settings icon
share icon
Tanong

Pananampalataya laban sa takot – ano ang sinasabi ng Bibliya?

Sagot


Hindi maaaring magsama ang pananampalataya at takot. Ang pananampalataya ay inilarawan sa Hebreo 11:1 na "katiyakan ng mga bagay na hindi natin nakikita." Ito ay ganap na pagtitiwala na ang Diyos ay patuloy na kumikilos sa likod ng mga pangyayari sa bawat bahagi ng ating mga buhay, kahit na walang nakikitang ebidensya para suportahan ang katotohanang ito. Sa kabilang banda, sa simpleng pakahulugan, ang takot ay kawalan ng pananampalataya o mahinang pananampalataya. Habang ang kawalan ng pananampalataya ay naghahari sa ating mga isipan, ang takot ang komokontrol sa ating emosyon. Ang ating kaligtasan mula sa takot at pagaalala ay base sa pananampalataya, na kasalungat ng kawalan ng pananampalataya. Kailangan nating maunawaan na ang pananampalataya ay isang bagay na hindi natin kayang gawin sa ating sarili. Ang pananampalataya ay isang kaloob (Efeso 2:8-9) at ang katapatan ay inilarawan bilang isang kaloob (o katangian) na hinuhubog sa ating buhay ng Banal na Espiritu (Galacia 5:22–23). Ang pananampalataya ng Kristiyano ay isang nagtitiwalang katiyakan sa isang Diyos na umiibig sa atin na nakakaalam ng ating mga niniisip at nagmamalasakit sa ating pinakamatinding pangangailangan. Ang pananampalatayang ito ay lumalago habang nagaaral tayo ng Bibliya at natututunan ang mga kahanga-hangang katangian ng ating Diyos. Mas marami tayong natututunan tungkol sa Diyos, mas nakikita natin ang Kanyang pagkilos sa ating mga buhay at mas lumalakas ang ating pananampalataya.

Ang lumalagong pananampalataya ang ating ninanais at ang ninanais na hubugin sa atin ng Diyos. Ngunit paano mahuhubog ang isang pananampalatayang nananaig laban sa takot sa ating pangaraw-araw na pamumuhay? Sinasabi ng Bibliya, "Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo" (Roma 10:17). Ang maingat na pagaaral ng Salita ng Diyos ay napakahalaga sa paghubog sa pananampalataya. Nais ng Diyos na kilalanin natin Siya at ganap na magtiwala sa Kanyang direksyon para sa ating mga buhay. Sa pamamagitan ng pakikinig, pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Kasulatan, magsisimula tayong maranasan ang isang matatag at mapagtitiwalaang pananampalataya na walang takot at pangamba. Ang paggugol ng panahon sa pananalangin at tahimik na pagsamba ang humuhubog sa ating relasyon sa ating Ama sa langit na nakakakita sa atin maging sa pinakamadilim na bahagi ng ating mga buhay. Sa mga Awit, makikita natin si David na gaya natin na nakaranas din ng takot. Ipinapakita sa Awit 56:3 ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng mga salitang ito: "Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala." Ang Awit 119 ay puno ng mga talata na nagpapahayag kung paanong pinahalagahan ni David ang Salita ng Diyos: "Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran, huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway" (t. 10); "Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo, nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko" (t. 15); "Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman" (t. 11). Ang mga salitang ito ay may karunungan para sa atin ngayon.

Mabuti ang Diyos at nakakaunawa sa ating mga kahinaan ngunit hinihingi Niya sa atin na magpatuloy sa pananampalataya, at malinaw ang sinasabi ng Bibliya na hindi lumalago at lumalakas ang pananampalataya kung walang mga pagsubok. Ang kahirapan ang pinaka-epektibong kasangkapan ng Diyos para palaguin ang ating pananampalataya. Ang disenyong ito ay maliwanag nating nakikita sa Kasulatan. Pinadadaan ng Diyos ang bawat isa sa atin sa mga nakakatakot na sitwasyon at habang natututo tayong sumunod sa kanyang mga Salita at hinahayaan nating mamalagi ang mga iyon sa ating isipan, nakikita natin na ang bawat pagsubok ay nagiging mga batong tuntungan para sa isang mas malakas at mas malalim na pananampalataya. Nagbibigay sa atin ito ng kakayahan na sabihing, "Inalalayan Niya ako sa nakaraan, aagapayan Niya ako sa kasalukuyan, at susuportahan Niya ako sa hinaharap." Ganito gumawa ang Diyos sa buhay ni David. Nang kusang labanan ni David si Goliat, sinabi niya, "Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon" (1 Samuel 17:37). Alam ni David na iniligtas siya ng Diyos sa mga mapanganib na sitwasyon sa nakalipas. Nakita niya at naranasan ang kapangyarihan at pagiingat ng Diyos sa kanyang buhay, at ito ang humubog sa kanya upang magkaroon ng pananampalatayang walang kinatatakutan.

Ang Salita ng Diyos ay mayaman sa mga pangako na maaari nating panghawakan at angkinin para sa ating sarili. Kung nagigipit tayo sa pinansyal, sinasabi sa atin sa Filipos 4:19, "At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus." Kung nagaalala tayo tungkol sa isang desisyon para sa hinaharap, ipinapaalala sa atin ng Diyos sa Awit 32:8, "Aakayin kita sa daan, tuturuan kita at laging papayuhan." Kung may karamdaman, maaari nating alalahanin ang sinasabi sa Roma 5:3–5 "Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin." Kung may lumalaban sa atin, maaari tayong aliwin ng mga salita ng Diyos sa Roma 8:31, "… Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin?" Sa ating buong buhay, patuloy tayong haharp sa iba't ibang mga pagsubok na magdudulot sa atin ng takot, ngunit tinitiyak sa atin ng Diyos na maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa bawat sitwasyon: "At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus" (Filipos 4:7).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pananampalataya laban sa takot – ano ang sinasabi ng Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries