settings icon
share icon
Tanong

Tinuturuan ba tayo ng Bibliya na magkaroon ng pananampalatayang gaya ng sa bata?

Sagot


Hindi maikakaila na ang pananampalataya ang esensya ng buhay Kristiyano. Binabanggit ang pananampalataya sa buong Bibliya at ipinakikita na lubha itong napakahalaga. Sa katunayan, “hindi kalulugdan ng Diyos ang sinumang walang pananampalataya” (Hebreo 11:6). Ang paksa ng buong Hebreo 11 ay tungkol sa pananampalataya at sa mga taong nagtataglay nito. Kaloob ng Diyos ang pananampatayang instrumento sa kaligtasan gaya ng makikita natin sa Efeso 2:8–9. Hindi ito isang bagay na likas sa tao. Pinagkalooban ng Diyos ang lahat ng mananampalataya ng kaloob ng pananampalataya at ito ay isang sangkap sa baluti ng Diyos - na siyang nagiingat sa atin laban sa nagniningas na palaso ng masama” (Efeso 6:16).

Tinuturuan tayo ng Bibliya na magkaroon ng pananampalatayang gaya ng sa isang bata. Sinabi ni Hesus sa Mateo 18:3na dapat tayong maging tulad sa maliliit na bata upang makapasok sa kaharian ng Diyos. May nagtanong kay Hesus ng ganito: “Sino ngayon ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” (talata 1). Bilang sagot, “Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila at sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap’” (talata 2–5).

Kaya nga, habang iba ang pamantayan ng mga alagad sa pagiging dakila sa kaharian ng langit, nagbigay si Hesus ng bagong pananaw: ang daan “paakyat” ay “pababa.” Kinakailangan ang pagpapakumbaba (Mateo 5:5). Pinayuhan ni Hesus ang mga alagad (at tayo din naman) na maghangad ng kapakumbabaan na gaya ng paguugali ng isang bata bilang karagdagan sa ating pananampalataya. Ang mga kusang loob na naghahangad ng pinakamababang posisyon ang pinakadakila sa paningin ng Diyos. Ang isang bata ay walang ambisyon, hindi mapagmataas at walang kayabangan at dahil dito, ang kanyang katangiang ito ay isang magandang halimbawa para sa atin. Likas na mapagpakumbaba ang mga bata at madaling turuan. Hindi sila likas na mapagmataas at mapagpaimbabaw. Ang kapakumbabaan ay isang paguugali na ginagantimpalaan ng Diyos gaya ng sinasabi ni Santiago, “Magpakumbabá kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo” (Santiago 4:10).

Bagamat hindi binanggit ang pananampalataya sa Mateo 18:1–5, alam natin na hindi lamang ang pagiging mapagpakumbaba ang magdadala sa tao sa langit; ito ay ang pananampalataya (na mula sa Diyos) sa Anak ng Diyos. Ang isang mapagpakumbaba at walang pagkukunwaring pananampalataya ay maaaring tawaging “pananampalatayang gaya ng sa bata.” Noong pagpalain ni Hesus ang mga bata, Kanyang sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos” (Markos 10:14–15). Paano tumatanggap ng regalo ang isang bata? May kabukasan ng loob, katapatan, at kagalakan ng walang halong pagkukunwari. Ang ganitong uri ng masayang saloobin ang dapat na maging tanda ng ating pananampalataya sa pagtanggap ng kaloob ng Diyos sa pamamagitan ni Hesu Kristo.

Siyempre, normal na madaling madaya at maligaw ang mga bata. Sa kanilang pagiging alerto, may mga pagkakataon na hindi nila agad nakikita ang kasinungalingan at napapaniwala sila sa mga alamat at pantasya. Ngunit hindi ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalatayang gaya ng sa bata. Isinulong ni Hesus ang isang mapagpakumbaba at tapat na pananampalataya sa Diyos, at ginamit Niya ang mga inosenteng bata bilang halimbawa. Sa ating paggaya sa pananampalataya ng mga bata, simpleng dapat nating pagtiwalaan ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang salita. Gaya ng kung paanong pinagtitiwalaan ng mga bata ang kanilang mga ama dito sa lupa, dapat din nating pagtiwalaan na “ipagkakalob ng ating Ama sa langit ang mabubuting mga bagay sa mga humihingi sa Kanya” (Mateo 7:11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Tinuturuan ba tayo ng Bibliya na magkaroon ng pananampalatayang gaya ng sa bata?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries