settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pananamit ng disente o mahinhin?

Sagot


Sa paglalarawan ng pananamit na nararapat para sa mga babae sa Iglesya, pinayuhan sila ni Apostol Pablo na magdamit ng disente ng may “kahinhinan” at pagkatapos, ikinumpara ang malaswang pananamit sa mabubuting gawa na nararapat para sa mga nagsasabing sila ay tunay na sumasamba sa Diyos (1 Timoteo 2:9-10). Ang pagiging mahinhin sa pananamit ay hindi lamang para sa Iglesya; ito ang dapat na maging pamantayan para sa lahat ng Kristiyano sa lahat ng panahon. Ang susi sa pangunawa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging mahinhin o disente sa pananamit ay ang pagsusuri sa saloobin at nasa ng ating mga puso. Buong sikap na nagdadamit ng maayos, disente at mahinhin o hindi malaswa isang taong ang puso ay nakatuon sa Diyos. Ang mga taong nakatuon ang puso sa masama ay nagdadamit sa isang paraan na umaakit ng pansin sa kanilang sarili ng walang pagpapahalaga sa konsekwensya ng kanilang paraan ng pananamit sa kanilang sarili at sa iba.

Gagawin ng isang babaeng may takot sa Diyos ang lahat ng may makadiyos na pananaw. Alam niya na nais ng Diyos para sa Kanyang mga anak na isipin sa tuwina ang kaluwalhatian ng Diyos at ang espiritwal na kagayan ng kanyang mga kapatid sa Panginoon. Kung sinasabi ng isang babae na siya ay Kristiyano ngunit nagdadamit sa isang paraan na nakakatawag ng pansin sa kanyang sariling katawan, siya ay isang masamang patotoo sa Anak ng Diyos na tumubos sa kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Nalilimutan niya na ang kanyang katawan ay tinubos ni Kristo at ngayon ang kanyang katawan ay templo ng Espiritu Santo (1 Corinto 6:19-20). Ipinahahayag niya sa mundo na nakikita niya ang kanyang kahalagahan sa pisikal na pananaw lamang at ang kanyang pagiging kaakit akit ay nakadepende sa kung paano niya ipinapakita ang katawan sa mga tao. Gayundin naman, sa pamamagitan ng pagdadamit ng magarbo o malaswa, ipinakikita ng isang babae ang kanyang katawan upang magnasa sa kanya ang mga lalaki. Siya ang dahilan ng pagkakasala ng mga tao sa kanyang paligid maging ng kanyang mga kapatid sa pananampalataya, isang bagay na kinokondena ng Diyos (Mateo 5:27-29). Binanggit sa Kawikaan 7:10 ang isang babae na “mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.” Makikita natin ditto ang paglalarawan sa isang babae na ang kundisyon ng puso ay nahahayag sa paraan ng kanyang pananamit.

Sinasabi ng Kasulatan na ang mga babae ay dapat manamit ng disente, ngunit ano ang eksaktong pamantayan ng ating modernong kultura? Kailangan ba na ang isang babae ay natatakpan mula ulo hanggang talampakan? May mga kulto at relihiyon na ginawa itong isang pamantayan ng pananamit para sa mga babae. Ngunit ano ang ibig sabihin ng Bibliya sa pananamit ng disente o mahinhin? Muli, dapat tayong bumalik sa saloobin at motibo ng puso. Kung ang inklinasyon ng isang babae ay kabanalan, magsusuot siya ng damit na hindi malaswa at hindi makakatawag ng pansin ng publiko, isang uri ng pananamit na hindi magbibigay ng masamang impresyon sa kanyang sarili at hindi makakasira sa kanyang patotoo bilang anak ng Diyos. Kahit na ang lahat sa kanyang paligid ay nagdadamit ng magarbo at malaswa, pinaglalabanan niya ang tukso na makibagay sa nakararami. Alam niya na ang malaswa at magarbong uri ng pananamit ay umaakit ng atensyon sa kanyang katawan at maaaring maging dahilan ng pagnanasa ng kalalakihan. Sapat ang kaalaman ng isang babaeng makadiyos upang malaman kung anong klaseng atensyon ang makakapagpababa sa kanyang pagkatao. Ang ideya ng pagiging dahilan ng pagkakasala ng mga kalalakihan laban sa Diyos dahil sa pananamit ay hindi niya gugustuhin dahil ninanais niyang ibigin at parangalan ang Diyos at nais niyang iyon din ang gawin ng ibang tao. Ang kahinhinan sa pananamit ay naghahayag ng kabanalan ng puso, isang saloobin na dapat na nasain ng mga babae na nabubuhay upang bigyang kasiyahan at parangalan ang Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pananamit ng disente o mahinhin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries