settings icon
share icon
Tanong

Ano ang panalangin ng paghingi?

Sagot


Lumalapit tayo sa Diyos sa panalangin sa iba’t ibang kadahilanan – upang sumamba , magpahayag ng kasalanan at humingi ng tawad, magpasalamat sa lahat ng Kanyang pagpapala, upang humingi ng mga bagay para sa ating sarili o humingi ng mga bagay para sa iba. Ang Hebreo at Griyegong salita na karaniwang isinasalin sa salitang Tagalog na “paghingi” ay literal na nangangahugan na “paghiling o petisyon,” kaya ang panalangin ng paghingi ay ang paghiling sa Diyos ng isang bagay. Hindi gaya ng panalangin ng pamamagitan, na pananalangin para sa iba, ang panalangin ng paghingi ay kahilingan sa Diyos ng mismong nananalangin para sa kanyang sariling mga pangangailangan.

Makikita sa Bibliya ang maraming panalangin ng paghingi. Maraming halimbawa ang makikita sa Aklat ng Awit. Ang mga salmo ni David ay punong puno ng paghingi ng kahabagan sa Diyos sa Awit 4:1, ng pangunguna ng Diyos sa Awit 5:8, ng pagliligtas ng Diyos sa Awit 6:4, kaligtasan mula sa paguusig sa Awit 7:1, at marami pang iba. Nang malaman ni Daniel na lumagda si Haring Darius ng isang batas na hindi maaaring manalangin ang mga tao sa ibang diyos maliban sa hari, nagpatuloy si Daniel ng pananalangin ng may pasasalamat at paghingi ng tulong sa Diyos sa kabila ng mahirap na sitwasyong iyon.

Sa Bagong Tipan, sinabi ni Hesus na humingi tayo sa Diyos ng ating kakainin sa araw araw sa Mateo 6:11. Bilang karagdagan, sa Lukas 18:1-8, itinuro sa atin ni Hesus na huwag manghinawa sa pananalangin para sa ating mga pangangailangan. Gayunman, sa Santiago, makikita natin ang balanse: sa isang banda hindi tayo tumatanggap dahil hindi tayo humihingi (Santiago 4:2). Sa kabilang banda naman, humihingi tayo ngunit hindi tumatanggap dahil humihingi tayo upang gamitin sa kalayawan (Santiago 4:3). Maaaring ang pinakamagandang paraan upang lumapit at humingi sa Diyos ay ang paghiling sa Diyos ng buong katapatan gaya ng isang anak na lumalapit sa kanyang mahabaging ama, ngunit ang paghingi ay nagtatapos sa, “ang kalooban Mo ang masunod” (Mateo 26:39), ng may buong pagsuko at pagpapasakop sa Kanyang kalooban.

Pagkatapos ilarawan na kailangan nating isuot ang “buong baluti ng Diyos” (Efeso 6:13-17), hinimok ni Apostol Pablo ang mga taga Efeso (at tayo rin) na manatiling mapagbantay at patuloy na manalangin sa Espiritu, “at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos” (Efeso 6:18). Malinaw na ang panalangin ng paghingi ay bahagi ng pakikipagbakang espiritwal ng mga Kristiyano. Itinuro din ni Pablo sa Iglesya sa Filipos na pawiin ang kanilang kabalisahan sa pamamagitan ng tapat na pananalangin ng pasasalamat at paghingi. Ayon kay Pablo, ito ang kaparaanan upang matiyak na ang “kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa kanilang puso at pag-iisip dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo Jesus” (Filipos 4:6-7).

Makikita natin dito ang isang mahalagang aspeto ng panalangin ng paghingi – ang pangangailangan ng pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo. Ang mga na kay Kristo ay pinananahanan ng Banal na Espiritu na siyang namamagitan para sa kanila. Dahil kadalasang hindi natin alam kung ano ang ating ipapanalangin sa paglapit natin sa Diyos, ang Banal na Espiritu ang namamagitan at nananalangin para sa atin at ipinapaabot ang ating mga kahilingan sa Diyos, at sa tuwing iginugupo tayo ng mga pagsubok at alalahanin sa buhay, tinutulungan Niya tayo sa pamamagitan ng pagluhog sa Diyos para sa atin habang inaalalayan tayo sa paglapit sa trono ng biyaya ng Diyos (Roma 8:26). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang panalangin ng paghingi?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries