Tanong
Sa paanong paraan natin dapat ipanalangin ang mga hindi mananampalataya?
Sagot
Maaari nating matutunan kung paano manalangin para sa mga hindi mananampalataya sa pamamagitan ng pagaaral kung paano si Hesus nanalangin para sa mga hindi mananampalataya. Itinala sa Juan 17 ang pinakamahabang panalangin ni Hesus kung saan ipinapakita kung paano Siya nananalangin. Sinasabi sa ikatlong talata, “Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo.” Idinalangin Niya ang mga tao na makilala nila ang Diyos. At ang paraan upang makilala nila ang Diyos ay sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Juan 14:6; 3:15–18). Kung ito ang nais ni Hesus, malalaman nating tama tayo kung nananalangin din tayo ng parehong panalangin. Ang anumang panalangin na sumasang-ayon sa kagustuhan ng Diyos ay isang epektibong panalangin (1 Juan 5:14; Santiago 5:16).
Ibinibigay sa atin sa 1 Pedro 3:9 ang isang sulyap sa puso ng Diyos para sa mga hindi mananampalataya, “Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak.” Hindi nais ng Diyos na gugulin ng sinuman ang kanilang walang hanggan ng hiwalay sa Kanyang banal na presensya (Roma 6:23). Kung idinadalangin natin na magsisi ang mga hindi mananampalataya, sumasang-ayon tayo sa nais ng Diyos. Maaari din tayong manalangin para sa mga pagkakataon na maging mga “kamay at paa” ni Hesus, upang malaman ng mga tao ang kabutihan ng Diyos (Galacia 6:10; Colosas 4:5; Efeso 5:15–16). Maaari tayong manalangin upang magkaroon ng karunungan gaya ng ginawa ng mga apostol at samantalahin ang mga pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos (Gawa 4:13, 29; Efeso 6:19).
Maaari din nating ipanalangin na isaayos ng Diyos ang lahat ng mga kinakailangang pangyayari upang lumambot ang matitigas na puso ng mga hindi mananampalataya at matuto silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. Sinasabi sa Awit 119:67, “Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod.” Sa tuwina, ang masasakit na pangyayari sa ating buhay ang nagiging daan sa paglapit natin kay Kristo. Kung nananalangin tayo para sa ating mga mahal sa buhay na hindi pa nakakakilala kay Hesu Kristo, nakakatukso na humingi sa Diyos ng pagiingat at pagpapala. Gayunman, kinakailangan minsan na manalangin sa kabaliktaran kung iyon ang kinakailangan upang wasakin ang kontrol ng pagsamba sa diyus-diyusan sa kanilang buhay. Ang kaginhawahan, materyalismo, senswalidad, at pagkagumon sa mga bisyo ay mga diyus-diyusan na bumibihag sa mga hindi mananampalataya. Maaaring kinakailangan sa pananalangin sa kalooban ng Diyos ang paghiling sa Kanya na alisin ang Kanyang proteksyon at kaginhawahang ipinagkakaloob sa mga hindi mananampalataya upang itulak sila sa isang lugar kung saan maghahanap sila sa Diyos. Wala ng mas mahalaga pa para sa ating mga hindi mananampalatayang mahal sa buhay kundi ang hanapin nila ang Diyos at matagpuan nila Siya.
Nalulugod ang Diyos kung nananalangin tayo para sa ibang tao (1 Timoteo 2:1–4). Ito ay isang paraan upang ipakita ang ating pag-ibig para sa kanila (1 Juan 4:7). Kahit na hindi natin sigurado kung paano tayo mananalangin para sa kanila, maaari nating angkinin ang pangako ng Diyos sa Roma 8:26. Batid ng DIyos na hindi natin laging alam kung ano ang ating ipapanalangin sa Kanya ngunit ipinagkaloob Niya sa atin ang Banal na Espiritu upang madala natin sa Kanyang trono sa langit ang naisin ng ating mga puso.
English
Sa paanong paraan natin dapat ipanalangin ang mga hindi mananampalataya?