Tanong
Ano ang pananampalataya sa Diyos?
Sagot
Ang pananampalataya sa Diyos ay pagtitiwala sa Kanya ayon sa pangunawa kung Sino Siya, ayon sa inihahayag ng Bibliya. Ang pananampalataya sa Diyos ay kinapapalooban ng paniniwala sa mga katotohanan patungkol sa Diyos at pagtitiwala sa mga katotohanang iyon na nagpapabago sa buhay ng tao.
Ang pananampalataya sa Diyos ay may ilang sangkap. Ang una ay ang paniniwala na Siya ay totoong umiiral. Gayunman, ang simpleng paniniwala na ang Diyos ay umiiral ay hindi sapat. Gaya ng ipinaliwanag sa Santiago 2:19 na ang mga demonyo man ay naniniwala din sa pag-iral ng Diyos.
Pagkatapos na kilalanin na umiiral ang Diyos, ang ikalawang sangkap ng pananampalataya ay ang pagtatalaga ng buhay sa Diyos. Ang pananampalataya na walang gawa ay isang patay na pananampalataya, at hindi isang tunay na pananampalataya (Santiago 2:26).
Gayunman, kahit na ang pananampalataya sa Diyos na nagtutulak sa atin para gumawa ng kalooban ng Diyos ay hindi sapat. Para maging tunay ang pananampalataya sa Diyos, dapat natin Siyang tanggapin sa paraan na ipinahayag Niya ang Kanyang sarili sa Kasulatan. Hindi tayo pinahihintulutan na tanggapin ang mga katangian ng Diyos na gusto lamang natin at tanggihan ang Kanyang mga katangian na ayaw natin. Kung hindi natin tatanggapin ang Diyos kung Sino Siya, inilalagak natin ang ating pananampalataya sa isang huwad na diyos na ating ginawa. Marami sa mga relihiyon ang ganito ang paraan ng pananampalataya sa Diyos ngunit anumang relihiyon na hindi ayon sa Bibliya ay isang huwad na relihiyon na gumagawa ng sariling diyos. Para maging tunay ang pananampalataya sa Diyos, dapat na ito ay nakabase sa isang tunay na Diyos. Halimbawa, ang Diyos ng Bibliya ay may tatlong persona, kaya nga ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay pagkilala sa persona at sa pagiging Diyos ng Anak ng Diyos at ng Banal na Espiritu gayundin ng Diyos Ama.
Napakaraming kalituhan sa panahon ngayon tungkol sa kalikasan ng pananampalataya. May ilang nagaakala na ang pananampalataya ay “paniniwala sa alam mong hindi totoo.” Marami sa mga “bagong ateista (mga taong hindi naniniwala sa Diyos) ang pinaglalaban ang pananampalataya at siyensya at ebidensya. Sinasabi nila na ang mga Kristiyano ay sumasampalataya na umiiral ang Diyos ngunit walang ebidensya ang mga Kristiyano sa pag-iral ng Diyos samantalang may mga ebidensya ang mga ateista para sa siyensya. Ang pagkukumparang ito ay resulta ng maling pangunawa sa kalikasan ng pananampalataya sa Diyos.
Ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang bulag na paglundag sa kawalan o paniniwala ng walang kahit anong ebidensya o mas malala pa ay salungat sa mga ebidensya. Ang pananampalataya ay simpleng pagtitiwala. Nagtitiwala ang mga Kristiyano sa Diyos. Ang isang siyentipikong ateista ay sumasampalataya sa siyensya. Kung ang isang ateista ay humahamon sa isang metodolohiya sa siyensya para tuklasin ang isang gamot at pagkatapos ay inumin ang gamot na iyon, siya rin ay nagsasanay ng pananampalataya. Nagtitiwala siya sa kanyang datos at nagtitiwala siya na kaya siyang pagalingin ng medisina at hindi lalasunin. May ilan na maaaring uminom ng gamot ng hindi nalalaman o naiisip kung paano nagawa ang gamot o kung paano iyon inihanda. May iba naman na maaaring uminom lamang ng gamot pagkatapos ng masusing pagaaral at imbestigasyon sa bawat aspeto ng pagsasaliksik. May tao na maaaring inumin ang gamot ng may malaking pagtitiwala habang ang iba naman ay maaring uminom nito ng hindi gaanong naniniwala. Sa huling pagaanalisa, ang sinuman na umiinom ng gamot ay nagsasanay ng pananampalataya sa gamot na kanyang ininom o sa mga gumawa niyon. Sa huli, hindi ang lakas ng pananampalataya ang dahilan para maging mabisa ang gamot kundi ang pagiging epektibo ng gamot. Ang malaking pananampalataya sa mahinang gamot ay hindi makakapagpagaling sa tao. Ang susi ay ang pinaguukulan ng pananampalataya. Ang pagdududa sa isang magaling na gamot ay hindi makakahadlang sa bisa ng gamot hangga’t iniinom iyon ng ayon sa payo ng manggagamot. Ang pananampalataya ay hindi kabaliktaran ng pagdududa; sa katunayan, maaaring umiral ng sabay ang pagdududa at pananampalataya sa puso ng isang tao (tingnan ang Marcos 9:24). Maaaring magsanay ang isang tao ng pananampalataya (pagtitiwala at pagtatalaga) habang hindi siya nakatitiyak tungkol sa isang bagay o tao na kanyang pinagtitiwalaan. May isang nagpakahulugan sa pagdududa ng ganito: “ang pananampalataya na naghahanap ng pangunawa.”
May mga tao na simpleng nagtitiwala sa Diyos dahil ito ay tila likas na sa kanila. Maaring lumaki sila sa isang Kristiyanong pamilya at naturuan ng Bibliya mula sa pagkabata. Nakita nila ang pagkilos ng Diyos sa buhay ng ibang tao, at simpleng nagtitiwala sila sa Diyos. May iba na sumampalataya lamang pagkatapos ng masusing pagsusuri sa mga ebidensya patungkol sa Diyos. Kung ang desisyon man ng isang tao na magtiwala sa Diyos ay likas na sa kanya o bunga ng isang masusing pagaaral, ito ang sukatan ng tunay na pananampalataya.
Gayundin naman, maaaring ang isang ateista ay naging ateista dahil sa likas na ito sa kanya o pagkatapos ng isang maingat na pagsusuri. Sa huli, sumasampalataya ang isang tao na ang Diyos ay hindi umiiral dahil nagtitiwala siya sa kanyang likas na kaisipan o sa kanyang pagsasaliksik at itinalaga niya ang kanyang sarili na mabuhay ng naaayon sa kanyang paniniwala. Salungat sa mga pagaangkin ng mga bagong ateista, ang lahat ng tao ay may isang uri ng pananampalataya—ang bawat tao ay nagtitiwala sa isang bagay. Imposible na mabuhay na walang anumang pinagtitiwalaan kahit na ito ay pagtitiwala lamang sa ating mga pandama. Ang pinaguukulan natin ng ating pananampalataya ang dahilan ng pagkakaiba.
English
Ano ang pananampalataya sa Diyos?