Tanong
Ano ang ibig sabihin ng pananatili kay Kristo?
Sagot
Ang ibig sabihin ng “pananatili” ay “pamumuhay,” o “pagpapatuloy” kaya, ang pananatili kay Kristo ay pamumuhay ayon sa Kanyang kalooban at pagpapatuloy sa Kanya. Nang maligtas ang isang tao, inilalarawan siya ng Bibliya bilang isang taong “na kay Kristo” (Roma 8:1; 2 Corinto 5:17), at iniingatan ng Diyos sa isang permanenteng relasyon sa Kanya (Juan 10:28-29). Kaya nga, ang pananatili kay Kristo ay hindi isang espesyal na antas ng karanasang Kristiyano na para lamang sa iilan; sa halip, ito ang katayuan ang lahat ng tunay na mananampalataya. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga nananatili kay Kristo at sa mga hindi nananatili kay Kristo ay ang parehong pagkakaiba sa pagitan ng ligtas at hindi ligtas.
Itinuturo ang pananatili kay Kristo sa 1 Juan 2:5-6, kung saan kasingkahulugan ito ng “pagkakilala” kay Kristo (talatang 2 at 3). Sa parehong kabanata, inihalintulad ni Juan ang “pananatili” sa Ama at sa Anak sa pagkakaroon ng buhay na walang hanggan (talata 24 at 25).
Inilalarawan ng pariralang “pananatili kay Kristo” ang isang malapit na relasyon at malalim na pagkakilala sa Kanya. Sa Juan 15:4-7, sinabi ni Hesus sa Kanyang mga alagad na napakahalaga ng pagkakaroon ng katiyakan ng kaligtasan at ginamit ang larawan ng mga sanga na nakadugtong sa puno. Kung walang pakikipagisa kay Kristo na siyang dahilan ng kaligtasan, walang buhay at walang magagawa ang isang tao. Sa ibang bahagi ng Kasulatan, inihahalintulad ang pakikipagisa kay Kristo sa katawan na nakaugnay sa ulo (Colosas 1:18).
May mga katibayan kung ang isang tao ay nananatili kay Kristo (o mga ebidensya na tunay na ligtas ang isang tao at hindi lamang nagpapanggap na ligtas). Kasama sa mga katibayang ito ang pagsunod sa utos ni Kristo (Juan 15:10; 1 Juan 3:24); pagsunod sa halimbawa ni Kristo (1 Juan 2:6); hindi pamumuhay sa kasalanan (1 Juan 3:6); at kaalaman sa banal na presensya ng Diyos sa kanyang buhay (1 Juan 4:13).
Ano ang ibig sabihin ng pananatili kay Kristo?