settings icon
share icon
Tanong

Ano ang labyrinth ng panalangin? Ang panalanging ito ba ay naaayon sa Bibliya?

Sagot


Ang labyrinth ay isang lagusan na may isang masalimuot na ruta na humahantong sa sentro ng isang maganda at masalimuot na disenyo na may nagiisang lagusang papasok at palabas mula roon. Bagamat masalimuot, iisa lang ang ruta ng lagusan ng labyrinth. Hindi gaya sa isang palaisipan o maze, ang labyrinth ay dinisenyo para sa isang maayos at madaling paglalakbay at imposible para sa isang tao ang maligaw sa loob nito.

Ang labyrinth ng panalangin ay ginagamit upang padaliin ang pananalangin, meditasyon, espiritwal na pagbabago at ang pangmundong kapayapaan. Ang pinakapopular sa mga labyrinth ng panalangin ngayon ay ang sinaunang labyrinth na matatagpuan sa Katedral ng Chartres, France, at sa Katedral ng Duomo di Siena, Tuscany; at ang dalawa pa ay pinangangalagaan ng Grace Cathedral, isang simbahang Episcopalian sa San Francisco. Habang ang mga labyrinths ay ginagamit sa mga katedral ng Romano Katoliko sa loob ng maraming siglo, sa nakaraang dekada, muling bumalik ang kanilang popularidad lalo na sa mga bagong lumalabas na samahang panrelihiyon sa mga grupong New Age at neo-pagans.

Ang mga labyrinths ay ginagamit sa maraming kaparaanan ng maraming kultura sa loob ng halos 3,500 taon. Ang mga ebidensya ng mga sinaunang labyrinths ay matatagpuan sa Creta, Egipto, Italya, Scandinavia at Hilagang Amerika. Ang mga sinaunang labyrinths ay may disenyo na tinatawag na klasikal na may pitong singsing o lagusan. Ang mga ito ay ginagamit ng mga pagano noong unang panahon. Ang mga labyrinths ay inihandog sa isang diyus diyusan at ginagamit para sa ritwal na sayaw. Itinuturing ng mga Hopi Indians ang labyrinth na “Inang kalikasan” at ang daan-daang labyrinths na yari sa bato sa baybayin ng Scandinavia ay ginagamit na panghuli ng masamang hangin upang matiyak ang kaligtasan ng mangingisda.

Noong panahon ng Middle Ages, ginamit ng Simbahang Katoliko ang mga labyrinth sa loob ng mga katedral. Ito ang nagbigay daan para sa mas magarbong disenyo na may 11 lagusan sa 4 na quadrants, na kalimitang tinatawag na disenyong “medieval.” Sa Katolisismo, ang labyrinth ay sumisimbolo sa maraming bagay: ang mahirap at liku likong landas patungo sa Diyos, ang mistikal na pagakyat sa kaligtasan at kasiyahan o maging ang paglalakbay sa Jerusalem para sa mga taong walang kakayahan na makapunta doon sa totoong buhay.

Ang makabagong pagtuklas na muli sa labyrinth at ang paggamit nito sa mga simbahan ay ipinagdiwang ng ilang grupo gaya ng “The Labyrinth Society at Veriditas, The World-Wide Labyrinth Project.” Sangayon sa grupong ito, ang labyrinth ay ang “bakas ng Diyos,” “isang mistikal na tradisyon,” isang “banal na landas,” at isang “banal na lagusan.” Ang layunin ng Veriditas ay “baguhin ang Espiritu ng tao,” gamit ang karanasan ng labyrinth bilang isang personal na pagsasanay para sa kagalingan at paglago, isang kasangkapan para sa pagtatayo ng mga komunidad, para sa pangmundong kapayapaan at isang simbolo para sa pagyabong ng espiritu sa ating mga buhay” (Mula sa website ng Veriditas).

Ayon sa Veriditas, ang paglalakad sa labyrinth habang nananalangin ay kinapapalooban ng tatlong antas: paglilinis (pagpapakawala), pangunawa (pagtanggap) at pakikiisa (pagbabalik). Ang “paglilinis” ay nangyayari habang ang isang tao ay lumalapit sa sentro ng labyrinth. Sa antas na ito, iniiwan ng isang tao ang lahat ng alalahanin at kaabalahan sa buhay at binubuksan ang kanyang puso at isip. Nangyayari naman ang “pangunawa” sa sentro ng labyrinth; ito ang oras upang “tumanggap ng para sa iyo” sa pamamagitan ng pananalangin at meditasyon. Ang “pakikiisa” ay nangyayari sa paglabas ng tao sa labyrinth at kinapapalooban ng “pakikiisa sa Diyos, ang iyong mataas na kapangyarihan, o ang kapangyarihan ng kagalingan na gumagawa sa mundo.”

Sinasabi ng mga nagsusulong ng labyrinth ng panalangin na ginagamit nila ito upang ang tao ay maliwanagan, at muling makipagkaisa sa sangnilikha at mapalakas ang kakayahan na makilala ang sarili at magampanan ang gawain ng kanyang kaluluwa. May ilang gaya ni Dr. Lauren Artress, presidente ng Veriditas, na tinutukoy din ang “maraming antas ng kamalayan” na hinihipo ang isang mananamba sa loob ng labyrinth, kasama ang kanyang kamalayan na siya ay “isa sa mga manlalakbay na lumakad noong unang panahon. Mararamdaman mo na ikaw ay mula sa ibang panahon; na tila wala ka sa buhay na ito sa kasalukuyan”(mula sa isang panayam kay Dr. Lauren Artress sa opisyal na website ng Veriditas).

Maaaring isang paraan upang alalahanin ang mga babaeng diyus diyusan, maraming mga labyrinths ang nagtataglay ng simbolo ng mga babae sa sentro nila. Kinikilala ni Dr. Artress ang mga simbolong ito at iniuugnay ang mga ito sa mga babaeng diyus diyusan sa labyrinth at ang pangangailangan ng pananaw sa Diyos na ito ay parehong lalaki at babae.

Naaayon ba sa Bibliya ang labyrinth ng panalangin? Hindi ito sinasang-ayunan ng Bibliya. Hindi lamang hindi nabanggit ang “labyrinth” sa Bibliya, sa halip sumasalungat ito sa maraming mga prinsipyo ng Bibliya sa pagsamba at panalangin.

1) Hinahangad ng Diyos na ang mga taong sasamba sa Kanya ay sasamba sa espiritu at katotohanan (Juan 4:24; Filipos 3:3; Awit 29:2). Ang mga nagtataguyod ng labyrinth ay tumutukoy sa “pagsamba sa katawan” na ang layunin ay gamitin ang 5 senses sa pagsamba. Ngunit ang pagsamba sa pamamagitan ng katawan ay isang konsepto na hindi matatagpuan sa Bibliya. Nabubuhay tayo sa pananampalataya hindi sa ating nakikita at sumasamba tayo hindi sa pamamagitan ng pisikal na pandama. Ang pagsamba ay mula sa puso na ipinahahayag sa pagpupuri at paglilingkod sa Diyos. Para sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan, walang kinalaman ang mga panlabas na gawain sa tunay na pagsamba gaya ng pagsisindi ng kandila, pagluhod sa altar o paglalakad sa isang sirkulo.

2) Ang panalangin ay hindi isang ritwal (Mateo 6:5-8). Sinasabi ni Dr. Artress na “ritwal ang nagpapakain sa kaluluwa” at inirerekomenda ang paulit ulit at regular na paglalakbay sa loob ng labyrinth. Kung ang mga ritwal ay tunay na nakakapagpakain sa kaluluwa, ang mga Pariseo sa panahon ng Panginoong Hesus ang pinakamalusog ang kaluluwa sa lahat ng tao dahil ang sistema ng kanilang relihiyon ay punong puno ng mga ritwal. Ngunit sinaway sila ni Hesus hindi lang isang beses kundi maraming beses dahil sa kawalang saysay ng kanilang relihiyon at pagpapaimbabaw (Mateo 15:3; Markos 7:6-13).

3) Nagtataglay ang bawat mananampalataya ng isipan ni Kristo (1 Corinto 2:16). Marami sa mga lumalakad sa loob ng labyrinth ang naghahangad ng espesyal na pananaw, bagong kapahayagan o muling pagtuklas sa “isang Diyos” na nasa kanilang sarili. Ang ganitong paniniwala ay mistisismo at ang ganitong karunungan ay napakalapit sa New age at gnostisismo. Hindi kailangan ng isang Kristiyano ang mistikal na karanasan o ekstra biblikal na kapahayagan: “Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang sinumang nagsasabi nito ay ang anti-Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak” (1 Juan 2:20).

4) Ang Diyos ay malapit sa mga tumatawag sa Kanya sa katotohanan (Awit 145:18; Gawa 17:27). Walang ritwal, maging ang paglalakad sa labyrinth ang makakapagdala sa isang tao sa isang malapit na kaugnayan sa Diyos maliban kay Hesus na Siyang tanging daan (Juan 14:6). Ang pagsisisi at pananampalataya lamang ang kinakailangan (Gawa 20:21).

5) Ang Bibliya ay sapat na para sa mananampalataya upang gawin siyang banal, marunong, at ganap na handa para sa kanyang nakatakdang gawain dito sa mundo (2 Timoteo 3:15-17). Ang pagiisip na upang makatagpo ng tunay na kapangyarihan ay dapat na idagdag ang mistisimo o tradisyon sa Bibliya ay pagmamaliit at pagbalewala sa Salita ng Diyos at sa Banal na Espiritu na gumagawa sa pamamagitan nito.

Sa kasaysayan, ang mga labyrinth ay nag-ugat sa paganismo na niyakap naman ng mga Romano Katoliko. Isinusulong ito ngayon ng mga bagong lumalabas na samahang panrelihiyon at ng iba pa na nagsusulong ng kalayaan sa espiritwalidad na hindi sinasang ayunan ng Bibliya. Ang babala ni Pablo sa Iglesya sa Colosas ay sapat na upang ituon natin ang ating pansin kay Hesus at iwasan ang mga walang kuwentang ritwal: “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito” (Colosas 2:8). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang labyrinth ng panalangin? Ang panalanging ito ba ay naaayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries