Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananalangin para sa patay?
Sagot
Ang pananalangin para sa patay ay isang konsepto na hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Walang halaga ang ating mga panalangin para sa isang taong patay na. Ang totoo, sa oras ng kamatayan, ang eternal na patutunguhan ng isang tao ay tiyak na. Kung naligtas siya sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo, nasa langit na siya kung saan siya nakakaranas ng kapahingahan at kagalakan sa piling ng Diyos, ngunit kung hindi, siya ay tiyak na nakakaranas na ng walang hanggang kaparusahan ng Diyos sa apoy ng impiyerno. Ang kuwento tungkol sa isang mayamang lalaki at isang pulubing nagngangalang Lazaro sa Lukas 16 ay nagbibigay sa atin ng malinaw na paglalarawan ng katotohanang ito. Ginamit ni Hesus ang kuwentong ito upang ituro na pagkatapos ng kamatayan, ang mga hindi mananampalataya ay walang hanggang mahihiwalay sa Diyos at maaalala nilang malinaw ang pagtanggi nila sa Ebanghelyo dito sa lupa at wala ng lunas para sa kanilang nakapanghihilakbot na kalagayan (Lukas 16:19-31).
Malimit na hinihimok ang mga taong nawalan ng mahal sa buhay na ipanalangin ang kanilang mga namatay at ang kanilang naiwanan. Dapat nga na ipanalangin natin ang mga naulila, ngunit hindi ang mga namatay. Walang sinuman ang dapat na maniwala na maaari pang manalangin para sa mga namatay at magkaroon pa ng epekto ang panalangin para sa kanila. Itinuturo ng Bibliya na ang huling hantungan ng tao sa kabilang buhay ay malalaman kung paano sila nabuhay dito sa lupa. “Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan” (Ezekiel 18:20).
Sinasabi sa atin ng manunulat ng Hebreo, “Itinakda sa mga tao na sila'y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom” (Hebreo 9:27). Sa talatang ito, nauunawaan natin na walang pagbabagong mangyayari sa espiritwal na kundisyon ng isang tao pagkatapos niyang mamatay – sa kanya mang sariling kagagawan o dahil sa kagagawan ng ibang tao. Kung walang kabuluhan ang pananalangin para sa mga nabubuhay na gumagawa ng “kasalanang nakamamatay” (1 Juan 5:16), o ang patuloy na pagkakasala ng hindi humihingi ng kapatawaran sa Diyos, paanong ang panalangin para sa mga namatay ay magkakaroon ng bisa gayong wala ng ikalawang pagkakataon pa sa kabilang buhay upang magtamo sila ng kaligtasan.
Ang bawat isa sa atin ay may iisa lamang buhay at mananagot tayo sa Diyos kung paano tayo namuhay sa mundong ito. Maaaring ang ating mga desisyon ay maimpluwensyahan ng iba ngunit sa huli, magbibigay sulit tayo sa Diyos sa bawat desisyon na ating ginawa habang nabubuhay tayo sa lupa. Pag tapos na ang buhay sa lupa, wala na tayong desisyon na magagawa pa at wala tayong pagpipilian kundi humarap sa paghuhukom ng Diyos. Maaaring maipahayag sa panalangin ang pagnanais ng iba para sa atin ngunit hindi nito mababago ang anuman. Ang panahon ng pananalangin para sa kaligtasan isang tao ay habang nabubuhay siya dito sa lupa at habang mayroon pang posibilidad na mabago ang kanyang puso, paguugali at pamumuhay (Roma 2:3-9).
Normal sa tao na magnais na manalangin sa panahon ng pagdurusa, sakit, at paglisan ng isang minamahal sa buhay o kaibigan ngunit alam natin ang hangganan ng panalangin ayon sa itinuturo ng Bibliya. Ang Bibliya ang tanging opisyal na manwal sa panalangin at itinuturo nito na walang kabuluhan ang pananalangin para sa mga patay. Ngunit makikita natin na sinasanay ng ibang grupo ng pananampalatayang Kristiyano ang pananalangin para sa mga patay. Halimbawa, itinuturo ng teolohiya ng Romano Katoliko na maaaring manalangin para sa mga patay at sa mga patay. Ngunit kahit na ang mga awtoridad ng Iglesya Romano Katoliko ay umaamin na walang malinaw na pagpapahintulot ang animnapu’t anim (66) na kanonisadong Aklat ng Bibliya para sa pananalangin para sa mga patay. Sa halip, kumukuha sila ng awtoridad sa Apokripa, 2 Macabeo 12:46, tradisyon ng simbahan, at kredo ng Konseho ng Trent at iba pa upang idepensa ang kanilang maling katuruan.
Itinuturo ng Bibliya na ang mga sumusunod sa kalooban ng Tagapagligtas (Hebreo 5:8-9) ay direkta at iglap na papasok sa presensya ng Panginoon sa langit pagkatapos ng kamatayan (Lukas 23:43; Filipos 1:23; 2 Corinto 5:6, 8). Ano pa ang kanilang pakialam sa mga nabubuhay na tao sa mundo? Habang nakikisimpatya kami sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay, dapat nating tandaan na, “Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas!”(2 Corinto 6:2). Habang ang konteksto ng talatang ito ay patungkol sa panahon ng Ebanghelyo sa pangkalahatan, ito ay maaari ding gamitin para sa sinumang indibidwal na hindi pa handa sa pagharap sa hindi maiiwasan – ang kamatayan at ang paghuhukom (Roma 5:12; 1 Corinto 15:26; Hebreo 9:27). Ang kamatayan ang pinakahuling pangyayari sa buhay ng tao sa lupa at pagkatapos nito, hindi na maililigtas pa ng anumang panalangin ang isang tao mula sa apoy ng impyerno. Pagkatapos ng kamatayan, hindi na niya maaaring makamit pa ang kaligtasan na dapat sana’y kanyang tinanggap habang nabubuhay pa siya sa lupa.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pananalangin para sa patay?