Tanong
Ang pagpapahayag ba ng pananampalataya sa bibig ay kinakailangan para maligtas? Ano ang ibig sabihin ng Roma 10:9-10?
Sagot
Ginagamit ng maraming maayos na Kristiyano ang Roma 10:9-10 sa pagnanais na makapag-akay ng tao sa pananampalataya kay Kristo. “Sapagka't kung ipahahayag mo ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang maguli ng Dios sa mga patay ay maliligtas ka: Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.”
Hindi dapat na unawain ang mga talatang ito na ang tao ay naliligtas sa pamamagitan ng pagsasalita o pagpapahayag ng pananampalataya sa pamamagitan ng bibig. Alam natin na ang kaligtasan ay sa biyaya sa pamamagitan ng kaloob na pananampalataya (Efeso 2:8-9), hindi sa pamamagitan ng mga salitang ating sinasabi. Kaya nga, kagaya ng ibang katuruan ng Kasulatan, napakahalaga ng konteksto upang maunawaan ng tama ang Roma 10.
Noong isinulat ang aklat ng Roma, kung tatanggapin ng isang tao si Kristo at ipapahayag ng kanyang labi si Hesus bilang Panginoon, tipikal na magbubunga ito sa paguusig at sa huli ay tiyak na kamatayan. Nang panahong iyon, ang pagyakap sa katuruan ni Kristo at pagpapahayag na Siya ang Panginoon, sa kabila ng kaalaman na darating ang mga paguusig ay isang indikasyon ng tunay na karanasan ng kaligtasan at gawain ng Banal na Espiritu sa buhay ng tao. Bihira ang nagpapahayag ng pananampalataya sa publiko kung nakataya ang buhay at ito ang sitwasyon ng mga mananampalataya noong unang siglo. Ang pariralang “maliligtas ka,” ay hindi isang kundisyon sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pananampalataya sa bibig sa halip, ito ay isang tiyak na katotohanan na walang taong makapagpapahayag ng pananampalataya sa publiko at ilalagay sa panganib ang sariling buhay malibang tunay siyang naligtas.
Mababasa natin sa Roma 10:10, “Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.” Ang orihinal na wikang Griyego ay nagsasaad ng kaisipan na “pagpapatunay” sa nangyari sa puso at pasasalamat sa nangyaring iyon sa pamamagitan ng pagpapahayag sa labi.
Sinasabi sa Roma 10:13, “Sapagka't ang tao'y nanampalataya ng puso sa ikatutuwid; at ginagawa sa pamamagitan ng bibig ang pagpapahayag sa ikaliligtas.” Gayunman, ipinapahiwatig sa talata 4 na ang pagtawag sa Panginoon ay isang pribiliheyo para lamang sa mga tinubos ni Kristo: “Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan?” Bilang karagdagan, sinabi din sa talata 12, “Sapagka't walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego: sapagka't ang Panginoon din ay siyang Panginoon ng lahat, at mayaman siya sa lahat ng sa kaniya'y nagsisitawag.” Malinaw na ang pariralang, “mayaman siya sa lahat ng sa kaniya'y nagsisitawag” ay hindi tungkol sa paraan ng kaligtasan, sa halip ang mga tatawag sa Kanya ay sumampalataya na ayon sa talata 14.
Sa paglalagom, hindi itinuturo ng Roma 10:9-10 na ang pagpapahayag ng pananampalataya sa bibig ay isang kundisyon sa kaligtasan. Sa halip, pinatutunayan nito na kung nagtiwala kay Kristo ang isang tao at ipinahayag ng kanyang labi na si Hesus ang Kanyang Panginoon, na nalalaman na darating ang tiyak na pag-uusig, ang taong iyon ay nagpapakita ng ebidensya ng kaligtasan. Ang mga iniligtas ay magpapahayag sa kanilang labi na si Hesus ang Panginoon dahil binigyan sila ng Panginoon ng pananampalataya. Kagaya ng bawtismo at lahat ng mabubuting gawa ng tao, ang pagpapahayag ng pananampalataya sa labi o bibig ay hindi kundisyon para sa kaligtasan; manapa, ang mga ito ay ebidensya na ang isang tao ay tunay na naligtas. English
Ang pagpapahayag ba ng pananampalataya sa bibig ay kinakailangan para maligtas? Ano ang ibig sabihin ng Roma 10:9-10?