Tanong
Ano ang pananampalatayang Baha'i?
Sagot
Ang pananampalatayang Baha'i ay isa sa mga bagong relihiyon sa mundo na orihinal na nagmula sa Shi'ite Islam sa Persia (Iran sa kasalukuyan). Gayunman, nagkaroon ito ng sariling pagkakakilanlan. Naging isang relihiyon na may sariling estado sa mundo ang Baha'i dahil sa dami ng miyembro nito (5 milyon), at sa dami ng bansa kung saan ito matatagpuan (236 bansa), ang pagiging naiiba nito sa pinanggalingang relihiyong Islam, at sa sarili nitong doktrina (naniniwala sa isang Diyos ngunit tinatanggap ang ibang paniniwala).
Ang pinakaunang lider ng pananampalatayang Baha'i ay nagngangalang Sayid Ali Muhammad na ipinakilala ang sarili bilang "Bab" (ang daan) noong Mayo 23, 1844, ang ikawalong manipestasyon ng Diyos sa kasaysayan at ang unang manipestasyon pagkatapos ni Muhamad. Ipinapahiwatig ng kanyang deklarasyong ito ang pagtanggi kay Muhamad bilang huli at pinakadakilang propeta at ang pagtanggi sa awtoridad ng Koran. Minasama ng Islam ang ganitong paniniwala. Pinag-usig si Bab at ang kanyang mga tagasunod na tinatawag na "Babis" ng mga muslim at nagkaroon ng madugong labanan sa pagitan ng kanyang mga tagasunod at ng mga Muslim hanggang sa patayin si Bab anim na taon pagkatapos niyang mabihag sa Tabríz, Ádhirbáyján, noong Hulyo 9, 1850. Ngunit bago siya namatay, inihula ni Bab ang pagdating ng isang propeta na kanyang tinukoy na "isang tao kung kanino magpapakahayag ang Diyos." Noong Abril 22, 1863, isa sa kanyang mga tagasunod na nagngangalang Mirza Husayn Ali ang nagdeklara na siya ang katuparan ng hulang iyon at siya ang pinakabagong manipestasyon ng Diyos. Ginamit niya ang titulong Baha'u'llah ("kaluwalhatian ng Diyos"). Kaya nga itinuturing si Bab na katulad ni Juan Bautista na nagpakilala sa Baha'u'llah na mas mahalagang manipestasyon ng Diyos sa panahong ito. Tinawag ang kanyang mga tagasunod na Bahai's. Ang natatanging katangiang ito ng pananampalatayang Baha'i, gaya ng itinawag dito ay naging malinaw dahil sa deklarasyong ito ni Mirza Husayn Ali. Hindi lamang niya inangkin na siya ang pinakabagong propeta na hinulaan sa Shi'ite Islam, at hindi lamang niya inangkin na siya ang kapahayagan ng Diyos, kundi inangkin din Niya na siya ang ikalawang pagparito ni Kristo, ng ipinangakong Banal na Espiritu, ng Araw ng Panginoon, ng Maitreya (mula sa Budismo), at ng Krishna (mula sa Hinduismo). Ang pagtanggap sa ibang pananampalataya ay malinaw na makikita sa mga unang bahagi ng kasaysayan ng pananampalatayang Baha'i.
Sinasabing walang sumunod na kapahayagan ng Diyos pagkatapos ni Baha'u'llah, ngunit ipinasa niya ang kanyang pangunguna sa pamamagitan ng pagtatalaga. Itinalaga niya bilang kahalili ang kanyang anak na si Abbas Effendi (kalaunan ay tinawag na, Abdu'l-Baha, "alipin ni Baha"). Habang walang kakayahan ang mga kahalili ni Baha'u'llah na magsalita ng Salita ng Diyos, kaya nilang magpaliwanag ng Kasulatan ng walang pagkakamali at itinuturing na tagapangalaga ng katotohanan ng Diyos dito sa mundo. Itinalaga ni Abdu'l-Baha ang kanyang apo na Shoghi Effendi bilang kanyang kahalili. Ngunit namatay si Shoghi Effendi na hindi nakapagtalaga ng kanyang kahalili. Ang puwang na ito ay pinunan ng isang organisadong institusyon na tinatawag na Universal House of Justice na nananatili sa kapangyarihan hanggang sa panahong ito bilang tagapamahala ng pananampalatayang Baha'i sa buong mundo. Sa kasalukuyan, ang Baha'i ay isa sa mga pangunahing relihiyon sa mundo na may taunang pangkalahatang pagtitipon na ginaganap sa Universal House of Justice sa Haifa, Israel.
Maaaring makahikayat ang mga pangunahing katuruan ng Baha'i dahil sa kanilang kasimplehan:
1) Ang pagsamba sa iisang Diyos at ang pagkakasundo ng lahat ng pangunahing relihiyon sa mundo.
2) Ang pagpapahalaga sa pagkakaiba-iba ng moralidad ng pamilya sa mundo at ang pagtatakwil sa lahat ng pagtatangi.
3) Ang pagsusulong sa pangmundong kapayapaan, pagkakapantay-pantay ng babae at lalaki, at ang edukasyon para sa lahat.
4) Ang pagtutulungan sa pagitan ng Siyensya at relihiyon sa pagtuklas ng indibidwal sa katotohanan.
Maidadagdag sa mga ito ang ilan pa sa kanilang mga paniniwala at kaugalian:
5) Ang isang pangkalahatang pangalawang wika para sa lahat ng tao.
6) Isang pangkalahatang timbangan at sukatan.
7) Ang pagpapakilala sa Diyos na hindi maaaring makilala sa pamamagitan ng mga kapahayagan.
8) Ang mga kapahayagang ito ay isang uri ng nagpapatuloy na rebelasyon.
9) Hindi pang-aagaw sa miyembro ng ibang relihiyon (agresibong pangangaral)
10) Ang pagaaral sa ibang mga Kasulatan maliban sa mga aklat ng Baha'i.
11) Ang pagpupuri at pagsamba ay isang obligasyon at dapat na ayon sa mga itinakdang instruksyon.
May karunungan ang pananampalatayang Baha'i at marami sa mga tagasunod nito sa ngayon ang edukado, magaling magsalita, liberal ang posisyon sa pulitika ngunit konserbatibo sa pakikitungo sa kapwa (halimbawa: lumalaban sila sa aborsyon, makapamilya at iba pa). Bukod dito, hindi lamang inaasahan sa mga tagasunod ng Baha'i na maunawaan ang kanilang naiibang Kasulatan kundi inaasahan din sa kanila na pagaralan ang Kasulatan ng ibang relihiyon sa mundo. Kaya nga posible na makakilala ng isang tagasunod ng Baha'i na mas marami pa ang alam sa Kristiyanismo kaysa sa isang simpleng Kristiyano. Tangi rito, binibigyan ng malaking pagpapahalaga ng pananampalatayang Baha'i ang edukasyon at ang ilang liberal na pagpapahalaga gaya ng pagkakapantay-pantay ng kasarian, edukasyon para sa lahat at pagkakaisa sa pagitan ng siyensya at relihiyon.
Gayunman, maraming butas sa teolohiya at pagkakasalungatan sa doktrina ng Baha'i. Kumpara sa Kristiyanismo, paimbabaw lamang ang mga pangunahing katuruan nito. Malalim at malaki ang mga pagkakaiba. Masyadong maraming palamuti ang pananampalatayang Baha'i at magiging napakahaba ng isang kumpletong kritisismo. Dahil dito, kaunting obserbasyon lamang ang aming ginawa sa ibaba.
Itinuturo ng pananampalatayang Baha'i na hindi maaaring makilala ang Diyos sa Kanyang esensya. Mahirap para sa Baha'i na ipaliwanag kung paano sila magkakaroon ng malinaw na teolohiya tungkol sa Diyos ngunit iginigiit na hindi maaring makilala ang Diyos. At hindi rin makakatulong ang pagsasabi na ang mga propeta at ang mga kapahayagan ang nagpapaunawa sa sangkatuhan tungkol sa Diyos dahil kung hindi maaaring makilala ang DIyos, lalabas na walang magiging pamantayan kung sinong tagapagturo ang nagsasabi ng katotohanan. Tama ang itinuturo ng Kristiyanismo na maaaring makilala ang Diyos gaya ng natural na nakikilala Siya kahit ng mga hindi mananampalataya, bagama't wala silang relasyon sa Kanya. Sinasabi sa Roma 1:20, "Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa." Maaaring makilala ang Diyos, hindi lamang sa pamamagitan ng sangnilikha, kundi sa pamamagitan din ng Kanyang mga Salita at ng presensya ng Banal na Espiritu na nangunguna at gumagabay sa atin at nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos (Roma 8:14-16). Hindi lamang maaari natin Siyang makilala kundi maaari din natin Siyang tawaging "Tatay" (Galacia 4:6). Totoo na hindi maaaring magkasya sa ating may hangganang pagiisip ang walang hanggang kaalaman tungkol sa Diyos, ngunit maaaring magkaroon ng limitado ngunit tunay at makabuluhang kaalaman ang tao sa Diyos.
Patungkol kay Jesus, itinuturo ng Baha'i na si Jesus ay isang kapahayagan ng DIyos ngunit hindi Siya Diyos na nagkatawang tao. Sa biglang tingin, tila kakaunti ang pagkakaiba ngunit ang totoo napakalaki ng pagkakaiba. Naniniwala ang Baha'i na hindi kayang makilala ang Diyos; kaya nga hindi maaaring magkatawang tao ang Diyos at makapanahan kasama ng tao. Kung tunay na Diyos si Jesus, at maaaring makilala si Jesus, maaari ngang makilala ang Diyos at sasabog ang doktrina ng baha'i. Kaya itinuturo sa Baha'i na si Jesus ay isang larawan lamang ng Diyos. Gaya ng isang tao na tumitingin sa repleksyon ng araw sa salamin at sasabihin na "Ito ang araw," sa ganito ring paraan kinikilala ng Baha'i si Jesus bilang repleksyon ng Diyos. Ito muli ang problema sa katuruan na hindi makikilala ang Diyos dahil walang paraan para malaman kung alin ang totoo at huwad na kapahayagan ng Diyos o kung sino ang totoo at huwad na propeta. Sa kabilang banda, masasabi ng isang Kristiyano na ibinukod ni Jesus ang Kanyang sarili sa ibang kapahayagan ng Diyos at kinumpirma ang Kanyang sarili bilang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagkabuhay na muli mula sa mga patay (1 Corinto 15), isang katotohanan na tinatanggihan din ng Baha'i. Habang isang himala ang muling pagkabuhay ni Jesus, isa itong katotohanan sa kasaysayan na pinatutunayan ng napakaraming ebidensya. Mabisang ipinagtanggol nina Dr. Gary Habermas, Dr. William Lane Craig, at N.T. Wright ang katotohanan ng muling pagkabuhay ni Kristo sa kasaysayan.
Tinatanggihan din ng pananampalatayang Baha'i ang kasapatan ni Kristo at ng Kasulatan. Ayon sa pananampalatayang Baha'i, si Krishna, Buddha, Jesus, Muhamad, ang Bab, at si Baha'u'llah ay mga kapahayagan ng Diyos at ang pinakahuli, si Baha'u'llah ang may pinakamataas na awtoridad dahil may kumpleto siyang kapahayayagn ng Diyos ayon sa kanilang katuruan ng progresibong kapahayagan. Sa aspetong ito, maaaring gamitin ang pangangatwirang Kristiyano upang patunayan ang pagiging natatangi ng Kristiyanismo sa mga doktrina at praktikal na katotohanan nito kumpara sa ibang sistema ng relihiyon sa mundo. Gayunman, nagnanais ang Baha'i na ipakita na ang lahat ng mga pangunahing relihiyon sa mundo ay maaaring pagkasunduin sa huli. Ang anumang pagkakaiba ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1) Mga kautusan ng tao/sosyedad—pagturing sa kautusan ng tao na mas mataas kaysa sa mga espiritwal na kautusan.
2) Panimulang kapahayagan — sa halip na maniwala sa huli at mas kumpletong kapahayagan.
3) Maling katuruan o interpretasyon.
Ngunit kahit na gamitin ang mga paliwanag na ito, napakarami at napalakaki ng pagkakaiba sa pagitan ng mga relihiyon sa buong mundo at hindi maaaring pagkasunduin. Dahil sa katotohanan na ang mga relihiyon sa mundo ay nagtuturo at nagsasanay ng magkakasalungat na katuruan at gawain, ang problema ay kung paano sila pagkakasunduin ng Baha'i habang winawasak ang halos lahat ng katuruan kung saan nakatatag ang mga relihiyong ito. Halimbawa, bagama't parehong niyayakap ng Budismo at Hinduismo ang ibang relihiyon, kilalang hindi naniniwala sa diyos ang Budismo at naniniwala naman sa maraming diyos ang Hinduismo. Samantala, hindi naman pinapayagan sa istriktong pananampalatayang Baha'i ang ateismo at panteismo. Sa isang banda naman, ang mga relihiyon na hindi yumayakap sa ibang relihiyon gaya ng Islam, Kristiyanismo at Orthodox na Judaismo ay naniniwala sa iisang Diyos gaya ng Baha'i.
Gayundin, itinuturo ng pananampalatayang Baha'i ang kaligtasan sa pamamagitan ng gawa ng tao. Hindi gaanong nagkakalayo ang katuruan ng Baha'i at Islam pagdating sa mga pangunahing doktrina kung paano maliligtas ang tao, maliban sa napakakaunti lamang ang sinasabi ng pananampalatayang Baha'i patungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Itinuturo ng Baha'i na ang buhay dito sa mundo ay dapat na punuin ng mabubuting gawa, at binabalanse ang mabubuting gawa sa masasamang gawa at ipinapakita kung gaano karapatdapat ang sarili para sa kaligtasan. Para sa Baha'i hindi binabayaran o inaalis ang kasalanan; sa halip, ito ay isinasantabi gamit ang haka-haka na palalampasin ng mabuting Diyos ang kanilang mga pagkakasala. Hindi rin maaaring magkaroon ng relasyon ang tao sa Diyos sa katuruan ng Baha'i. Sa katotohanan, itinuturo ng pananampalatayang Baha'i na walang personalidad ang Diyos kundi mga kapahayagan lamang. Kaya nga, hindi maaaring makipagrelasyon ang tao sa Diyos. Pinalitan nila ng kahulugan ang doktrina ng Kristiyanismo tungkol sa biyaya ng Diyos. Sa halip na "walang bayad na kaloob," ang kahulugan para sa kanila ng biyaya ay "ang mabuting kapahintulutan ng Diyos sa tao upang bigyan sila ng pagkakataon na makamit ang kaligtasan." Likas na nakakabit sa doktrinang ito ang pagtanggi sa pagtubos ni Kristo sa kasalanan at ang pagbalewala sa kasalanan.
Sobrang kakaiba ang pananaw ng Kristiyano sa kaligtasan. Para sa Kristiyanismo, may walang hanggang kaparusahan para sa kasalanan dahil ito ay krimen ng sangkatauhan laban sa perpektong kabanalan ng Diyos (Roma 3:10, 23). Gayundin naman, napakalaki ng konsekwensya ng kasalanan na ang kabayaran nito ay paghahandog ng buhay (dugo) at may katumbas na kaparusahang walang hanggan sa kabilang buhay para sa mga nagkasala. Ngunit binayarang lahat ni Jesus ang ating pagkakautang sa Diyos at namatay Siya bilang isang handog na walang kapintasan para sa makasalanang sanlibutan. Dahil walang kakayahan ang sangkatauhan na tubusin ang kanilang sarili o magkamit ng walang hanggang kaligtasan sa kanilang sariling kakayahan, alinman sa dalawa: dapat silang mamatay para sa kanilang sariling kasalanan o dapat silang sumampalataya na namatay si Kristo upang akuin ang kanilang pagkakasala (Isaias 53; Roma 5:8). Kaya nga, ang kaligtasan ay biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung hindi ganito, walang kaligtasan para sa sinuman.
Hindi kataka-taka na ipinapakilala ng pananampalatayang Baha'i si Baha'u'llah bilang ikalawang pagdating ni Kristo. Binalaan tayo mismo ni Jesus sa Ebanghelyo ni Mateo patungkol sa mga bagay na mangyayari sa hinaharap: "Kung may magsasabi sa inyo, 'Narito ang Cristo!' o 'Naroon siya!' huwag kayong maniniwala. Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos" (Mateo 24:23-24). Kapansin-pansin na tipikal na tinatanggihan o minamaliit ang anumang himala ni Baha'u'llah. Ang mga himalang ito ay ayon lamang sa kanyang sariling tatag na kapamahalaan, sa kanyang mga inaangking espiritwal na awtoridad, angking karunungan, kakayahang magsulat, malinis na pamumuhay, palagay ng nakararami at iba pang subhektibong pagsusuri. Ang kanilang pinakaobhektibong pagsusuri gaya ng katuparan ng mga hula ay gumagamit ng mga alegorikal na interpretasyon ng Kasulatan (tingnan ang Thief in the Night ni William Sears). Ang paniniwala kay Baha'u'llah ay laging ginagawang saligan ng pananamapalataya—handa ba ang isang tao na tanggapin si Baha'u'llah bilang kapahayagan ng Diyos sa kawalan ng obhektibong ebidensya? Siyempre, itnuturo din ng Kristiyanismo sa mga tao na sumampalataya, ngunit may malakas at mapagkakatiwalaang ebidensya ang Kristiyanismo upang sampalatayanan.
Kaya nga, hindi maaaring magkasundo ang pananampalatayang Baha'i at klasikal na Kristiyanismo at mas marami itong dapat na patunayan at sagutin sa kanyang sarili. Isang misteryo kung paanong ang isang Diyos na hindi maaaring makilala ay makakapagbigay ng maayos na teolohiya at makakapagpaganap ng isang bagong relihiyon sa mundo. Mahina ang pananampalatayang Baha'i sa pagtalakay nito sa kasalanan at itinuturing ang kasalanan na tila hindi ito isang malaking problema at kayang lutasin sa pamamagitan ng gawa ng tao. Tinatanggihan nito ang pagka-Diyos ni Kristo gayundin ang napatunayan at literal na kalikasan ng muling pagkabuhay ni Kristo. At para sa pananampalatayang Baha'i, ang isa sa pinakamalaki nitong problema ay pluralismo. Paanong magkakasundo ang napakarami at iba't ibang uri ng relihiyon ng hindi maaapektuhan ang kanilang mga katuruan? Napakadaling sabihin na may pagkakatulad ang lahat ng relihiyon sa mundo sa kanilang katuruan sa etika at sa ilang konsepto ng realidad. Ngunit hindi madaling sabihin at lalong hindi madaling gawin na pagkaisahin ang kanilang mga pangunahing katuruan patungkol sa totoong realidad at pinagsasaligan ng kanilang pananaw patungkol sa tama at mali.
English
Ano ang pananampalatayang Baha'i?