settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pananalangin sa Espiritu? Ang pananalangin ba sa Espiritu ay pananalangin sa ibang wika sa pagitan ng isang mananampalataya at ng Diyos?

Sagot


Upang magkaroon ng ideya sa paksang ito basahin ang aming artikulo tungkol sa kaloob ng pagsasalita sa ibang wika. May apat na pangunahing talata sa Bibliya na ginagamit upang patunayan ang pananalangin sa ibang wika: Roma 8:26; 1 Corinto 14:4-17; Efeso 6:18 at Judas talata 20. Binabanggit sa Efeso 6:18 at Judas talata 20 ang “pananalangin sa Espiritu.” Gayunman, ang “pananalangin sa ibang wika” ay hindi angkop na pakahulugan sa “pananalangin sa Espiritu.”

Itinuturo sa atin ng Roma 8:26, “At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka't hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; ngunit ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita.” Dalawang pangunahing puntos ang makukuha mula sa talatang ito mismo upang patunayan na ang Roma 8:26 ay hindi magagamit para sa katuruan ng pananalangin sa ibang wika. Una, sinasabi sa talata na ang “Espiritu” ang “humihibik” hindi ang mananampalataya. Ikalawa, sinasabi sa talata na ang “paghibik” ng Espiritu ay “hindi maisasaysay sa pananalita.” Ang buong esensya ng pagsasalita sa ibang wika ay pagbigkas ng mga salita.

Ngayon ang natitira na lamang ay ang 1 Corinto 14:4-17, partikular ang talatang 14: “Sapagka't kung ako'y nananalangin sa wika, ay nananalangin ang aking espiritu, datapuwa’t ang aking pagiisip ay hindi namumunga.” Binabanggit sa 1 Corinto 14:14 ang “pananalangin sa Espiritu.” Ano ang ibig sabihin nito? Una, ang pagaaral sa konteksto ng talata ay napakahalaga. Ang 1 Corinto kabanata 14 ay tumutukoy sa paghahambing sa kaloob ng pagsasalita sa ibang wika at kaloob ng pangangaral ng Salita ng Diyos. Nililinaw sa mga talatang 2 hanggang 5 na pinahahalagahan ni Pablo ang kaloob ng pangangaral ng Salita ng Diyos ng higit kaysa pagsasalita sa ibang wika. Gayun din naman, ipinaliliwanag ni Pablo ang halaga ng wika at sinasabi na siya'y natutuwa dahil nagsasalita siya sa ibang wika ng higit kaninuman (tal. 8).

Inilalarawan sa Aklat ng mga Gawa kabanata 2 ang unang pagbanggit sa kaloob ng pagsasalita sa iba't ibang wika. Noong araw ng Pentecostes, ang mga Apostol ay nagsalita sa ibang mga wika. Malinaw sa Gawa 2 na nagsalita ang mga Apostol sa wika ng tao (Gawa 2:6-8). Ang “wika” na isinalin sa sa Gawa 2 at 1 Corinto 14 ay “glossa” na nangangahulugan na “lenguwahe.” Ito ay ang salitang Griyego kung saan natin kinuha ang modernong salita na “glosaryo.” Ang pagsasalita sa ibang wika ay ang kakayahan na magsalita sa isang lenguwahe na hindi alam o pinagaralan man ng nagsasalita upang ipahayag ang Ebanghelyo sa ibang tao na nakakaunawa ng lenguwaheng iyon. Sa Corinto kung saan halo-halo ang mga lahi ng tao, ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika ay mahalaga at kinikilala. Ang mga mananampalataya sa Corinto ay may kakayahan na ipahayag ang Ebanghelyo at ang Salita ng Diyos dahilan sa kaloob ng pagsasalita sa ibang wika. Gayunman, nilinaw ni Pablo na kahit ang paggamit ng kaloob na ito ay dapat na nasa tamang kaayusan. Ang ibang wika ay dapat na “isasalin” sa wikang nauunawaan ng lahat upang maging kagamit gamit sa Iglesia (1 Corinto 14:13, 27). Kung ang isang mananampalataya sa Corinto ay magsalita sa ibang wika at mangaral ng katotohanan ng Diyos sa isang mananampalataya sa Iglesia na nakakaunawa ng wikang iyon, kailangan na ang pinangaralan o ang isang miyembro ng Iglesia na may kaloob ng pagpapaliwanag ng ibang wika ay ipaliwanag ang kanyang sinabi sa buong kapulungan upang maunawaan ng lahat ang kanyang sinabi.

Ano ngayon ang pananalangin sa ibang wika at ano ang kaibahan nito sa pagsasalita ng ibang wika? Ipinahihiwatig sa 1 Corinto 14:13-17 na ang pananalangin sa ibang wika ay kailangan ding ipaliwanag. Dahil dito, ang pananalangin sa ibang wika ay makakapagministeryo sa isang tao na nagsasalita ng wikang iyon ngunit kailangan ding ipaliwanag o isalin sa wikang nauunawaan ng buong kapulungan upang mapagtibay ang bawat isa.

Hindi sumasang ayon ang mga naniniwala na ang pananalangin sa ibang wika ay pananalangin sa salita sa interpretasyong ito. Ang interpretasyong ito ay maaaring buudin sa pamamagitan ng mga sumusunod: ang pananalangin sa ibang wika ay sa pagitan ng mananampalataya at ng Diyos (1 Corinto 13:1), at ginagamit ito ng mananampalataya upang patibayin ang sarili (1 Corinto 14:4). Ang interpretasyong ito ay hindi Biblikal dahil sa mga sumusunod na kadahilanan: 1) Paano magiging pribadong panalangin ang pananalangin sa ibang wika kung kailangan din itong ipaliwanag sa iba (1 Corinto 14:13-17)? 2) Paanong magiging para sa ikatitibay ng sarili ang pananalangin sa ibang wika kung sinasabi na ang mga kaloob ng Espiritu ay ibinigay para sa ikatitibay ng Iglesia hindi pansarili lamang? 3) Paano magiging isang pribadong panalangin ang pananalangin sa ibang wika kung ang kaloob na ito ay “tanda para sa mga hindi mananampalataya” (1 Corinto 14:22). 4) Malinaw na itinuturo ng Bibliya na hindi lahat ay pagkakalooban ng kaloob ng pagsasalita sa ibang wika (1 Corinto 12:11, 28-30). Kaya paanong para sa pagpapatibay ng sarili ang pananalangin sa ibang wika kung hindi maaaring para sa lahat ng mananampalataya ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika? Hindi ba't ang layunin ng mga kaloob ng Espiritu ay upang mapatibay ang lahat na mananampalataya?

Para sa iba, ang pananalangin sa wika ay tulad sa isang sikretong “code language” na humahadlang diumano kay Satanas at sa kanyang mga demonyo upang hindi maintindihan ang panalangin at sa gayon ay hindi sila makagawa sa buhay ng mananampalataya na nananalangin sa ibang wika. Ang pangunawang ito ay hindi ayon sa Bibliya dahil sa mga sumusunod na kadahilanan: 1) Inilalarawan sa buong bagong Tipan na ang ibang wika ay mga lenguwahe ng tao. Tila mahirap paniwalaan na hindi nakakaintindi si Satanas at ang mga demonyo ng lenguwahe ng mga tao. 2) Itinala ng Bibliya ang hindi mabilang na mananampalataya na nananalangin sa kanilang sariling wika sa malakas na tinig ngunit hindi inaalintana kung naiintindihan man o hindi ni Satanas ang kanilang panalangin. Kahit na maintindihan pa ni Satanas at ng kanyang mga kampon ang ating mga panalangin, wala silang kahit anumang kapangyarihan na hadlangan ang tugon ng Diyos sa ating mga panalangin na ayon sa Kanyang kalooban. Alam natin na dinirinig ng Diyos ang ating mga panalangin at walang kahit anong koneksyon ito kung naiintindihan man ni Satanas o hindi ang ating mga panalangin.

Ano naman ang ating sasabihin tungkol sa maraming Kristiyano na “nakaranas”ng pananalangin sa ibang wika at sila ay napatibay nito? Una, dapat nating ibase ang ating pananampalataya at mga gawa sa Salita ng Diyos, hindi sa pansariling karanasan. Dapat nating salain at unawain ang anumang karanasan sa liwanag ng Salita ng Diyos, hindi unawain ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng ating karanasan. Ikalawa, marami sa mga kulto at mga relihiyon sa mundo ang nakaranas na ng pagsasalita sa ibang mga wika at pananalangin sa ibang wika. Tiyak na hindi ang Banal na Espiritu ang nagbigay sa mga hindi mananampalataya ng kakayahang ito. Kaya ng mga demonyo na gayahin ang kaloob ng pagsasalita sa ibang wika. Dapat na ito ang magtulak sa atin na suriin ang ating mga karanasan sa liwanag ng Salita ng Diyos. Ikatlo, napatunayan sa mga pagaaral na ang pagsasalita o pananalangin sa ibang wika ay napagaralan ng marami. Sa pamamagitan ng pagoobserba at pakikinig sa mga taong nagsasalita ng ibang wika, maaaring matutunan ng isang tao ang proseso kahit na hindi niya sinasadya. Ito ang pinakamalapit na paliwanag sa karanasan ng maraming Kristiyano na nakapagsalita o nakapanalangin sa ibang wika. Ikaapat, ang pakiramdam ng “pagpapatibay sa sarili” ay normal na karanasan. Ang ating katawan at mga glandula ay nakalilikha ng adrenaline at endorphins, mga natural na kemikal na nagbibigay sa atin ng magaang, maligaya at kakaibang pakiramdam lalo na kung nakakakita o nakakarinig tayo ng mga bago, kaakit-akit, makabagbag damdaming mga salita, at magagandang pangako na salungat sa realidad.

Ang pananalangin sa ibang wika ay isang isyu sa pananampalataya na maaaring tanggihan o tanggapin ng may pag-ibig. Ang pananalangin sa ibang wika ay hindi nakapagliligtas. Ang pangunawa sa tunay na kahulugan ng pananalangin sa ibang wika ang naghihiwalay sa mga mahina at malago sa pananampalataya. Kung mayroon o wala mang ganitong kaloob ang isang Kristiyano, hindi ito kakulangan. Kaya nga, bagama’t naniniwala kami na ang pananalangin sa ibang wika ay naglalayo sa Kristiyano sa tunay na kahulugan ng personal na pananalangin para sa pagpapatibay sa sarili, kinikilala namin na ang mga kapatid sa pananampalataya na gumagawa ng ganito ay nararapat din naman sa aming pag-ibig, paggalang at pangunawa.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pananalangin sa Espiritu? Ang pananalangin ba sa Espiritu ay pananalangin sa ibang wika sa pagitan ng isang mananampalataya at ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries