settings icon
share icon
Tanong

Ang pagrorosaryo ba ay naayon sa Bibliya?

Sagot


Habang ang iba sa mga panalangin na bahagi ng pagrorosaryo ay nasa Bibliya, ang buong pangalawang bahagi ng "Aba Ginoong Maria" at ang bahagi ng "Maria, Banal na Ina" ay tahasang sumasalungat sa katuruan ng Bibliya. Ang unang bahagi sa "Aba Ginoong Maria" ay halos direktang pagbanggit sa Lukas 1:28 ngunit wala namang direktang basehan sa Kasulatan ang (1) pananalangin kay Maria, (2) pagtawag sa Kanya ng "Banal na Ina" o (3) pagtawag sa kanya na "aming buhay" at "aming pag-asa."

Tama ba na tawagin si Maria na "Banal" ayon sa pakahulugan ng Simbahang Katoliko na hindi siya nagkasala o nabahiran man ng kasalanan? Sa Bibliya, ang mga mananampalataya ay tinatawag na mga "Banal" na ang kahulugan ay mga "ibinukod para sa Diyos" o "mga pinabanal ng Diyos" ngunit ang pang-unawa ng Kasulatan kung bakit tinatawag na banal ang mga mananampalataya ay dahilan sa kabanalan ni Kristo na ibinigay sa kanila (2 Corinto 5:21). Habang nabubuhay ang mananampalataya sa lupa, hindi pa sila lubos na banal o hindi na magkakasala kailanman (1 Juan 1:9 - 2:1). Tinatawag si Hesus ng paulit ulit sa Kasulatan bilang Tagapagligtas dahil iniligtas Niya tayo sa ating mga kasalanan. Sa Lukas 1:47, tinawag ni Maria ang Diyos na "aking Tagapagligtas." Tagapagligtas mula saan? Ang isang taong hindi nagkasala ay hindi nangangailangan ng Tagapagligtas. Ang mga makasalanan ang nangangailangan ng Tagapagligtas. Inamin ni Maria na ang Diyos ang kanyang Tagapagligtas, Kaya nga, kinilala ni Maria na isa rin siyang makasalanan.

Sinabi ni Hesus na dumating Siya upang iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan (Mateo 1:21). Inaangkin ng simbahang Katoliko Romano na naligtas si Maria mula sa kasalanan sa isang kakaibang paraan hindi kagaya ng karaniwang tao. Itinuturo ng Simbahang Katoliko na naligtas siya sa kasalanan sa pamamagitan ng katuruan na tinatawag na "immaculada concepcion" o paglilihi kay Maria ng kanyang sariling ina ng walang kasalanan. Ngunit ayon ba sa Bibliya ang katuruang ito? Inaamin ng Simbahang Katoliko na wala sa Bibliya ang katuruang ito. Nang tawagin ng isang lalaki ang Panginoong Hesus na "Mabuting Guro" (Mateo 19:16-17), tinanong siya ni Hesus kung bakit niya Siya tinatawag na mabuti gayong walang ibang mabuti kundi ang Diyos lamang. Hindi dito itinatanggi ni Hesus ang Kanyang pagka Diyos. Ipinakikita lamang Niya sa lalaking iyon na ginagamit nito ang terminolohiyang Mabuti ng hindi niya pinagiisipan ang kahulugan ng kanyang sinasabi. Ngunit ang pinupunto ni Hesus ay makatwiran, kung hindi, hindi Niya sasabihin ang mga katagang iyon. Walang mabuti kundi isa lamang - ang Diyos. Nangangahulugan na ang lahat ay makasalanan maliban sa Diyos. Lahat ay makasalanan maging si Maria! Sinusuportahan din ang katotohanang ito ng Roma 3:10-23, Roma 5:12 at ng hindi mabilang na talata sa Bibliya na binibigyang diin ang katotohanan na walang nakaabot at walang sinumang karapatdapat sa paningin ng Diyos. Hindi kailanman itinuro sa Bibliya na hindi nabahiran ng anumang kasalanan at hindi nakagawa ng anumang pagkakasala si Maria. Kung walang kasalanan si Maria, hindi siya mangangailangan ng Tagapagligtas gaya ng kanyang inangkin sa Lukas 1:47.

Paano ang pananalangin kay Maria o sa kaninumang santo maliban sa Diyos? Hindi tayo sinabihan saanman sa Bibliya na may maaaring makarinig sa ating mga dalangin sa langit maliban sa Diyos. Alam natin na tanging ang Diyos lamang ang nakakaalam ng lahat, makapangyarihan sa lahat at sumasalahat ng dako. Kahit na ang mga anghel, na may taglay ding kapangyarihan ay mayroon ding limitasyon at hindi maaaring tumulong sa atin ayon sa kanilang kakayahan at kagustuhan (Daniel 10:10-14). Nang turuan ni Hesus ang mga alagad na manalangin, binigyan Niya sila ng isang modelo sa panalangin na karaniwang tinatawag na "Ama Namin." Itinuro Niya na dapat nating ipaabot ang ating mga panalangin ng direkta sa Diyos Ama. Walang ibang puwedeng tumanggap ng ating panalangin maliban sa Diyos. Hindi tayo makakakita ng kahit isang halimbawa sa Bibliya tungkol sa isang tao na nanalangin sa isang santo o anghel (maliban sa pananalangin sa mga diyus diyusan). Gayundin, sa tuwing luluhod ang isang tao o anyong sasamba upang parangalan ang isang apostol o anghel, sinasabihan sila na tumayo at tumigil sa kanilang pagsamba (Gawa 10:25-26; Gawa 14:13-16; Mateo 4:10; Pahayag 19:10; Pahayag 22:8-9). Sinasabi ng Simbahang Katoliko Romano na ang Diyos lamang ang kanilang sinasamba ngunit lumuluhod din sila kay Maria at sa mga santo. Ano ang pagkakaiba? Ang isang taong nagrorosaryo ay gumugugol ng mas maraming panahon sa pananalangin kay Maria kaysa sa Diyos. Sa bawat isang pagpupuri sa Diyos sa Rosaryo, may sampu namang pagpupuri kay Maria!

Sinasabi sa Bibliya na si Hesus ang ating Manunubos (Galacia 3:13; 4:4-5; Tito 2:14; 1 Pedro 1:18-19; Pahayag 5:9). Ang pagtawag kay Maria ng "Aba Ginoong Maria," "Banal na Ina" at paghingi sa Kanya ng panalangin sa Diyos Ama ay hindi ayon sa Bibliya. Si Hesus lamang ang ating Tagapagtanggol (1 Juan 2:1) at nagiisang Tagapamagitan sa Diyos (1 Timoteo 2:5). Ang tanging pagbanggit sa Bibliya ng salitang "Reyna ng Langit" ay sa negatibong paraan (Jeremias 7:17-19; 44:16-27). Itinuturo sa buong Bibliya na sa Diyos lamang tayo dapat manalangin. Hindi binanggit kailanman ang pananalangin kanimuman maliban sa Diyos. Ang tanging basehan sa Bibliya ng ideya ng paglapit sa Diyos sa pamamagitan ni Maria ay ng lumapit si Maria kay Hesus sa isang kasalan sa Cana, Galilea (Juan 2). Ngunit ang talatang ito ay hindi nagtuturo na dapat tayong lumapit kay Maria sa tuwing lalapit tayo sa Diyos. Manapa, itinuturo ang mga talatang ito na hindi maaaring lapitan si Maria upang ilapit tayo sa Diyos.

Tama ba na tawagin si Maria bilang "ating buhay" at "pag-asa"? Muli, ang mga terminolohiyang ito ay ginagamit patungkol lamang sa Diyos, partikular sa Diyos Anak na si Hesu Kristo (Juan 1:1-14; Colosas 3:4; 1 Timoteo 1:1; Efeso 2:12; Tito 2:13). Kaya nga, ang pagrorosaryo ay hindi ayon sa Bibliya sa maraming kadahilanan. Ang Diyos lamang ang may kakayanang dinggin ang ating mga panalangin. Hindi itinuturo saanman sa Bibliya na ang mga Kristiyano ay maaaring lumapit sa mga padrino sa langit o manalangin sa mga santo o kahit pa kay Maria.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang pagrorosaryo ba ay naayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries