Tanong
Ano ang ibig sabihin ng kasabihang “pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa?
Sagot
Ang kasabihang “pananampalatayang naghahanap ng pang unawa” ay ipinapalagay na isa sa klasiko o lumang depinisyon ng teolohiya. Ito ay isinalin mula sa orihinal na salitang Latin na fides quaerens intellectum, na nangangahulugang ang pananampalataya sa Diyos na nahayag kay Jesu-Cristo ay nag uudyok upang ang tao ay maghanap ng mas malalim na pagkaunawa.
Ang eksaktong parirala na “pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa” ay ipinakilala ni Anselm ng Canterbury (1033-1109), isang mongheng teologo at Arsobispo ng Canterbury sa kanyang aklat ng Proslogium.
Bago pa man si Anselm, si Augustine ng Hippo (AD 354-430) ay nauna nang lumikha ng kahalintulad na pariralang Latin: ang Crede ut Intelligas o “sumampalataya at iyong maunawaan.” Naniniwala si Augustine na ang kaalaman tungkol sa Diyos ay nauuna bago ang pananampalataya sa Kanya, subalit ang pananampalataya ay nagbubunga ng pagnanais na magkaroon ng higit na malalim na pang unawa. Sa isang simpleng pangungusap, ang mga Kristiyano ay taimtim na nagnanais na maunawaan ang kanilang pinaniniwalaan.
Sumasang-ayon si Anselm kay Augustine. Naniniwala siya na ang pananampalataya ay kinakailangan sa pangunawa ngunit ayon sa kanya, ang katuwiran ay mahalaga rin sa pagkakaroon ng pagkaunawa. Para kay Anselm, ang pananampalatayang kristiyano ay kumikilos upang magkaroon ng kaalaman at makilala ang Diyos at ang ating pinaniniwalaan tungkol sa Kanya.
Ang pananampalataya ayon kay Anselm ang nagiging dahilan upang ang mananampalataya ay magsikap na magkaroon ng pang-unawa tungkol sa kagalakan ng pagkakilala at pagmamahal sa Diyos. Sa kanyang aklat na Faith seeking Understanding: An Introduction to Christian Theology, Ipinaliwanag ni Daniel L. Migliore na, “Ayon kay Anselm, ang pananampalataya ay nagnanais ng pagkaunawa at ang pagkaunawa ay nagbubunga ng kagalakan.” Isinulat mismo niya sa kanyang Proslogium ang ganito, “Dumadalangin ako sa 'yo O Diyos, loobin mong Ika'y aking makilala at ibigin ko, upang ako'y magkaroon ng kagalakan sa 'yo.”
Kaugnay ng lahat ng ito, makikita natin sa Bibliya na itinataguyod nito ang ideya ng pananampalatayang naghahanap ng pagkaunawa. Inuutusan tayo ni Jesus na ibigin ang Panginoon ng buo nating pagiisip (Mateo 22:37). At makikita rin natin sa Lucas 24:45 habang kinakausap niya ang kanyang mga alagad matapos na Siya ay mabuhay na muli, “Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.” Nagtatagumpay tayo sa laban sa sanlibutan dahil sa pananampalataya (1 Juan 5:4), Subalit ang pananampalatayang iyon ay may kalakip na pagka unawa sa Diyos: “At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan” (talatang 20).
Sa pagtalakay ng Stanford Encyclopedia of Philosophy sa pangungusap ni Anselm, binigyan nila ng linaw ang dalawang maling pagkaunawa dito. Marami ang nagkamali sa kanilang akala na ang “pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa” ay nangangahulugang umaasa si Anselm na ang pananampalataya ay mapapalitan ng pagka unawa. Ngunit ito ay walang katotohanan sapagkat para kay Anselm, ang pananampalataya ay isang aktibong pag-ibig dahil sa paghahanap o paghahangad ng higit na malalim na kaalaman tungkol sa Diyos.
Ikalawa, maraming pilosopo ang nagaakala na ang “pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa” ay nauukol lamang sa mga mananampalataya sapagkat ito ay nag uumpisa sa pananampalataya. Subalit naniniwala si Anselm na sapat na ang katwiran lamang upang mahikayat maging ang isang taong may katamtamang dunong tungkol sa pag iral ng Diyos. Sa kanyang aklat na Monologion, ang pambungad ni Anselm ay ganito: “Kung ang sinuman ay walang kaalaman, dahil hindi pa niya naririnig o hindi siya naniniwala na mayroong nagiisang makapangyarihan sa lahat, na may sariling kasapatan sa kanyang walang hanggang kasiyahan, na sa kanyang kabutihan at pagiging makapangyarihan sa lahat ay nilikha niya ang lahat ng nabubuhay at umiiral, at marami pang mga dakilang bagay na siyang matibay na dahilan upang paniwalaan natin ang tungkol sa Diyos o ang kanyang nilikha. Sa aking palagay ay mahihikayat sa ganitong paraan ang isang may sapat o katamtamang dunong upang paniwalaan niya ang mga bagay na ito kahit sa pamamagitan lamang ng katwiran.”
Ang kasabihan ni Anselm na “pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa” ang siyang bumuo sa pundasyon ng medieval na sistemang teolohikal at pilosopikal na tinawag na Eskolastisismo. Ang layunin nito ay pagisahin ang pananampalataya at katwiran bilang isang magkaugnay at malinaw na sistema.
English
Ano ang ibig sabihin ng kasabihang “pananampalatayang naghahanap ng pang-unawa?