settings icon
share icon
Tanong

Bakit patay ang pananampalatayang walang gawa?

Sagot


Sinabi ni Santiago, “Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay” (Santiago 2:26). Ang pananampalatayang walang gawa ay patay dahil ang kakulangan ng pananampalataya ay nagpapakita ng isang hindi binagong buhay o ng isang pusong patay sa espiritwal. Napakaraming mga talata na nagsasabi na ang tunay na pananampalataya ay nagreresulta sa isang binagong buhay, at ang ating pananampalataya ay pinatutunayan ng ating mga gawa. Ipinakikita ng ating pamumuhay kung ano ang ating pinaniniwalaan at kung ang ipinahahayag nating pananampalataya ay isang buhay na pananampalataya.

Minsan, ginagamit ang Santiago 2:14–26 ng hindi ayon sa konteksto sa pagtatangka na ituro na ang kaligtasan ay dahilan sa mabubuting gawa, ngunit salungat ito sa maraming mga talata ng Kasulatan. Hindi sinasabi ni Santiago na ang ating mga gawa ang magpapaging dapat sa atin sa harapan ng Diyos sa halip, sinasabi niya na ang tunay na pananampalataya ay magbubunga sa mabubuting gawa. Hindi ang mabubuting gawa ang dahilan ng kaligtasan kundi ang ebidensya ng kaligtasan. Ang pananampalataya kay Kristo ay laging nagreresulta sa mabubuting gawa. Ang isang tao na nagaangkin na siya ay Kristiyano ngunit namumuhay sa tahasang pagsuway kay Kristo ay huwad at patay ang pananampalataya at hindi tunay na naligtas. Ganito rin ang sinasabi ni Pablo sa 1 Corinto 6:9-10. Pinaghahambing ni Santiago ang dalawang uri ng pananampalataya – ang tunay na pananampalataya at ang huwad na pananampalataya na tinatawag niyang patay na pananampalataya.

Maraming tao ang nagsasabi na sila ay Kristiyano, ngunit kabaliktaran ng kanilang sinasabi ang kanilang buhay at mga prayoridad. Inilarawan ni Hesus ang ganitong uri ng tao sa Mateo 7:16-23, “Sa kanilang mga bunga ay inyong mangakikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan? Gayon din naman ang bawa't mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa't ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama. Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti. Bawa't punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. Kaya't sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila. Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa iyong pangalan, at sa pangalan mo'y nangagpalayas kami ng mga demonio, at sa pangalan mo'y nagsigawa kami ng maraming gawang makapangyarihan? At kung magkagayo'y ipahahayag ko sa kanila, Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan. ”

Mapapansin na ang mensahe ng Panginoong Hesus ay pareho sa mensahe ni Santiago. Ang pagsunod sa Diyos ang tanda ng isang tunay na pananampalataya. Ginamit ni Santiago si Abraham at Rahab upang ilarawan ang pagsunod na laging kaakibat ng kaligtasan. Ang simpleng pagsasabi na naniniwala tayo kay Hesus ay hindi makapagliligtas sa atin maging ang ating paglilingkod na panrelihiyon. Ang nagligtas sa atin ay ang pagbuhay ng Banal na Espiritu sa ating espiritu at ang pagbuhay Niya sa ating ito ay makikita sa ating buhay ng pananampalataya at pagsunod sa Diyos.

Ang maling pangunawa sa relasyon sa pagitan ng pananampalataya at gawa ay hindi dahil sa hindi pagkaunawa sa itinuturo ng Bibliya tungkol sa kaligtasan. May dalawang maling pangunawa sa gawa at pananampalataya. Ang una ay ang katuruan na basta’t nanalangin ang isang tao at sinabi na “Naniniwala ako kay Hesus,” sa isang yugto ng kanyang buhay, ang taong iyon ay ligtas na anuman ang kanyang maging uri ng pamumuhay. Kaya ang tao na itinaas ang kamay sa isang pagsamba ay itinuturing na ligtas na kahit na hindi nagpapakita ang taong iyon ng pagnanais na sumunod sa Diyos at namumuhay pa rin sa kasalanan. Ang katuruang ito na tinatawag din minsan na “pagiging Kristiyano sa pamamagitan ng isang desisyon” (decisional regeneration) ay mapanganib at mapanlinlang. Ang ideya na ang pagpapahayag ng pananampalataya ay nagliligtas kahit na ang taong nagpahayag ng pananampalataya ay namumuhay na gaya ng demonyo pagkatapos ay ipinagpapalagay na isa lamang “karnal na Kristiyano.” Ang ideyang ito ng “karnal na Kristiyano” ang ginagamit na dahilan ng iba upang mamuhay sa kasalanan: tulad sa isang mangangalunya, sinungaling, o magnanakaw na hindi nagsisisi ngunit inaangkin na siya ay ligtas ngunit isa lamang “karnal na Kristiyano.” Ngunit makikita natin sa sulat ni Santiago na ang isang hungkag na pananampalataya na siyang dahilan sa pamumuhay ng pagsuway sa Diyos – sa katotohanan ay isang patay na pananampalataya na hindi makapagliligtas.

Ang isa pang pagkakamali tungkol sa pananampalataya at gawa ay ang pagtatangka na gawin ang gawa bilang isang sangkap sa pagpapawalang sala ng tao sa harapan ng Diyos. Ang pinaghalong pananampalataya at gawa upang magtamo ng kaligtasan ay salungat sa itinuturo ng Bibliya. Sinasabi sa Roma 4:5, “Datapuwa't sa kaniya na hindi gumagawa, nguni't sumasampalataya sa kaniya na umaaring ganap sa masama, ang kaniyang pananampalataya ay ibibilang na katuwiran.” Sinabi naman sa Santiago 2:26, “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay.” Walang pagsasalungatan sa dalawang talatang ito. Pinawalang sala tayo sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya at ang natural na resulta ng pananampalataya sa ating puso ay mabubuting gawa na nakikita ng lahat. Hindi tayo pinapaging dapat ng ating mga gawa pagkatapos nating maligtas; simpleng dumadaloy lamang sila mula sa isang binagong puso gaya ng natural na pagdaloy ng tubig mula sa isang bukal.

Ang kaligtasan ay isang makapangyarihang gawa ng Diyos kung kailan ang isang taong patay sa kasalanan ay hinugasan “sa muling kapanganakan at ng pagbabago sa Espiritu Santo (Titus 3:5), na siyang dahilan ng ating kapanganakang muli (Juan 3:3). Sa oras ng kapanganakang muli, binigyan ng Diyos ang makasalanan ng isang bagong puso at inilagay sa kanya ang isang bagong espiritu (Ezekiel 36:26). Inalis ng Diyos ang isang pusong pinatigas ng kasalanan at pinuspos siya ng Kanyang Banal na Espiritu. Ang Espiritu ng Diyos ang dahilan at Siyang nagbibigay ng kakayahan sa isang taong iniligtas upang lumakad sa kabanalan at sumunod sa Salita ng Diyos (Ezekiel 36:26–27).

Patay ang pananampalatayang walang gawa dahil ipinapakita nito ang isang pusong hindi binago ng Diyos. Kung ipinanganak tayong muli sa espiritu, tiyak na magbabago ang ating buhay. Makikita sa ating mga gawa na sumusunod tayo sa Diyos. Ang hindi nakikitang pananampalataya ay mahahayag sa pamamagitan ng mga bunga ng Espiritu sa ating buhay (Galacia 5:22). Ang mga Kristiyano ay kay Kristo, ang Mabuting Pastol. Naririnig natin ang Kanyang tinig at sumusunod tayo sa Kanya (Juan 10:26–30).

Patay ang pananampalatayang walang gawa dahil magreresulta sa pagiging bagong nilalang ang tunay na pananampalataya at hindi na kaya pang mabuhay ng isang taong tunay na isinilang na muli sa pagkakasala. Gaya ng isinulat ni Pablo sa 2 Corinto 5:17, “Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.”

Patay ang pananampalatayang walang gawa dahil nanggagaling ito sa puso ng isang taong hindi binuhay ng Diyos sa espiritu. Ang hungkag na kapahayagan ng pananampalataya ay walang kapangyarihang magbago ng buhay. Isang araw, maririnig ng mga taong nagaangkin na mayroon silang pananampalataya ngunit hindi pinananahanan ng Banal na Espiritu ang mga salitang ito ng Panginoong Hesu Kristo, “Kailan ma'y hindi ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:23). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit patay ang pananampalatayang walang gawa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries