settings icon
share icon
Tanong

Ano ang sinasabi ng Bibliya sa pananalangin / pakikipagusap sa patay?

Sagot


Ang pananalangin sa patay ay mahigpit na ipinagbabawal sa Bibliya. Sinasabi sa Deuteronomio 18:11 na ang sinumang “komukonsulta sa patay” ay karumaldumal sa Panginoon.” Ang kuwento tungkol sa pagkonsulta ni Saul sa isang mangkukulam upang makipagusap sa kaluluwa ni Samuel ang naging mitsa ng Kanyang kamatayan dahil, “hindi siya naging tapat kay Yahweh at sinuway niya ang kanyang mga utos; sumangguni pa siya sa kumakausap sa espiritu ng namatay na sa halip na kay Yahweh. Kaya siya'y pinatay ni Yahweh at ibinigay ang paghahari kay David na anak ni Jesse” (1 Samuel 28:1-25; 1 Cronica 10:13-14). Malinaw na ipinagbabawal ng Diyos ang ganitong gawain.

Dapat na isaalang-alang natin ang mga katangian ng Diyos. Ang Diyos ay nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon at may kakayahan na marinig ang lahat na panalangin ng lahat ng tao sa buong mundo (Awit 139:7-12). Ngunit, ang isang karaniwang tao ay hindi nagtataglay ng ganitong katangian. Gayundin, ang Diyos lamang ang may kapangyarihang sumagot sa mga panalangin dahil ang Diyos lamang ang makapangyarihan sa lahat (Pahayag 19:6). Hindi taglay ng sinumang tao – patay man o buhay ang mga katangiang ito. Panghuli, ang Diyos lamang ang maalam sa lahat – alam Niya ang lahat ng bagay (Awit 147:4-5). Bago pa tayo manalangin, alam na Niya kung ano ang makabubuti sa atin ng higit sa ating kaalaman. Hindi lamang alam Niya ang ating mga pangangailangan kundi sinasagot Niya ang ating mga kahilingan ayon sa Kanyang perpektong kalooban.

Upang matugon ng isang patay ang panalangin, kailangan niyang marinig ang panalangin, magtaglay ng kapangyarihang sagutin iyon at malaman kung paano iyon sasagutin sa higit na ikabubuti ng nananalangin. Ang Diyos lamang ang makakarinig at makasasagot sa mga panalangin dahil Siya lamang ang may ganap na kapangyarihan at dahil sa Kanyang katangian na tinatawag ng mga teologo na “immanence.” Ito ang katangian ng Diyos na siyang dahilan upang direkta Siyang makibahagi sa mga nangyayari sa buhay ng tao sa mundo (1 Timoteo 6:14-15); kasama dito ang pagsagot sa ating mga panalangin.

Kahit na namatay na ang isang tao, ang Diyos pa rin ang may kontrol sa taong iyon at sa kanyang destinasyon sa kabilang buhay. Sinasabi sa Hebreo 9:27, “…Itinakda sa mga tao na mamatay na minsan at pagkatapos ay paghuhukom.” Kung ang isang tao ay namatay na na kay Kristo, pupunta siya sa langit upang makapiling ng Panginoon (2 Corinto 5:1:8); kung ang isang tao ay namatay sa kanyang kasalanan, pupunta siya sa impiyerno at sa huli ang lahat ng nasa impiyerno ay itatapon sa lawang apoy upang magsilbing permanenteng lugar para sa kanilang kaparusahan (Pahayag 20:14-15).

Ang isang taong nagdurusa sa apoy ay hindi na makakarinig o makasasagot pa sa panalangin, maging ang isang taong nasa langit na kasama ng Diyos. Kung mananalangin tayo sa isang tao na nagdurusa sa walang hanggang apoy, makakaasa ba tayo na maririnig niya at masasagot ang ating mga panalangin? Hindi. Gayundin naman, may pakialam pa ba ang mga taong nasa langit sa mga pansamantalang problema ng tao dito sa mundo? Wala! Ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang Anak upang maging Tagapamagitan sa tao at sa Diyos (1 Timoteo2:5). Sa pamamagitan lamang ni Hesus makalalapit tayo sa Diyos. Bakit kailangan pa nating dumaan sa mga namatay na makasalanan, lalo na’t ang pananalangin sa kanila ang dahilan ng pagaani ng poot ng Diyos?

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang sinasabi ng Bibliya sa pananalangin / pakikipagusap sa patay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries