settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga ang doktrina na kaligtasan sa pamamagitan lamang ng panananampalataya?

Sagot


Ang sola fide, na nangangahulugan na “pananampalataya lamang,” ay mahalaga dahil ito ang isa sa pagkakakilanlan o susing puntos na naghihiwalay sa tunay na Biblilkal na Ebanghelyo mula sa mga huwad na Ebanghelyo. Ang nakataya ay ang mismong Ebanghelyo, kaya nga ito ay patungkol sa buhay na walang hanggan o walang hanggang kamatayan. Ang tamang pangunawa sa Ebanghelyo ay napakahalaga kaya isinulat ni Pablo sa Galacia 1:9, “Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo!” Tinatalakay ni Pablo ang parehong katanungan na sinasagot ng pananampalataya lamang—ano ang basehan na ang mga tao ay idinideklara ng Diyos na matuwid? Ito ba ay sa pananampalataya lamang o kumbinasyon ng pananampalataya at mga gawa? Ginawang maliwanag ni Apostol Pablo sa Galacia at Roma na ang mga tao ay “napapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya” kay Cristo at hindi sa “pamamagitan ng pagsunod sa kautusan” (Galacia 2:16), at sumasang-ayon dito ang buong Bibliya.

Ang sola fide ay isa sa limang sola na ginamit para bigyang kahulugan at lagumin ang mga susing isyu ng Repormasyong Protestante. Ang bawa isa sa mga pariralang latin na ito ay kumakatawan sa isang susing doktrina na isang isyu ng argumento sa pagitan ng mga Repormador at ng Simbahang Romano Katoliko at sa kasalukuyan ay nagsisilbi pa ring mga susing doktrina para lagumin ang mga susing doktrina na mahalaga sa Ebanghelyo sa pagsasanay at pamumuhay Kristiyano. Ang salitang Latin na solo ay nangangahulugang “lamang” o “tangi” at ang mahahalagang doktrina na kinakatawan ng limang pariralang Latin ang tumpak na naglalagom sa katuruan ng Bibliya patungkol sa mga mahahalagang paksang ito: sola scriptura—Bibliya lamang, sola fide—pananampalataya lamang, sola gratia—biyaya lamang, sola Christus—si Cristo lamang, at soli Deo gloria—para sa kaluwalhatian ng Diyos lamang. Ang bawat isa ay napakahalaga at silang lahat ay malapit ang kaugnayan sa isa’t isa. Ang paglisya sa isa sa mga ito ay magbubunga sa kamalian sa ibang mahalagang doktirna at ang laging resulta ay isang huwad na Ebanghelyo na walang kapangyarihan para magligtas.

Ang sola fide o pananampalataya lamang ay isang susing puntos ng pagkakaiba hindi lamang sa pagitan ng mga Protestante at mga Katoliko kundi sa pagitan din ng biblikal na Kristiyanismo at halos lahat ng ibang relihiyon at katuruan. Ang katuruan na tayo ay itinuring na matuwid ng Diyos (pinawalang sala) sa pananampalataya lamang at hindi sa mga gawa ay isang susing doktrina ng Bibliya at isang guhit na naghihiwalay sa napakaraming kulto at biblikal na Kristiyanismo. Habang karamihan ng mga relihiyon at kulto ay nagtuturo sa mga tao kung ano kanilang dapat gawin para maligtas, itinuturo ng Bibliya na hindi tayo naligtas sa pamamagitan ng mga gawa kundi sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8-9). Kakaiba ang Biblikal na Kristiyanismo mula sa ibang relihiyon dahil ito ay nakasentro sa ginawa ng Diyos sa pamamagtan ng natapos na gawain ni Cristo habang ang ibang mga relihiyon ay nakabase sa mga gawa ng tao. Kung tatalikuran natin ang doktrina ng pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya, tinatalikuran natin ang tanging daan sa kaligtasan. “Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya” (Roma 4:4-5). Itinuturo ng Bibliya na ang mga nagtitiwala kay Jesu Cristo para sa pagpapawalang sala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang ay pinagkalooban Niya ng Kanyang katuwiran (2 Corinto 5:21) habang ang mga nagtatangka na itatag ang kanilang sariling katuwiran o hinahaluan ang pananampalataya ng mga gawa ay tatanggap ng angkop na kaparusahan para sa lahat ng mga hindi nakaabot sa perpektong pamantayan ng Diyos.

Ang sola fide—o ang doktrina ng pagpapawalang sala sa pamamagitan lamang ng pananampalataya ng hiwalay sa mga gawa—ay simpleng pagkilala sa paulit-ulit na itinuturo sa Kasulatan—na sa isang yugto ng panahon, idideklara ng Diyos ang mga makasalanan na matuwid sa pamamagitan ng pagpapahiram sa kanila ng katuwiran (Roma 4:5; 5:8, 19). Ito ay nagaganap ng hiwalay sa anumang gawa at bago pa ang indibidwal ay maging matuwid. Ito ay isang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng teolohiya ng Romano Katoliko na nagtuturo na may halaga ang mga mabubuting gawa para sa kaligtasan at sa teolohiya ng mga Protestante na sinasang-ayunan ang katuruan ng Bibliya na ang mabubuting gawa ay resulta at ebidensya ng pagsilang na muli ng isang tao na pinawalang sala ng Diyos at isinilang sa espiritu sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Gaano kahalaga ang sola fide? Ito ay napakahalaga sa mensahe ng Ebanghelyo at ang biblikal na pangunawa sa kaligtasan kaya inilarawan ito ni Martin Luther bilang “ang artikulo kung saan nakasalig ang iglesya.” Ang mga tumatanggi sa sola fide ay tumatanggi hindi lamang sa Ebanghelyo na makakapagligtas sa kanila at sa esensya ay yumayakap sa huwad na Ebanghelyo. Ito ang dahilan kung bakit mahigpit na kinokondena ni Pablo ang mga nagtuturo na magiging matuwid ang tao sa pamamagitan ng kautusan o paggawa ng ibang gawa ng katuwiran sa Galacia 1:9 at iba pang mga talata sa Bibliya. Ngunit sa kasalukuyan, muling inaatake ang mahalagang doktrinang ito ng Bibliya. Napakadalas na isinasantabi ang sola fide bilang isang hindi pangunahing doktrina sa halip na kilalanin bilang isang mahalagang doktrina ng Kristiyanismo na siyang totoo.

“Tulad ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” Kung gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya. Ang lahat ng nagtitiwala sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay” (Galacia 3:6-11).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga ang doktrina na kaligtasan sa pamamagitan lamang ng panananampalataya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries