Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pandaigdigang pagmimisyon?
Sagot
Hindi ginagamit sa Bibliya ang pariralang “pandaigdigang pagmimisyon,” pero tiyak na kalooban ng Diyos ang pagmimisyon (Lukas19:10), dahil ang Kanyang pag-ibig ay para sa lahat ng tao sa buong mundo (Juan 3:16). Ang kaligtasan ng lahat ng mga bansa ay isang gawain para sa bawat Kristiyano, ayon sa tatlong kadahilanan na ipinahayag sa Kasulatan:
Una, ang pandaigdigang pagmimisyon ay mahalaga dahil ang Diyos ang Manlilikha ng lahat ng tao; ikalawa, ang Diyos pantay pantay ang pagmamalasakit ng Diyos sa lahat ng tao; at ikatlo, nais ng Diyos na maligtas ang lahat ng tao at magkaroon ng kaalaman sa mga katotohanan tungkol kay Jesu Cristo (1 Timoteo 2:4). Dahil sa saloobin ng Diyos sa lahat ng tao sa mundo, alam natin na ang pandaigdigang pagmimisyon—ang pagpapalaganap ng Ebanghelyo sa lahat ng tao sa buong mundo—ay isang karapatdapat na layunin. Ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak sa mundo para ganapin ang hulang ito: “Nakakita ng isang maningning na liwanag ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman; sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim” (Isaias 9:2).
Ang pundasyon ng pandaigdigang pagmimisyon ay ang utos ni Jesus sa mga alagad na humayo sa buong sanlibutan at “gawing alagad ang lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19). Ito ang eksaktong ginawa ng mga alagad. Sa Antioquia ng Siria, sina Pablo at Barnabas ay “ibinukod” ng Banal na Espiritu at tinawag para sa isang espesyal na gawain (Gawa 13:2). Ang gawaing iyon ay ang pangangaral ng Ebanghelyo sa Cyprus at Asia Menor.
Sa huli, dinala si Pablo ng Kanyang gawain ng pagmimisyon sa Europa. Laging nagsisikap si Pablo na maging una sa pandaigdigang pagmimisyon: “Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba” (Roma 15:20). Ipinangaral ni Pablo ang ebanghelyo “mula sa Jerusalem hanggang sa Iliricom” (talata 19); nagplano din siya na pumunta sa Espanya (talata 24), at sa huli ay nakarating siya sa Roma. Ipinakita sa aklat ng mga Gawa ang sigasig ng iglesya sa pagmimisyon at binigyang diin ang pangangailangan ng pandaigdigang pagmimisyon.
Hindi nagpapakita ng pagkiling ang Diyos sa isang lahi o bansa at hindi itinuring na mas mataas ang isang lahi o bansa kaysa sa iba (Gawa 10:34–35). Sinsabi ng Bibliya na kung wala si Crito, iisa ang espiritwal na kundisyon nating lahat: Ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos at nasa ilalim ng sumpa kay Adan. Ang bawat tao— bawat lahi, bawat indibidwal, bawat nasyonalidad—ay kinakailangang makarinig ng ebanghelyo. Ang bawat tao ay nangangailangan ng katuwiran ng Diyos na nagmumula sa pananampalataya kay Jesu Cristo. “Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila…? “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” (Roma 10:14–15). Ang alok na biyaya ay para sa lahat; pantay pantay ang pagmamalasakit ng Diyos sa lahat ng tao.
Dapat nating ipagpatuloy ang pandaigdigang pagmimisyon dahil ninanais ng Diyos na ang lahat ay maligtas at makaabot sa kaalaman ng katotohanan (1 Timoteo 2:4). Ang alok na kaligtasan ay ginawa para sa “sinuman” (Pahayag 22:17, KJV). “Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil” (Roma 3:29). Inilalarawan sa aklat ng Pahayag ang makalangit na siyudad ng Jerusalem bilang isang lugar kung saan ang lahat ng mga bansa ay lalakad sa liwanag ng Kordero at kung saan ang kaluwalhatian ng lahat ng mga bansa ay mananahan (Pahayag 21:22–27). Nagmamalasakit ang Diyos sa lahat ng mga bansa at pupunta sa langit ang mga kinatawan ng lahat ng mga bansa.
Ibinigay ng mga anghel sa mga pastol ang “magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao” (Lukas 2:10). Sa tuwing sinusuportahan natin ang pandaigdigang pagmimisyon, sa tuwing ibinabahagi natin ang mabuting balita ng katubusan na na kay Cristo Jesus, niluluwalhati natin ang Diyos na nagsasabi, “O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan, ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan, at nagdadala ng Magandang Balita” (Isaias 52:7).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pandaigdigang pagmimisyon?