Tanong
panalangin sa anghel - Kung ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat, bakit hindi na lang Niya lipulin si Satanas?
Sagot
Habang walang talata sa Bibliya ang eksaktong nagsasabi, "Huwag kayong manalangin sa mga anghel," napakalinaw na hindi tayo dapat manalangin sa mga anghel. Ang pananalangin ay isang gawain ng pagsamba, at gaya ng tinatanggihan ng mga anghel ang pagsamba (Pahayag 22:8-9), tiyak na tatanggihan din nila ang ating mga panalangin. Ang paguukol ng ating pagsamba sa kaninuman maliban sa Diyos ay pagsamba sa diyus-diyusan.
Mayroon ding ilang praktikal at teolohikal na dahilan kung balit mali ang pananalangin sa mga anghel. Hindi kailanman nanalangin Si Hesus sa kaninuman kundi sa Ama lamang. Nang tanungin Siya ng mga alagad kung paano manalangin, sinabi Niya sa kanila, "Magsidalangin nga kayo ng ganito: Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo" (Mateo 6:9; Lukas 11:2). Kung ang pananalangin sa mga anghel ay isang bagay na dapat nating gawin bilang mga alagad, tiyak na ituturo ito sa atin ng Panginoong Hesus. Malinaw na sa Diyos lamang tayo maaaring manalangin. Makikita din ang katotohanang ito sa Mateo 11:25-26 kung saan nagsisimula ang panalangin ng Panginoong Hesus sa ganito, "Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at ng lupa...." Hindi lamang sinimulan ni Hesus ang Kanyang panalangin sa pagtukoy sa Ama, kundi ang nilalaman ng Kanyang panalangin ay paghingi ng tulong na maibibigay lamang ng isang makapangyarihan sa lahat, nakakaalam ng lahat ng bagay at sumasalahat ng dako. Ang pananalangin sa mga anghel ay walang bisa dahil sila rin ay mga nilalang lamang at hindi nagtataglay ng kapangyarihang katulad ng sa Diyos.
Nanalangin si Hesus para sa mga alagad sa Juan 17:1-26 at hiniling ang maraming pagpapala para sa kanila mula sa Diyos Ama kasama ang pagpapagingbanal, pagluwalhati at pagiingat. Ang tatlong pagpapalang ito ay maaari lamang manggaling sa Diyos na may hawak ng lahat ng mga bagay na ito. Muli, ang mga anghel ay walang ganitong kapangyarihan. Hindi tayo kayang pabanalin, luwalhatiin at hindi kayang ingatan ng mga anghel ang ating kaligtasan sa Panginoong Hesu Kristo (Efeso 1:13-14).
Ikalawa, may pangyayari sa Juan 14:13 kung saan sinabi ni Kristo na anuman ang hilingin ng mga mananampalataya sa Kanyang pangalan ay gagawin ng Diyos kung hihingi sila direkta sa Diyos Ama. Ang pagaalay ng panalangin sa mga anghel ay hindi papasa sa isang epektibo at Biblikal na panalangin (tingnan din ang Juan 16:26). Hindi inilarawan kailanman ang mga anghel o ang sinumang nilalang bilang tagapamagitan sa Ama. Tanging ang Anak at ang Banal na Espiritu lamang (Roma 8:26) ang maaaring mamagitan para sa atin sa harap ng Diyos Ama.
Panghuli, sinasabi sa atin sa 1 Tesalonica 5:17 na manalangin tayo ng walang patid. Posible lamang ito kung ang mananampalataya ay may koneksyon sa isang Diyos na nasa lahat ng lugar at may kakayahang makinig sa lahat ng panalangin ng bilyun bilyong tao ng sabay sabay. Walang kakayahan ang mga anghel upang gawin ito - hindi sila makapangyarihan sa lahat o sumasalahat ng lugar - at hindi sila karapat dapat sa ating mga panalangin. Ang pananalangin sa Ama sa pangalan ng Panginoong Hesu Kristo ang tanging kinakailangan at epektibong pamamaraan upang magpaabot ng ating saloobin sa Diyos. Ang pananalangin sa mga anghel ay isang konsepto na hindi sinasangayunan ng Bibliya.
English
Ipinagbabawal ba o ipinahihintulot sa Bibliya ang pananalangin sa mga anghel?