settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mapipigilan ang takot sa pagdarasal sa publiko?

Sagot


Maraming tao ang iniisip na ang pananalangin sa publiko o sa isang grupo ay isang nakakakabang gawain. Ang anumang uri ng pagsasalita sa publiko ay isa sa mga pinakamalaking takot na nararanasan ng mga tao. Ang pampublikong pananalangin ay nagdaragdag ng tensyon sa espirituwal na aspeto, mas kinakabahan ang taong nananalangin dahil sa posibleng epekto ng kanilang panalangin sa iba. Gayunman, dapat tandaan na bagaman ang panalangin ay iniutos ng Diyos, ang pampublikong panalangin ay hindi. Sa katunayan, sinabi ni Hesus kapag tayo ay nananalangin, dapat tayong pumasok sa isang silid, isara ang pinto at manalangin nang palihim (Mateo 6:6). Kaya ang unang bagay na dapat maunawaan tungkol sa pampublikong panalangin ay hindi ito isang pangangailangan sa buhay Kristiyano.

Para sa mga gustong sumali sa pananalangin sa harap ng maraming tao, may ilang paraan para mabawasan ang kaba na kadalasang kaakibat nito. Una, mahalagang manalangin kasama ang isang grupo ng tao kung kanino tayo komportable, sa mga taong hindi tayo huhusgahan sa kung paano tayo magsalita sa panalangin. Ang pagdarasal kasama ang iba ay maaaring maging isang malaking kaaliwan kapag narinig natin ang ating mga pangangailangan na itinataas sa trono ng biyaya ng Diyos kasama ang mga taong nagmamalasakit sa atin upang gawin ito. Ang iba na nakarinig sa na nagdarasal para sa iba ay nahihikayat din. Ang isang grupo ng mga tao na nagmamahalan at tinatanggap ang isa't isa nang may pagmamahal at pagpapakumbaba ay kadalasang nagpapagaan sa takot ng mga kinakabahan sa pagdarasal sa publiko.

Ang isa pang paraan upang mapagaan ang pakiramdam ay ang manalangin nang tahimik bago ang pampublikong pulong at humihiling sa Diyos na ituon ang ating mga isip at puso sa Kanya at malayo sa ating sarili. Kapag itinuon natin ang ating mga iniisip sa Lumikha ng sansinukob at hinayaan natin ang ating sarili na malubog sa Kanyang napakalawak na katangian, makikita natin na lumiliit ang ating mga iniisip at nadarama tungkol sa ating sarili. Ang ating mga alalahanin ay mas nakasentro sa kung ano ang iniisip ng Diyos sa atin, hindi sa iniisip ng iba. Iniibig tayo ng Diyos ng walang pag-aalinlangan, at kung tayo ay sa Kanya sa pamamagitan ni Cristo, inalis Niya ang ating kasalanan sa atin na kasing layo ng silangan sa kanluran (Awit 103:12), at inaanyayahan Niya tayong lumapit nang buong tapang sa Kanyang trono ng biyaya (Hebreo 4:16). Alalahanin na hindi Niya tayo hinuhusgahan dahil sa ating kawalan ng kahusayan sa pagsasalita, ito ay makatutulong sa pag-alis ng kaba. Ang mga tao ay tumitingin sa panlabas, na kasama dito ang pananalita, ngunit nakikita ng Diyos ang laman ng ating puso (1 Samuel 16:7).

Sa huli, maraming tao ang nakaranas na ang paulit-ulit na pagdarasal sa publiko ay magpapagaan ng kaba. Ang pananalangin kasama ang iba ay isang lubhang napakagandang karanasan, ngunit sa huli ang panalangin ay ang pribilehiyong makipag-usap sa ating Ama sa langit na nakakakita ng ating mga puso at nakaaalam kung ano ang kailangan natin bago pa man tayo humingi. Hindi niya kailangang marinig ang mahusay na pagsasalita sa ating mga panalangin upang pagpalain tayo at mapalapit sa Kanya. Ang hinihiling Niya ay isang pusong nagsisisi at isang mababang loob, na hindi Niya tatanggihan (Awit 51:17), hindi man mahusay ang ating mga panalangin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mapipigilan ang takot sa pagdarasal sa publiko?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries