settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesus?

Sagot


Maraming mga tao ang nagsasalita ng tungkol sa "pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesus," pero ano nga ba talaga ang kahulugan nito?

Sa Biblia ay ginagamit ang katagang "pananampalataya kay Jesus" na kahalintulad ng paniniwala kay Jesus bilang Tagapagligtas. Sinasabi sa Roma 3:22-23 na, "Pinapawalang-sala ng Diyos ang lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio man o Hentil. Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos." Sa sandaling sumampalataya tayo kay Jesus, pinaniniwalaan natin Siya at ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang katuwiran sa atin.

Ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesus ay nangangahulugan ng pagtitiwala sa Kanya ng buo at walang pagaatubili. Sa isang tagpo sa bagong tipan, bago ni Jesus pagalingin ang isang bulag ay tinanong nya muna sila, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ito sa inyo ayon sa inyong [pananampalataya]”" (Mateo 9:28-29). Makikita sa mga talata na pinagtiwalaan lamang ng mga tao ang kapangyarihan at kabutihan ng Panginoon, at sila'y nakakita.

Kapag ang isang tao ay may pananampalataya kay Jesus, nangangahulugan ito na pinaniniwalaan niya kung sino ba talaga si Jesus (Diyos na nagkatawang-tao) at nagtitiwala siya sa ginawa ni Jesus (namatay at muling nabuhay). Ang pananampalatayang ito sa persona at ginawa ni Cristo ang syang nakapagliligtas (tingnan ang Roma 10:9-10; 1 Corinto 15:3-4). "Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos" (1Juan 5:1).

Nakasaad din sa Juan 3:16, "Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."

Kaya't kung walang pananampalataya kay Jesus, tayo ay mananatili sa ating kasalanan at hindi tayo maaaring tanggapin ng Diyos sa kanyang presensya sa perpektong langit. Tanging sa pananampalataya lamang kay Jesus tayo binigyan ng karapatang maging anak ng Diyos (Juan 1:12).

Kung ganoon, ang pananampalataya kay Jesus ay nangangahulugan ng pagtakwil sa ibang paraan upang maligtas. Hindi maaaring maliban kay Jesus ay may iba pa tayong pinagtitiwalaan upang maligtas. Kinakailangang kay Cristo lamang tayo magtiwala. "Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas”" (Gawa 4:12). Eksklusibo ang kaligtasan. At si Jesus lamang ang tanging daan upang makamit ito (Juan 14:6).

Handa ka bang sumampalataya kay Jesus? Nagtitiwala ka bang ililigtas ka Niya? Maaari kang lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng panalanging katulad nito:

"O Diyos, napagtanto ko po na ako ay makasalanan at walang kakayahang makapunta sa langit kahit sa pamamagitan ng aking mabubuting gawa. Ngayon din ay aking inilalagak ang aking pagtitiwala at pananampalataya kay Jesus-Cristo bilang Anak ng Diyos na namatay at muling nabuhay upang ako ay bigyan ng buhay na walang hanggan. Kay Jesus lamang ako nagtitiwala. Patawarin mo po ako sa aking mga kasalanan at tulungan mo akong mamuhay para Sa 'yo at ayon sa Iyong kalooban. Salamat po sa pagtanggap at pagkakaloob mo sa akin ng buhay na walang hanggan."

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries