settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga ang pananalangin para sa iba?

Sagot


Ang pananalangin para sa iba — at mga panalangin sa pangkalahatan — ay isang gawain na laging kinukwestyon ng mga may kakaunting kaalaman sa Bibliya. Bakit pa tayo mananalangin kung alam na ng Diyos ang pinakamabuti para sa atin at nakatakda na iyong mangyari? Higit Siyang marunong kaysa sa atin. Bakit iniutos Niya sa atin na manalangin? Hindi ba mas maganda na pagtiwalaan na lamang natin Siya para sa pinakagamandang bagay na Kanyang isasakatuparan kung totoo na higit na marunong ang Diyos kaysa sa atin (1 Corinto 1:25) at dapat natin Siyang pagtiwalaan (Kawikaan 3:5–6)? Para sa mga dahilang ito mismo kung bakit tayo dapat manalangin, dahil ang pananalangin para sa ating sarili at para sa iba ay isang gawaing iniutos sa atin ng Diyos.

Ang pananalangin para sa iba ay inirekomenda bilang kasangkapan para sa kagalingan (Santiago 5:16) kasama ang pagpapahayag ng kasalanan. Sinabi ni Santiago na, “Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid.” Ngayon, nangangahulugan ba ito na ang panalangin lamang ng mabubuting tao ang pinakikinggan ng Diyos? Hindi, ang salitang ‘matuwid’ sa Bibliya ay tumutukoy sa mga taong may pananampalataya at binihisan ng katuwiran ni Kristo (Roma 5:1; 3:21–22; 4:2–3).

Sinabi sa atin ni Hesus na manalangin sa Kanyang pangalan (Juan 14:13–14). Kung ginagawa mo ang isang bagay sa “pangalan ng isang tao,” nangangahulugan ito na ginagawa mo ang bagay na iyon ayon sa kalooban ng taong iyon. Kaya nga, ang pagkilala sa Diyos at pangunawa sa Kanya ay mahalagang sangkap ng panalangin. Ngayon naguumpisa tayong makita kung bakit mahalaga ang pananalangin para sa iba. Ang panalangin ay hindi para makuha natin ang lahat ng bagay na gusto natin o para maligtas sa sakuna, maging malusog. Ang pananalangin para sa iba ay isang makapangyarihang paraan kung saan mas nakikilala natin ang ating Tagapagligtas at isang daan sa pagkakaisa ng mga mananampalataya. Ang epektibong pananalangin para sa iba ay magdadala sa atin palapit sa Diyos, dahil ang epektibong panalangin ay base sa ating kaalaman sa Kanyang kalooban (1 Juan 5:14). Ito rin ang magiging daan upang mapalapit tayo sa iba, habang nakikilala natin sila at nakikita natin ang kanilang mga pangangailangan.

Para sa marami sa atin, ang pananalangin para sa iba ay katulad ng panalanging ito: “Panginoon, pagkalooban Mo ang aking kaibigan ng trabaho, maayos na paglalakbay, malusog na pangangatawan at pagiingat.” Kung malalim ang pagkakilala natin sa isang tao, idinadalangin din natin ang kanilang mga relasyon. Walang masama sa pananalangin para sa mga bagay na ito; ang totoo, hinihikayat tayo ng Bibliya na manalangin para sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan nito, naiibsan ang ating pagaalaala (Filipos 4:6). Tama na manalangin para sa kalusugan at mabubuting pangyayari para sa ibang tao (3 Juan 1:2).

Gayunman, karamihan ng mga panalangin na nakatala sa Bibliya ay ibang uri ng panalangin. Sa tuwing nananalangin si Hesu Kristo para iba, idinadalangin Niya na magkaroon sila ng pananampalataya (Lukas 22:32), mapagtagumpayan nila ang mga tukso sa kanilang mga buhay (Lukas 22:40), upang sila’y magkaisa (Juan 17:11), at idinalangin Niya ang kanilang pagpapaging-banal (Juan 17:17). Nanalangin si Pablo para sa kaligtasan ng mga naliligaw (Roma 10:1); idinalangin niya ang mga kapatid sa pananampalataya na manatili sa tamang landas (2 Corinto 13:7); idinalangin niya na palakasin ng Banal na Espiritu ang mga mananampalataya at mag-ugat sila at magbunga sa pag-ibig, at maunawaan ang pag-ibig ng Diyos at mapuspos ng kapuspusan ng Diyos (Efeso 3:14–19). Ang lahat ng mga panalanging ito ay para sa mga espirtiwal na pagpapala; at ang lahat ng ito ay sa “pangalan ni Hesus” at ayon sa kalooban ng Ama—mga panalangin na tiyak na makukuha ang sagot na “Oo” ni Hesu Kristo (2 Corinto 1:20).

Mahalaga ang pananalangin para sa iba dahil sa pamamagitan nito, ginaganap natin ang mga utos sa Bagong Tipan. Sinabihan tayo na manalangin para sa lahat ng tao (1 Timoteo 2:1). Dapat nating idalangin ang ating mga pinuno sa pamahalaan (1 Timoteo 2:2). Dapat nating idalangin ang mga hindi mananampalataya (1 Timoteo 2:3–4). Dapat nating ipanalangin ang ating mga kapwa Kristiyano (Efeso 6:18). Dapat nating ipanalangin ang mga manggagawa sa ubasan ng Diyos at mga tagapangaral ng Ebanghelyo (Efeso 6:19–20). Dapat nating ipanalangin ang mga pinaguusig na iglesya (Hebreo 13:3). Inaalis ng pananalangin para sa iba ang ating pansin sa ating mga sarili patungo sa mga pangangailangan ng mga tao sa ating paligid. Habang “nagtutulungan tayo sa pagdadala ng pasanin ng isa’t isa, “ginaganap natin ang utos ni Kristo” (Galacia 6:2). Magumpisa tayong ipanalangin ang iba at tulungang patibayin ang katawan ni Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga ang pananalangin para sa iba?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries