Tanong
Ano ang panalangin habang naglalakad? Naaayon ba sa Bibliya ang pananalangin habang naglalakad?
Sagot
Ang panalangin habang naglalakad ay ang pananalangin sa mismong lugar na ipinapanalangin. Ito ay isang uri ng panalangin na may kasamang paglalakad sa isang lugar. May mga naniniwala na kung malapit ang isang tao sa lugar na ipinapanalangin ay “makapanalangin siya ng malapit at makapanalangin ng malinaw.” Ang pananalangin habang naglalakad ay ginagawa ng ilang grupo, indibidwal o maging ng buong iglesya. Maaaring ang nilalakad nila ay malapit o ilang bloke o maraming milya. Ang ideya na ang paggamit ng paningin, pandinig, pang-amoy, panlasa at pakiramdam ay nagdaragdag ng pang-unawa para sa ipinapanalangin.
Halimbawa, kung lalakad ka sa iyong lugar na tinitirhan habang nakatingin sa mga bagay na maaaring ipanalangin, maaaring makakita ka ng isang lote na napakarumi at walang nagaalaga. Ito ang magtutulak sa iyo na manalangin para sa pisikal at espiritwal na kalagayan ng mga taong nakatira sa loteng iyon. May mga grupo na naglalakad ng paikot sa mga paaralan na nagtutulak sa kanila upang manalangin para sa mga guro at estudyante sa loob, para sa kanilang kaligtasan at kapayapaan at para protektahan sila laban sa mga gawa ng diyablo na maaaring magimpluwensya sa paaralan. May mga tao na nakakaranas na mas nagiging malinaw, direkta at epektibo ang kanilang panalangin sa pamamagitan ng paglalakad malapit sa mga tao at lugar na kanilang ipinapanalangin.
Ang panalangin habang naglalakad ay isang bagong kaugalian sa ilang iglesya ngunit hindi tiyak ang pinagmulan. Walang modelo sa Bibliya para sa ganitong gawain, kahit na paglalakad ang pangunahing pamamaraan ng transportasyon sa panahon ng Bibliya at malinaw na ang mga tao noon ay maaaring nananalangin habang naglalakad. Gayunman, walang direktang utos na isagawa natin ang panalangin habang naglalakad. Ang maniwala na ang panalangin na ginawa sa isang lugar, o sa isang posisyon ay mas mabisa kaysa sa panalangin na ginawa sa anumang ibang kaparaanan ay hindi ayon sa Kasulatan. Bilang karagdagan, habang maaari nating maramdaman na kailangan nating manalangin ng malapit sa isang sitwasyon o lokasyon upang makapanalangin ng malinaw, eksaktong nalalaman ng ating Ama sa Langit na nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon ang ating mga kahilingan at tutugon Siya sa Kanyang itinakdang panahon at kalooban. Ang katotohanan na pinahintulutan Niya tayo na maging bahagi ng Kanyang plano sa pamamagitan ng ating panalangin ay para sa ating ikabubuti hindi para sa Kanya.
Inutusan tayo na "manalangin ng walang patid" (1 Tesalonica 5:17), at dahil ang paglalakad ay isang bagay na ating ginagawa araw-araw, tiyak na ang pananalangin ng walang patid ay pananalangin kahit habang naglalakad. Tinutugon ng Diyos ang lahat ng panalangin ng mga nananatili kay Kristo (Juan 15:7) kahit sa anumang posisyon, panahon at lugar. Gayundin naman, walang utos na nagbabawal sa pananalangin habang naglalakad at anumang bagay na nagtutulak sa atin upang manalangin ay karapatdapat sa ating konsiderasyon.
English
Ano ang panalangin habang naglalakad? Naaayon ba sa Bibliya ang pananalangin habang naglalakad?