Tanong
Ano ang pananahan ng Banal na Espiritu?
Sagot
Ang pananahan ng Banal na Espiritu ay ang gawain ng Diyos kung kailan permanenteng tumitira ang Banal na Espiritu sa katawan ng mga sumasampalataya kay Hesu Kristo. Sa Lumang Tipan, pumapasok at umaalis ang Banal na Espiritu sa mga sumasampalataya upang magbigay sa kanila ng kakayahan sa paglilingkod ngunit hindi permanenteng nananatili sa kanila (tingnan ang Hukom 15:14; 1 Cronica 12:18; Awit 51:11; Ezekiel 11:5). Ipinahayag ni Hesus sa Kanyang mga alagad ang bagong papel ng gagampanan ng Espiritu ng Katotohanan sa kanilang mga buhay: “Sa makatuwid baga'y ang Espiritu ng katotohanan: na hindi matatanggap ng sanglibutan; sapagka't hindi nito siya nakikita, ni nakikilala man siya: siya'y nakikilala ninyo; sapagka't siya'y tumatahan sa inyo, at sasa inyo” (Juan 14:17). Isinulat ni Apostol Pablo, “O hindi baga ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo sa Dios? at hindi kayo sa inyong sarili; Sapagka't kayo'y binili sa halaga: luwalhatiin nga ninyo ng inyong katawan ang Dios” (1 Corinto 6:19–20).
Sinasabi sa mga talatang ito na ang mga mananampalataya ay tinitirahan ng ikatlong persona ng Trinidad. Sa oras na tunay na nagsisi at binuhay ng Espiritu Santo ang espiritu ng isang tao, ibinibigay ng Banal na Espiritu ang buhay ng Diyos, ang buhay na walang hanggan, na mismong kalikasan ng Diyos (Tito 3:5; 2 Pedro 1:4), at ang Banal na Espiritu ay tumitira sa kanya. Ang katotohanan na inihalintulad ang katawan ng mananampalataya sa isang templo kung saan tumitira ang Banal na Espiritu ay makatutulong sa atin upang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pananahan ng Banal na Espiritu. Ang salitang templo ay ginagamit upang ilarawan ang Dakong Kabanal banalan, ang pinakasagradong lugar sa loob ng tabernakulo. Doon, nagpapakita ang presensya ng Diyos sa anyo ng isang ulap at kinakatagpo ang Punong Saserdote na pumapasok minsan isang taon sa loob ng Dakong Kabanal banalan. Sa araw ng katubusan, nagdadala ang Punong Saserdote ng dugo ng isang pinatay na hayop at iwiniwisik iyon sa takip ng Kaban ng Tipan. Sa espesyal na araw na ito, pansamantalang ipinagkakaloob ng Diyos ang kapatawaran sa mga saserdote at sa Kanyang bayan.
Sa kasalukuyan, wala na ang templo ng mga Hudyo sa Jerusalem at tumigil na ang paghahandog ng dugo ng mga hayop. Ang mga mananampalataya ni Kristo ang naging dakong kabanal-banalan ng Diyos na pinananahanan ng Banal na Espiritu bilang mga mananampalatayang pinabanal, at pinatawad sa pamamagitan ng dugo ni Hesu Kristo (Efeso 1:7). Ang mga mananampalataya ang naging tahanan ng Banal na Espiritu ng Diyos . Sa katotohanan, sinasabi din ng Kasulatan na ang mga mananampalataya ay espiritwal na pinananahanan ni Kristo (Colosas 1:27) at ng Diyos Ama (1 Juan 4:15)—ang bawat miyembro ng Trinidad ay kasama sa pananahan ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya.
Ang pananahan ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya ay nagbubunga ng panghabambuhay na pagbabago sa kanilang buhay:
1) Ang nananahang Espiritu ay dumarating sa isang kaluluwa at espiritung patay sa kasalanan at binibigyang buhay ang kanyang kaluluwa at espiritu (Tito 3:5). Ito ang tinutukoy ni Hesus na kapanganakang muli sa espiritu sa Juan 3:1–8.
2) Ang nananahang Espiritu ang kumukumpirma sa mga mananampalataya sa Panginoon na sila ay tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo (Roma 8:15–17).
3) Ang nananahang Espiritu ang nagpapaging miyembro sa bagong mananampalataya sa pangkalahatang Iglesya. Ito ang tinutukoy na bawtismo sa Espiritu ayon sa 1 Corinto 12:13.
4) Ang nananahang Espiritu ang nagbibigay ng mga espiritwal na mga kaloob sa mga mananampalataya (mga kakayahang bigay ng Diyos para sa paglilingkod) upang patatagin at pabanalin ang Iglesya at epektibong makapaglingkod para sa kaluwalhatian ng Diyos (1 Corinto 12:11).
5) Ang nananahang Espiritu ang tumutulong sa mga mananampalataya upang maunawaan at maisapamuhay ang katotohanan ng Salita ng Diyos sa kanilang pangaraw-araw na pamumuhay (1 Corinto 2:12).
6) Ang nananahang Espiritu ang nagpapayabong sa buhay panalangin ng mga mananampalataya at Siya ang lumuluhog sa Diyos para sa kanila sa kanilang pananalangin (Roma 8:26–27).
7) Ang nananahang Espiritu ang nagbibigay sa mga mananampalataya ng kakayahan na ipaubaya kay Kristo ang kanilang buhay at gawin ang Kanyang kalooban (Galacia 5:16). Ang Banal na Espiritu ang nangunguna sa mga mananampalataya sa daan ng katuwiran (Roma 8:14).
8) Ang nananahang Espiritu ang nagibigay ng katibayan ng isang bagong buhay sa pamamagitan ng mga bunga ng Espiritu sa buhay ng mga mananampalataya (Galacia 5:22–23).
9) Ang nananahang Espiritu ay napipighati sa tuwing magkakasala ang mga mananampalataya (Efeso 4:30), at inuusig Niya ang mga mananampalataya upang ipahayag nila ang kanilang kasalanan sa Panginoon at upang ibalik ang nasirang relasyon (1 Juan 1:9).
10) Ang nananahang Espiritu ang tatak ng mga mananampalataya hanggang sa araw ng katubusan upang garantiyahan sa buhay na ito ang kanilang pagsama sa presensya ng Panginoon (Efeso 1:13–14).
Nang tanggapin ka ng Diyos bilang Kanyang anak (Roma 10:9–13), noong magsisi ka sa iyong mga kasalanan at sumampalataya kay Kristo, tumira ang Banal na Espiritu sa iyong puso, at binigyan ka Niya ng isang bagong buhay, isang buhay na puno ng pag-ibig, pakikipagrelasyon at paglilingkod sa Panginoon.
English
Ano ang pananahan ng Banal na Espiritu?