settings icon
share icon
Tanong

Ano ang panalangin ng panghuhula?

Sagot


Gaya ng ibang aspeto ng “kilusan sa panalangin,” tulad ng pagbababad sa panalangin, ang panalangin ng panghuhula – panghuhula habang namamagitan sa Diyos sa panalangin – ay isang gawain na hindi sinasang ayunan ng Bibliya. Ang panalanging ito ay naglalayon na bigyan ng kapangyarihan at pribilehiyo ang nananalangin, isang katuruan na walang pundasyon mula sa Kasulatan.

Ang mga nagsasanay ng ganitong uri ng panalangin ay naniniwala na inuusal nila ang mismong mga salita ng Diyos para sa mundo. Ang ganitong uri ng panalangin ay ginagawa ng mga nagpapanggap na “propeta” na naniniwala na kaya nilang magbigay ng mensahe na direktang nanggaling mismo sa trono ng Diyos, at sila diumano ay nagiging “daluyan” ng Salita ng Diyos at ito ang dahilan kung bakit ang kanilang mga panalangin ay mga hula. Ngunit sinasabi sa atin ng Bibliya na sarado na ang canon ng Kasulatan (Pahayag 22:18). Nangangahulugan ito na hindi na nagbibigay pa ang Diyos ng mga bagong kapahayagan sa mga nagpapatawag na “propeta” ngayon. Nagsalita na Siya sa pamamagitan ng Kanyang Salita at ang ating gawain ay “manindigan sa pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal” (Judas 1:3). Hindi tayo dapat na maghanap pa ng mga karagdagang kapahayagan mula sa Diyos.

Ang panalangin ng panghuhula ay karaniwang inilalarawan na paguutos sa Diyos na ganapin ang Kanyang kalooban sa mundo. Ang panalangin ng panghuhula ay itinuturo sa mga grupong Charismatic bilang kasangkapan sa pagdadala ng hatol ng Diyos sa mundo at sa pagpapabilis ng pagdating ng Kanyang kaharian. Ang layunin nito ay nakatuon sa mga tao upang maganap nila ang kanliang layunin (ang kanilang paglilingkod ayon sa plano ng Diyos) at sa mundo sa pangkalahatan, upang maganap ang kagustuhan ng Diyos sa mundo. Ngunit itinuturo sa atin ng panalangin ng Panginoong Hesus sa Mateo 6 na dapat tayong magpasakop sa kalooban ng Diyos; hindi nito itinuturo na nagtataglay tayo ng espesyal na kapangyarihan upang utusan ang Dios na ganapin ang Kanyang kalooban. Magaganap ang plano ng Diyos sa eksaktong panahon na Kanyang itinakda at hindi Niya ipinaalam sa tao ang panahong iyon (Mateo 24:36; 25:13; Markos 13:32; Lukas 12:37-47). Ang paguutos sa pagdating ng Kanyang hatol at ng Kanyang kaharian ayon sa kalooban ng isang “propeta” ay isang kayabangan – at isang pamumusong. Ang Panginoon ang Siyang gaganap sa lahat ng Kanyang kalooban: “isasagawa Ko ang lahat Kong balak. Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad” (Isaias 46:11).

Ipinalalagay ng nananalangin ng panghuhula na mayroon pang mga propeta sa makabagong panahon, mga babae at lalaki na tagapagsalita ng Diyos sa mundo na kayang bumigkas ng mga kapahayagan ng Diyos ng may awtoridad na gaya mismo ng Diyos. Kung ang isang tao ay nanghuhula sa panalangin, hindi Niya hinihingi na maganap ang kalooban ng Diyos; inuutusan Niya ang Diyos na gawin Niya ang Kanyang kalooban at naniniwala na ang nananalangin na gaya noong manalangin si Elisa ng ulan, kailangang sumunod ng Diyos.

Ginagamit na modelo ng mga tagapagturo ng ganitong uri ng panalangin ang itinurong panalangin ni Hesus sa Mateo 6:10 kung saan sinasabi “Dumating ang kaharian Mo, sundin ang loob Mo dito sa lupa na para ng sa langit.” Sinasabi nila na itinuturo ng talatang ito na maaari nating utusan ang Diyos upang ganapin Niya ang Kanyang kalooban dito sa lupa. Bilang mga propeta sa makabagong panahon na sinasambit ang salita ng Diyos, naniniwala sila na kaya nilang baguhin ang kapaligiran upang sumang ayon sa utos ng Diyos at magbigay daan sa layunin ng Diyos. Naniniwala ang mga “propetang” ito na hindi lamang nila hinuhulaan kung ano ang magaganap; naniniwala rin sila na aktwal nilang nililikha ang mga bagay na kanilang hinuhulaan! Pinaniniwalaan nila na ang kanilang panalangin ang aktwal na nagbibigay ng kasagutan sa kanila mismong panalangin. Ngunit itinuturo ng Bibliya na ang Diyos lamang ang magdedesisyon kung kailan, saan at kung paano Siya kikilos. Dapat tayong manalangin ayon sa Kanyang perpektong kalooban at panahon hindi ayon sa ating sariling kalooban at panahon.

Ang mga nagtuturo ng panalangin ng panghuhula ay naniniwala din na ginagamit ng Diyos ang mga propeta upang magkaloob ng kasagutan sa panalangin ng ibang tao. Kung may naghahanap ng kasagutan sa panalangin, maaari diumanong himukin ng Diyos ang isang “propeta” na manalangin upang magkaroon ng kasagutan ang panalangin ng taong iyon. Ngunit itinuturo ng Bibliya na ang sagot sa ating mga panalangin ay hindi nakasalalay sa isang propeta o sinumang tao sa mundo. May isa lamang Tagapamagitan sa tao at sa Diyos, at iyon ay ang Panginoong Hesu Kristo (1 Timoteo 2:5). Naaayon ba sa Bibliya ang panalangin ng panghuhula? Isang malaking hindi!

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang panalangin ng panghuhula?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries