan ng ating mga kapwa mananampalataya (Santiago 5:16). Kung iniuutos ng Diyos ang isang panalangin, mapagkakatiwalaan natin na tayo ay nananalangin ayon sa Kanyang kalooban.

2) Sundan ang mga halimbawa ng mga makadiyos na personalidad sa Kasulatan. Nanalangin si Pablo para sa kaligtasan ng bansang Israel (Roma 10:1). Nanalangin si David para sa kahabagan at kapatawaran ng Diyos ng siya'y nagkasala (Awit 51:1-2). Nanalangin ang unang iglesya para sa katapangan sa paghahayag ng Ebanghelyo (Mga Gawa 4:29). Ang mga panalanging ito ay ayon sa kalooban ng Diyos at maaaring idalangin din natin ang parehong mga kahilingan sa panahong ito. Kagaya ni Pablo at ng unang iglesya, dapat na lagi tayong manalangin para sa kaligtasan ng iba. Para sa ating sarili, dapat tayong malangin gaya ni David, na laging maging sensitibo sa ating pagkakasala at pagsisihan ang mga iyon sa harapan ng Diyos bago iyon makahadlang sa ating relasyon sa kanya at pigilan tayo sa ating pananalangin.

3) Manalangin ng may tamang motibo. Ang Kristiyano na may makasariling motibo sa panalangin ay hindi pagpapalain ng Diyos. "At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap, sapagkat masama ang inyong layunin---humihingi kayo upang gamitin sa kalayawan" (Santiago 4:3). Dapat din tayong manalangin hindi upang iparinig ang ating magagandang salita o makita ng iba na "espirtwal" tayo. Manalangin tayo sa pribadong lugar na walang nakakakita sa atin upang "gantihin tayo ng ating Amang nakakikita ng kabutihang ginagawa natin ng lihim" (Mateo 6:4-6).

4) Manalangin ng may pagpapatawad sa nagkasala (Markos 11:25). Ang kapaitan, galit, paghihiganti o poot para sa iba ay hahadlang sa ating puso sa pananalangin ng buong pagpapakumbaba sa Diyos. Gaya ng sabihan tayo na huwag maghandog sa Diyos kung alam nating may alitan na namamagitan sa atin at sa ating kapwa Kristiyano (Mateo 5:23-24), sa ganito ring paraan hindi nais ng Diyos ang ating handog na panalangin hanggat hindi tayo nakikipagkasundo sa ating mga kapatid sa Panginoon.

5) Manalangin ng may pasasalamat (Colosas 4:2; Filipos 4:6-7). Lagi tayong makakakita ng bagay na maaari nating ipagpasalamat sa Diyos kahit gaano tayo nabibigatan dahil sa ating mga pangangailangan. Ang taong may pinakamalaking pagdurusa sa mundo ngunit nakaranas ng pag-ibig ng Diyos na tumubos sa kanya sa kasalanan at may buhay na walang hanggan ay laging makakatagpo ng bagay na kanyang ipagpapasalamat sa Diyos.

6) Manalangin ng may buong katiyagaan (Lukas 18:1; 1 Tesalonica 5:17). Kailangan nating maging matiyaga sa pananalangin at huwag susuko o mabibigo dahil hindi natin natatanggap agad ang sagot ng Diyos. Bahagi ng pananalangin ayon sa kalooban ng Diyos ay ang paniniwala na kung ang sagot man Niya ay "oo", "hindi" o "maghintay", tinatanggap natin ang kanyang pasya, nagpapasakop sa Kanyang kalooban at patuloy na nananalangin.

7) Magtiwala sa Espiritu ng Diyos sa pananalangin. Ito ang kahanga hangang katotohanan: "Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita" (Roma 8:26-27). Tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating pananalangin. Sa panahon ng ating pinakamalalim na depresyon o kapighatian, at mga panahong nararamdaman natin na "hindi tayo makapanalangin", mayroon tayong kaaliwan dahil alam natin na ang Banal na Espiritu mismo ang nananalangin para sa atin. Tunay na kahanga-hanga ang ating Diyos!

Anong katiyakan na mayroon tayo kung nanaisin nating lumakad sa Espiritu at hindi sa laman! Mayroon tayong pagtitiwala na gaganapin ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain at dadalhin sa ating Ama ang ating mga kahilingan upang sagutin iyon ayon sa Kanyang perpektong kalooban at kapanahunan at makapamamahinga tayo dahil alam natin na gumagawa Siya sa lahat ng bagay para sa ating ikabubuti (Roma 8:28).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako makasisiguro na ako ay nananalangin ayon sa kalooban ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries