Tanong
Naaayon ba sa Bibliya ang pananalangin sa publiko?
Sagot
Ang pananalangin sa publiko ay isang isyu na maraming Kristiyano ang naguguluhan. Dahil maraming mananampalataya ang alam nating nanalangin sa harap ng maraming tao gaya ng ginawa ng Panginoong Hesu Kristo, wala tayong nakikitang masama sa pananalangin sa publiko. Maraming mga lider sa Lumang Tipan ang nanalangin para sa kanilang bansa sa harap ng publiko. Nanalangin si Solomon sa harap ng buong bansa para sa kanila at para sa kanyang sarili. Walang anumang indikasyon na ang panalanging ito ay hindi katanggap tanggap sa Panginoon (1 Hari 8:22-23). Pagkatapos na magbalik mula sa pagkakabihag ang mga Israelita, namangha si Ezra ng malaman niya na tinalikuran ng mga Israelita ang pagsamba sa tunay na Diyos kaya’t buong pait siyang nanangis at nanalangin sa templo. Napakaalab ng kanyang panalangin at ito ang dahilan kung bakit “pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis” (Ezra 10:1).
Gayunman, ang halimbawa ni Hannah at Daniel ay nagpapakita na posible rin na iba ang maging pakahulugan ng iba sa pananalangin ng isang mananampalataya sa publiko at maaaring maging sanhi ito ng paguusig. Gaya ng lahat na uri ng panalangin, ang pananalangin sa publiko ay dapat na isagawa ng may tamang saloobin at motibo. Mula sa ilang mga halimbawa ng pananalangin sa Kasulatan, makikita ang malinaw na paglalarawan sa isang panalanging katanggap-tanggap at nagbibigay karangalan sa Diyos.
Si Hannah, ang nanay ni propeta Samuel ay hindi magkaanak sa loob ng maraming taom at tiniis ang kahihiyan at paguusig na dulot ng ganitong “isinumpang” kalagayan ng mga babae sa panahon ng Lumang Tipan (1 Samuel 1:1-6). Lagi siyang nagtutungo sa templo upang dumaing sa Diyos na bigyan siya anak, at nanalangin siya ng buong taimtim dahil sa “matinding paghihirap ng damdamin.” Dahil sa kanyang maalab na pananalangin, napagkamalan siyang lasing ng saserdoteng si Eli (1 Samuel 1:10-16).
Ito ang isang halimbawa ng maling pagpapakahulugan sa isang panalangin sa publiko. Matuwid ang panalangin ni Hannah at tama ang motibo ng kanyang puso. Hindi siya nagpapapansin lamang kundi simpleng nababagabag at nadama niya ang pangangailangan niya ng panalangin. Inakala ni Eli na siya ay lasing, ngunit iyon ay kasalanan ni Eli hindi ni Hannah.
Ginamit ng kanyang mga kaaway ang pananalangin ni Daniel sa publiko upang usigin siya’t tangkaing patayin. Naging napakahusay ng pagganap ni Daniel sa kanyang tungkulin bilang isa sa mga tagapamahala ni Haring Dario at dahil dito, pinagisipan ng hari na gawin siyang pinuno sa buong kaharian ng Persia (Daniel 6:1-3). Ikinagalit ito ng ibang mga tagapamahala at humanap sila ng paraan upang siraan at ibagsak si Daniel. Hiniling nila kay haring Dario na gumawa ng isang batas na nagbabawal sa buong kaharian na manalangin sa ibang Diyos maliban sa Hari sa loob ng tatlumpong araw. Ang kaparusahan sa sinumang susuway ay kamatayan sa kulungan ng mga leon. Gayunman, nagpatuloy pa rin si Daniel sa pananalangin sa tunay na Diyos na nakikita ng publiko mula sa bintana ng kanyang silid. Sinadya niyang manalangin na nakikita ng iba, ngunit ito ang nagbigay sa kanyang mga kaaway ng pagkakataon upang siya’y maipapatay. Malinaw niyang nalalaman na napaparangalan ang Diyos dahil sa kanyang mga panalangin kaya’t hindi niya isinuko ang kanyang nakaugalian. Hindi niya hinayaan na maging hadlang ang opinyon ng ibang tao o ang banta sa kanyang buhay sa kanyang pagsunod sa Panginoon.
Sa Mateo 6:5-7, nagbigay ang Panginoong Hesus ng dalawang kaparaanan upang matiyak na matuwid ang ating panalangin. Una, dapat na ang layunin sa pananalangin ay hindi upang makita ng mga tao upang maituring na matuwid o espiritwal. Ikalawa, ang panalangin ay dapat na dalisay ang motibo at nanggagaling sa puso at hindi lamang mga paulit ulit na parirala na minemorya lamang. Gayunman, kung ikukumpara sa ibang bahagi ng Kasulatan na ipinapakita ang mga tao na nananalangin sa publiko, alam natin na hindi naman itinuro ng Panginoon na ang pananalangin ay laging dapat gawin ng mag-isa. Ang isyu dito ay ang pagiwas sa kasalanan. Mas makabubuti para sa mga nahihirapang manalangin sa publiko dahil sa pagiisp na baka sila ituring na nagpapakitang tao lamang na sundin ang turo ng Panginoon na manalangin sa Diyos ng lihim. Alam ni Hesus na ang nais ng mga Pariseo ay makita at purihin sila ng mga tao dahil sa kanilang panlabas na kabanalan, hindi talaga upang magpaabot ng kanilang niloloob sa Diyos. Ang layunin ng pahayag na ito ni Hesus ay upang turuan ang mga mananampalataya sa tamang motibo sa pananalangin. Hindi ito nangangahulugan na ang lahat ng panalangin ay dapat na gawin sa lihim at hindi maaaring manalangin sa publiko.
Ang pananalangin sa publiko ay dapat na nagbibigay karangalan sa Diyos at hindi bunsod ng makasariling hangarin. Dapat na base ito sa isang tunay na pagnanais na magpaabot ng damdamin sa Diyos hindi upang ipakita sa mga tao ang pagiging matuwid. Kung makakapanalangin tayo sa publiko ng hindi sinusuway ang mga prinsipyong ito, maaari tayong manalangin sa harap ng maraming tao. Gayunman, kung ipinagbabawal ito sa atin ng ating konsensya, mas makabubuting huwag natin itong gawin. Hindi itinuturo ng Panginoong Hesus na mas epektibo ang pananalangin sa publiko kaysa sa pananalangin sa Diyos sa lihim.
English
Naaayon ba sa Bibliya ang pananalangin sa publiko?