settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pananalangin ng pamamagitan?

Sagot


Sa isang simpleng paliwanag, ang panalangin ng pamamagitan ay ang pananalangin sa Diyos para sa kapakanan ng ibang tao. Ang papel ng namamagitan sa pananalangin ay palagiang makikita sa Lumang Tipan, sa buhay ni Abraham, Moises, David, Ezekias, Elias, Ezekiel, at Daniel. Inilarawan si Hesus sa Bagong Tipan bilang Dakilang Tagapamagitan, at dahil dito, ang lahat ng panalangin ng mga Kristiyano ay idinudulog sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Ipinagkasundo ni Hesus ang mga Kristiyano sa Diyos ng mamatay Siya sa krus. Dahil sa pamamagitan ni Hesus maaari na rin tayong mamagitan sa panalangin para sa mga Kristiyano o sa mga naliligaw upang ipaabot sa Diyos ang ating kahilingan para sa kanila ayon sa Kanyang kalooban. "Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus" (1 Timoteo 2:5). "Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Cristo Jesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo'y namamagitan para sa atin" (Roma 8:34).

Ang isang kahanga-hangang modelo ng panalangin ng pamamagitan ay makikita sa Daniel 9. Ang panalanging ito ay nagtataglay ng lahat ng elemento ng pananalangin para sa kapakanan ng iba. Ito ay bilang tugon sa Salita ng Diyos (t. 2); may kataimtiman (t. 4) at pagtanggi sa sarili (t.3); buong pusong nakikiisa sa mga tao ng Diyos (t.5); nagpapahayag ng kasalanan (t. 5-15); nakadepende sa katangian ng Diyos (t. 4, 7, 9, 15)" at ang layunin ay para sa kaluwalhatian ng Diyos (t. 16-19). Gaya ni Daniel, ang mga Kristiyano ay lumalapit sa Diyos para sa ibang tao na may nagpapakumbaba at nagsisising puso, na kinikilala ang kanilang kawalan ng karapatan na tumatanggi sa sarili. Hindi sinabi ni Daniel, "Mayroon akong karapatang humiling sa Iyo dahil ako ay isang espesyal at piniling tagapamagitan" bagkus sinabi niya, "Ako'y isang makasalanan," at dahil doon, "wala akong anumang karapatan na humingi sa Iyo ng anumang bagay." Ang tunay na panalangin ng pamamagitan ay hindi lamang hinahanap ang kalooban ng Diyos at hinihintay iyong matupad, kundi tinatanggap din naman na matupad iyon ayon sa kanyang kalooban. Ang tunay na panalangin ng pamamagitan ay para sa kaluwalhatian ng Diyos at hindi para sa atin.

Ang mga sumusunod ang ilan sa maaari nating ilapit sa Diyos sa ating mga panalangin: ang lahat ng may kapangyarihan (1 Timoteo 2:2); ang mga lingkod ng Diyos (Filipos 1:19); ang iglesya (Awit 122:6); mga kaibigan (Job 42:8); mga kababayan (Roma 10:1); mga maysakit (Santiago 5:14); ang ating mga kaaway (Jeremias 29:7); ang mga umuusig sa atin (Mateo 5:44); lahat ng mga umiwan sa atin (2 Timoteo 4:16); at ang lahat ng tao (1 Timoteo 2:1).

May isang maling katuruan sa Kristiyanismo ngayon na ang mga namamagitan diumano para sa iba sa pamamagitan ng panalangin ay kabilang sa espesyal na uri ng mananampalataya o mga Kristiyano na tinawag ng Diyos para sa isang partikular na ministeryo ng pananalangin. Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na lahat ng mga Kristiyano ay mga tagapamagitan. Ang lahat ng mga Kristiyano ay nagtataglay ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso at habang namamagitan ang Panginoong Hesus para sa atin ayon sa kalooban ng Diyos (Roma 8:26-27), tayo ay namamagitan din naman para sa bawat isa. Hindi ito isang pribilehiyo para lamang sa isang eksklusibong grupo ng mga Kristiyano; kundi ito ay isang utos para sa lahat. Sa katunayan, ang hindi pananalangin para sa iba ay kasalanan. "Saka sa ganang akin, malayo nawang sa akin na ako'y magkasala laban sa Panginoon sa paglilikat ng pananalangin dahil sa inyo" (1 Samuel 12:23).

Nang humiling sina Pedro at Pablo ng panalangin sa iglesya, hindi nila hiniling na manalangin sa kanila yaon lamang may espesyal na pagkatawag sa pananalangin. "Kaya nga't si Pedro ay iningatan sa bilangguan: datapuwa't ang iglesia ay maningas na dumalangin sa Dios patungkol sa kaniya" (Mga Gawa 12:5). Mapapansin na buong iglesya ang nanalangin para sa kanila hindi lamang ang ilan na may kaloob ng pamamagitan para sa iba. Sa Efeso 6:16-18, pinayuhan ni Pablo ang mga mananampalataya sa Efeso - ang bawat isa sa kanila - tungkol sa mga saligan ng pamumuhay Kristiyano kabilang ang pananalangin para isa iba "sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Kaya't lagi kayong maging handa, at patuloy na manalangin para sa lahat ng hinirang ng Diyos." Malinaw na ang panalangin ng pamamagitan ay bahagi ng buhay ng lahat na mananampalataya.

Sa karagdagan, humingi si Pablo ng panalangin para sa kanyang ministeryo mula sa mga Romanong mananampalataya sa Roma 15:30. Hinimok din niya ang mga taga Colosas na manalangin para sa kanya sa Colosas 4:2-3. Walang indikasyon kahit saan sa Bibliya na isang grupo lamang ng tao ang maaaring manalangin para sa iba. Ang ideya na ang pananalangin para sa iba ay pribeliheyo at tawag para lamang sa iilang Kristiyano ay walang basehan sa Bibliya. Ang masama pa, ang ideyang ito ay mapaminsala at laging humahantong sa pagmamalaki at pagmamataas.

Tinawag ng Diyos ang lahat ng mga Kristiyano upang maging aktibong tagapamagitan para sa iba. Isang kahanga hanga at napakataas na pribelihiyo ang lumapit sa trono ng makapangyarihang Diyos na dala dala ang ating mga panalangin at mga kahilingan para sa iba.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pananalangin ng pamamagitan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries