Tanong
Paanong ang ating kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng ating gawa kung kinakailangan naman ang pananampalataya? Hindi ba’t ang pananampalataya ay isang gawa?
Sagot
Ang ating kaligtasan ay nakadepende lamang sa Panginoong Hesu Kristo. Siya ang ating kahalili na umako sa kaparusahan para sa ating mga kasalanan (2 Corinto 5:21); Siya ang ating Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan (Juan 1:29); Si Hesus ang gumawa at sumakdal ng ating pananampalataya (Hebreo 12:2). Ang gawa na kinakailangan upang ipagkaloob sa atin ng Diyos ang kaligtasan ay kumpletong isinakatuparan na ng Panginoong Hesu Kristo mismo, na nabuhay na banal, inako ang sumpa ng Diyos sa kasalanan at nabuhay na mag-uli mula sa mga patay (Hebreo 10:12).
Malinaw ang itinuturo ng Bibliya na hindi tayo matutulungan ng ating mabubuting gawa upang magtamo ng kaligtasan. Hindi tayo naligtas “dahil sa mga gawa sa katuwiran na ginawa nating sarili, kundi ayon sa kaniyang kaawaan ay kaniyang iniligtas tayo…” (Tito 3:5). “Hindi sa pamamagitan ng mga gawa” (Efeso 2:9). Sapagkat “walang matuwid wala kahit isa” (Roma 3:10). Nangangahulugan ito na hindi tayo kayang iligtas ng paghahandog ng mga hayop, pagganap sa mga utos ng Diyos, pagsamba, pagpapabawtismo at ng ating mabubuting mga gawa. Gaano man tayo “kabuti,” hindi tayo makakapasa sa pamantayan ng Diyos sa kabanalan (Roma 3:23; Mateo 19:17; Isaias 64:6).
Malinaw din sa Bibliya na ang kaligtasan ay may kundisyon; hindi inililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Ang nagiisang kundisyon sa kaligtasan ay ang pananampalataya kay Hesu Kristo. Halos 200 beses na binanggit sa Bagong Tipan na ang pananampalataya (o paniniwala) kay Kristo ang tanging kundisyon para sa kaligtasan (Juan 1:12; Gawa 16:31).
Isang araw, may ilang nagtanong kay Hesus kung paano nilang mabibigyang lugod ang Diyos: “Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios?” Agad na itnuro sa kanila ni Hesus ang tungkol sa pananampalataya: “Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Ito ang gawa ng Dios, na inyong sampalatayanan yaong kaniyang sinugo” (Juan 6:28-29). Itinanong sa kanya ng mga tao kung anu-ano ang mga kundisyon (pangmaramihan) at sumagot si Hesus na ang kundisyon ng Diyos ay iisa lamang, at ito ay ang pananampalataya sa Kanya.
Ang biyaya ay ang pagkakaloob sa atin ng Diyos ng isang bagay na hindi tayo karapatdapat tumanggap. Ayon sa Roma 11:6, winawasak ng anumang uri ng mabubuting gawa ang biyaya —ang ideya na karapatdapat ang isang manggagawa sa upa samantalang ang tumanggap ng biyaya ay simpleng tinanggap lamang ang isang bagay ng hindi iyon pinagpaguran. Dahil ang kaligtasan ay tanging sa biyaya lamang, hindi ito kayang bayaran. Kaya nga, ang pananampalataya ay hindi isang gawa. Hindi maituturing na gawa ang pananampalataya kung hindi, wawasakin nito ang biyaya (Tingnan din ang Roma 4— kung saan sinasabi na ang kaligtasan ni Abraham ay nakasalalay sa kanyang pananampalataya hindi sa anumang mabubuting gawa na kanyang ginawa).
Ipagpalagay na may isang taong hindi mo kilala ang nagpadala sa iyo ng tseke na nagkakahalaga ng isang milyong piso. Sa iyo na ang perang iyon kung gusto mo, ngunit kailangan mo pa ring papalitan ang tseke. Hindi maituturing sa anumang paraan na ang pagpirma mo sa tseke ang dahilan ng iyong pagiging milyonaryo. Ang pagpirma ay hindi maituturing na ambag mo sa pagkakaroon mo ng isang milyon. Hindi ka maaaring magyabang na naging isa kang milyonaryo dahil sa iyong sariling kakayahan na magnegosyo. Hindi, dahil ang isang milyong piso ay isang simpleng regalo at ang pagpirma doon ang tanging paraan upang matanggap ang regalong iyon. Gayundin naman, ang pananampalataya ang tanging paraan upang tanggapin ang regalo ng Diyos at hindi maituturing na ang pananampalataya ay isang gawa na karapatdapat sa regalong iyon.
Ang tunay na pananampalataya ay hindi maituturing na isang gawa dahil ang tunay na pananampalataya ay pagtigil sa gawa ng laman. Ang pinaguukulan ng tunay na pananampalataya ay si Hesus at ang Kanyang ginawa para sa atin (Mateo 11:28-29; Hebreo 4:10).
Bukod sa lahat ng ito, hindi maituturing na gawa ang tunay na pananampalataya dahil kahit na ang pananampalatayang ito ay regalong mula sa Diyos, hindi isang pananampalataya na bunga ng ating sariling isipan at kakayahan. “Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios” (Efeso 2:8). “Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin” (Juan 6:44). Purihin ang Panginoon dahil sa Kanyang kapangyarihang magligtas at dahil sa Kanyang biyaya na nagligtas sa atin mula sa tiyak na kapahamakan! English
Paanong ang ating kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng ating gawa kung kinakailangan naman ang pananampalataya? Hindi ba’t ang pananampalataya ay isang gawa?