Tanong
Ang pananalangin ba kay Maria at sa mga santo ay ayon sa Bibliya?
Sagot
Ang isyu tungkol sa pananalangin ng mga Katoliko sa mga santo at kay Maria ay sobrang nakakalito. Ang opisyal na posisyon ng Simbahang Katoliko ay hindi dapat manalangin ang mga Katoliko sa mga santo o kay Maria kundi humiling lamang sa mga santo at kay Maria na manalangin para sa kanila. Ang opisyal na posisyon ng Simbahang Katoliko na hilingin sa mga santo na manalangin para sa kanila ay walang pagkakaiba sa paghiling sa isang nabubuhay dito sa lupa na manalangin para sa kapwa. Ngunit ang aktwal na ginagawa ng mga Katoliko ay hindi sang-ayon sa opisyal na katuruan ng Simbahan. Ang katotohanan, maraming Katoliko ang direktang nananalangin sa mga santo o kay Maria at humihingi ng tulong sa kanila sa halip na direktang humingi ng tulong sa Diyos. Alinman sa dalawa, kung humihingi man sila ng panalangin o direktang nanalangin sa mga santo o kay Maria, ang parehong gawaing ito ay hindi sinasang-ayunan ng Bibliya.
Hindi pinahihintulutan saanman sa Bibliya ang mga mananampalataya na manalangin sa iba maliban sa Diyos Ama lamang. Hindi itinuturo saanman sa Bibliya o nabanggit man ang isang tao sa langit na maaaring dalanginan o maging tagapamagitan ng tao sa Diyos para sa panalangin ng sinuman. Bakit kaya maraming mga Katoliko ang nananalangin kay Maria at sa mga santo? Pinaniniwalaan ng mga Katoliko na si Maria at ang mga santo ay tagapamagitan ng tao sa harapan ng Diyos. Naniniwala sila na ang isang santo, na niluwalhati sa langit ay may direktang kaugnayan sa Diyos kaysa sa atin na narito sa lupa. Kaya ayon sa kanilang paniniwala, kung ang isang santo sa langit ay manalangin sa Diyos, mas epektibo iyon kaysa sa sa atin dito sa lupa na nananalangin sa Diyos para sa iba. Ang konseptong ito ay mariing tinututulan ng Banal na Kasulatan. Sinasabi sa Hebreo 4:16 na ".huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo'y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito."
Idineklara sa 1 Timoteo 2:5, "Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus." Walang sinuman ang maaaring mamagitan sa atin sa harapan ng Diyos. Kung si Hesus lamang ang TANGING Tagapamagitan, ito'y nangangahulugan na hindi maaaring maging tagapamagitan ang mga santo at si Maria. Hindi sila maaaring magpaabot ng ating mga panalangin sa Diyos. Gayun din, sinasabi sa atin ng Bibliya si Hesus mismo ang namamagitan sa atin sa harapan ng Diyos, "Ngunit si Jesus ay buhay magpakailanman, at hindi siya mahahalinhan sa kanyang pagkasaserdote. Dahil nga riyan, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang MAMAGITAN para sa kanila." (Hebrews 7:24, 25). Dahil si Hesus mismo ang namamagitan para sa atin, bakit pa natin kakailanganin si Maria at ang mga santo upang mamagitan para sa atin? Sino ba ang mas malapit sa Diyos na sukat na Kanyang pakikinggan? Si Maria at ang mga santo o si Hesus? Inilarawan sa Roma 8:26-27 na namamagitan din para sa atin ang Banal na Espiritu. Dahil namamagitan sa atin ang Ikalawang persona (Diyos Anak) at Ikatlong persona ng Diyos (Banal na Espiritu) sa harapan ng Diyos Ama sa Langit, kailangan pa ba natin ang mga santo o si Maria upang mamagitan sa atin sa harapan ng Diyos?
Ipinapangatwiran ng mga Katoliko na ang pananalangin kay Maria at sa mga santo ay walang pagkakaiba sa paghingi ng panalangin sa isang tao dito sa lupa. Suriin natin ang katuruang ito. (1) Hiniling ni Apostol Pablo sa ibang mga Kristiyano na manalangin para sa kanya sa Efeso 6:19. Maraming talata sa Bibliya ang naglalarawan sa mga mananampalataya na nananalangin para sa bawat isa (2 Corinto 1:11; Efeso 1:16; Filipos 1:19; 2 Timoteo 1:3). Walang nabanggit saanman sa Bibliya na humingi ang sinuman ng panalangin sa isang taong nasa langit. Wala ring sinabi saanman sa Bibliya na may tao sa langit na nananalangin para sa mga narito sa lupa. (2) Walang inidkasyon saanman sa Bibliya na maaaring marinig ng mga santo o ni Maria ang ating mga panalangin sa langit. Walang kakayahan si Maria o sinumang santo na malaman ang lahat ng sinasabi o iniisip ng tao dahil hindi sila omnisyente. Kahit naluwalhati na sila sa langit, tao pa rin sila na may limitadong kakayahan. Paano nila maririnig ang panalangin ng milyun milyong tao na nananalangin ng sabay sabay? Sa tuwing binabanggit sa Bibliya ang pananalangin o pakikipag-usap sa mga patay, ang mga pagbanggit na iyon ay sa konteksto ng pangkukulam, panggagaway, salamangka, pakikipag-usap sa mga patay at panghuhula — mga gawain na lubhang kinamumuhian ng Diyos (Levitico 20:27; Deuteronomio 18:10-13). Ang kaisa-isang pagkakataon na ang isang "santo" ay nakausap ng isang tao sa lupa ay makikita sa 1 Samuel 28:7-19, kung saan hindi natuwa si Samuel sa paggambala sa kanya ni Saul. Kaya't malinaw na ang pananalangin kay Maria o sa mga santo ay ibang iba sa paghingi ng tulong sa isang nabubuhay sa lupa upang hingan ng panalangin. Walang anumang basehan sa Bibliya ang katuruang ito ng pananalangin sa mga namatay.
Hindi tumutugon ang Diyos base sa kung sino ang nananalangin. Tumutugon ang Diyos kung ang ating hinihingi sa panalangin ay ayon sa Kanyang kalooban (1 Juan 5:14-15). Walang kahit anong basehan o pangangailangan upang manalangin kaninuman maliban sa Diyos lamang. Tanging ang Diyos ang makakarinig ng ating mga panalangin. Tanging Siya lamang ang makasasagot sa ating mga panalangin. Walang palakasan sa langit o ibang tao na makalalapit sa Diyos Ama upang humingi ng kasagutan para sa ating mga panalangin (Hebrews 4:16).
English
Ang pananalangin ba kay Maria at sa mga santo ay ayon sa Bibliya?