settings icon
share icon
Tanong

Kung hinatulan ni Jesus ang mga Pariseo sa pananalangin nang malakas, dapat ba tayong manalangin nang malakas?

Sagot


May ilang mga talata sa Bagong Tipan na ang mga pampublikong panalangin ay hindi katanggap-tanggap, at totoo na hinatulan ni Jesus ang paraan ng pananalangin ng mga Pariseo. Ngunit si Jesus mismo minsan ay nanalangin nang malakas (tingnan ang Juan 17), tulad ng ginawa ng mga apostol (Gawa 8:15; 16:25; 20:36). Sinasabi sa Gawa 1:14, "Silang lahat ay nakiisa sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang Kanyang mga kapatid." Pagkatapos sa talatang 24, ang mga apostol ay nanalangin nang sama-sama upang pumili ng hahalili sa puwesto ni Hudas sa labindalawa. Malinaw silang nagdasal nang sama-sama at malakas. Kaya, ang kasalanan ay wala sa pampublikong kalikasan ng panalangin o ang katotohanang naririnig ito ng mga tao.

Sa Lukas 18:10-14, sinabi ni Jesus ang talinghagang ito: “Dalawang lalaki ang pumasok sa templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. Ang Pariseo ay tumayong mag-isa at nanalangin: ‘Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo na hindi ako gaya ng ibang tao—mga magnanakaw, manggagawa ng kasamaan, mangangalunya—o tulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay ng ikasampung bahagi ng lahat ng aking kita.’ Ngunit nakatayo sa malayo ang maniningil ng buwis. Hindi man lang siya tumingala sa langit, bagkus ay hinampas niya ang kanyang dibdib at sinabi, ‘Diyos, maawa ka sa akin, na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ang taong ito, sa halip na ang isa, ay umuwing inaring-ganap sa harap ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ng kanilang sarili ay itataas.” Pansinin natin ang maniningil ng buwis ay nanalangin din nang malakas, ngunit ang kanyang panalangin ay mula sa isang mapagpakumbabang puso, at tinanggap ito ng Diyos. Ang kasalanan ng mga Pariseo ay hindi dahil sa pampublikong panalangin kundi isang mapagmataas na espiritu.

Sa huli, sinabi ni Jesus, "“Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila” (Lukas 20:46-47). Dito ang kasalanan ay hindi ang naririnig o malakas na panalangin kundi ang pagiging mapagpanggap nito. Kinondena ni Jesus ang pagpapanggap na may kaugnayan sila sa Diyos habang inaapi nila mismong mga taong mahal Niya.

At sa Mateo 6:5, sinabi ni Jesus, "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala". Muli, hindi kinukundena ni Jesus ang katotohanan na ang mga tao ay nanalangin nang malakas, ngunit na sila ay nananalangin sa publiko para sa kanilang sariling kapakinabangan. Ang kanilang motibo—na makita ng mga tao—ang problema. Ang gayong panalangin ay hindi tunay na panalangin, ngunit walang laman na mga salita para sa pandinig ng ibang tao (Hebreo 10:22). Sinasabi sa Kawikaan 15:29, "Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig”.

Sa Efeso 5:20, inutusan ni Pablo ang iglesya na "magpasalamat palagi para sa lahat ng bagay sa Diyos Ama sa pangalan ng ating Panginoong Jesu Cristo." Ang pananalangin ng sama-sama ay isang paraan ng pagsamba ng isang lokal na simbahan sa Diyos at paghikayat sa isa't isa. Ang hinahatulan ni Jesus ay ang pagmamataas at pagkukunwari. Para sa isang tao na hindi masunurin sa Diyos, at manguna sa isang pampublikong panalangin na para bang marami siyang dapat ipagmalaki, ay ang uri ng pagkukunwari na tinuligsa ni Jesus. Ang paggamit ng pampublikong panalangin bilang isang paraan ng pagmamalaki o pagpapahanga sa iba ay mali. Ngunit ang taimtim na panalangin mula sa mapagpakumbabang puso ang tinatanggap ng Diyos at maaaring maging pampatibay-loob sa mga nakikinig nito (Awit 51:17).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kung hinatulan ni Jesus ang mga Pariseo sa pananalangin nang malakas, dapat ba tayong manalangin nang malakas?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries