Tanong
Nakakadagdag ba sa bisa nga panalangin ang pagbanggit sa panalangin na nakasulat sa Bibliya?
Sagot
May mga tao na nagsasabi na ang pagbanggit ng mga talata sa Bibliya ay isang epektibong paraan sa pananalangin. Ang “pagbanggit ng Kasulatan” sa Diyos ay tila nakatutulong upang maituon ang isipan sa Diyos at matiyak na ang mga paksang ipinapanalangin ay nakalulugod sa Kanya.
Sinasabi sa Santiago 5:16, “Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.” Sinasabi naman sa 1 Juan 5:14–15, “Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.” Ang “malaki ang nagagawa” ay nangangahulugan na “sapat upang magbunga ng inaasahang resulta.” Ang salitang “hindi nagaatubili” naman ay nangangahulugan na “masigasig, nagsisikap, at marubdob.” Sinasabi pareho nina Juan at Santiago na upang maging mabisa ang ating mga panalangin, dapat na tayo ay masigasig, makabuluhan at sumasang-ayon sa kalooban ng Diyos.
Ang isang paraan upang malaman kung ang ating mga panalangin ay ayon sa kalooban ng Diyos ay pagbanggit sa mga partikular na talata sa Kasulatan na nagpapahayag kung ano ang laman ng ating mga puso. Hindi dapat gamitin ang Kasulatan na tulad sa isang uri ng mahika na inuulit-ulit na tila may kapangyarihan ang mismong mga salita. Ang kapangyarihan ng panalangin ay nagmumula sa Diyos lamang mula sa isang masigasig na puso. Ngunit kung may nakikita tayo na isang utos o pangako sa Bibliya na nagpapahayag ng laman ng ating mga puso, alam natin na sumasang-ayon tayo sa Diyos kung gagamitin natin ang mga iyon bilang isang panalangin. Ang totoo, ang mga salitang iyon mismo ay Salita ng Diyos. Habang mas nagsasaulo tayo ng Bibliya at pinagbubulay-bulayan ang mga talata doon, mas lalong nagiging bahagi ng ating buhay ang Salita ng Diyos. Maaalala natin ang mga katotohanan na ating natutunan sa tuwing tayo’y nananalangin. Sa tuwina, kung hindi natin alam kung ano ang ating ipapanalangin, maaaring ibigay ng Kasulatan ang mga salita. Naglalaman ang aklat ng Awit ng daan-daang panalangin, at marami sa mga ito ay sumasalamin sa laman ng ating mga puso.
Ibinigay ni Hesus ang pinakamagandang halimbawa ng mabisang panalangin. Ang Kanyang pinakamahabang panalangin ay ang tinatawag na “Panalangin ng Punong Saserdote” na makikita sa Juan 17. Ang unang bagay na ating mapapansin ay ang pakikipagkaisa ni Hesus sa Kanyang Ama. Nagsimula Siya sa pamamagitan ng pagsasabi, “Ama dumating na ang oras.” Hindi sasabihin ni Hesus ang isang bagay na hindi Niya nalalaman. Sa halip, kinikilala ni Hesus na Siya at Kanyang Ama ay ganap na nagkakaisa. Naggugol si Hesus na napakaraming panahon sa taimtim na pananalangin na nagpapahayag ng Kanyang pagkilala sa kalooban ng Ama. Ito ang layunin ng isang mabisang panalangin: maunawaan ang kalooban ng Diyos at ipasakop ang ating kalooban sa kanyang kalooban. Kung gagamitin man natin ang ating sariling pananalita o ang mga nasulat na Salita ng Diyos dalawang libong taon na ang nakalilipas, ang susi sa isang mabisang panalangin ay dapat na manggaling ito sa puso at isip na naghahanap sa kalooban ng Diyos.
Ang pagbanggit ng talata sa Bibliya sa panalangin ay isang personal na dedikasyon at isang magandang paraan upang malaman kung tama ang laman ng ating mga panalangin. Halimbawa, maaari nating gamitin ang Galacia 2:20 sa panalangin ng pagtatalaga. Ang ganitong uri ng panalangin ay maaaring sabihin sa ganitong paraan: “Ama, sa araw na ito ay napako akong kasama ni Kristo. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili kundi si Kristo na ang nabubuhay sa akin. Ang buhay na ipinamumuhay ko ngayon ay aking ginugugol sa pananampalataya sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at ibinigay ang Kanyang sarili para sa akin.” Sa pananalangin sa ganitong paraan, ginagawa nating panalangin ang kagustuhan ng Diyos. Walang madyik sa mga salita, ngunit natitiyak natin na nananalangin tayo ayon sa kalooban ng Diyos kung ginagamit natin ang Kanyang sailita bilang modelo.
Dapat tayong maging maingat at hindi dapat na ituring ang bawat talata na direktang sinasabi para sa atin at maaari nating ilapat sa ating sariling sitwasyon. Hindi natin dapat gamitin ang mga talata sa Bibliya para gawing totoo ang mga iyon sa ating sarili. Halimbawa, ipinangako ng Diyos kay Solomon ang mga“kayamanan, ari-arian, a karangalan” sa 2 Cronica 1:11–12. Ngunit hindi natin maaaring gamitin ang talatang ito at ituring na para din sa atin ang pangakong ito ng Diyos. Hindi tayo dapat maghanap ng mga pipiliing talata para sabihin ng Bibliya ang nais nating sabihin nito at pagkatapos ay angkinin natin ang mga pangako doon. Gayunman, may mga pagkakataon na ipinapakita ng Diyos sa ating mga puso ang isang partikular na talata bilang personal Niyang mensahe sa atin, at maaari nating gamitin ang mga talatang yon sa ating panalangin.
Kung susubukan natin na ilapat sa ating sariling buhay ang bawat talata sa Bibliya, magkakaroon tayo ng problema gaya ng sinasabi sa 1 Samuel 15:3, “Lusubin mo ang Amalek at lipulin silang lahat. Wasakin mo ang lahat nilang ari-arian at huwag magtitira kahit isa. Patayin mo silang lahat, babae't lalaki, mula sa pinakamatanda hanggang sa sanggol. Patayin mo rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at asno.…” Dapat nating basahin at unawain ang Kasulatan ayon sa konteksto nito at matuto ng mga bagay tungkol sa Diyos mula sa mga prinsipyo na ating makikita.
Ang mabisa at marubdob na panalangin ay maaaring magmula sa isang talata ng Kasulatan o mula sa kaibuturan ng ating mga puso. Ang layunin ay upang lumago tayo sa pagkakilala sa Diyos at mahubog ang ating mga naisin ayon sa Kanyang kalooban. Kahit na sa gitna ng kahila-hilakbot na pagdurusa, binanggit ng Panginoon ang mga salita mula sa Awit 22, “O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan? Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?” Maraming mga iskolar ng Bibliya ang naniniwala na binabanggit ni Hesus ang buong talatang ito sa Awit habang nakapako Siya sa krus, at sinasabi Niya ito sa Diyos bilang isang gawain ng pagsamba kahit na sa napipintong kamatayan. Mas maraming Kasulatan ang ating natututuhan, mas masasalamin sa ating mga panalangin ang kalooban ng Diyos at mas magiging epektibo ang ating mga panalangin.
English
Nakakadagdag ba sa bisa nga panalangin ang pagbanggit sa panalangin na nakasulat sa Bibliya?