settings icon
share icon
Tanong

Ano ang magiging relihiyon sa buong mundo sa mga huling panahon/araw?

Sagot


Inilarawan sa Pahayag 17:1-18 ang pandaigdigang relihiyon bilang “Reyna ng kahalayan” o “dakilang patutot” na isa sa mga pangyayaring magaganap sa mga huling panahon/araw. Ang salitang patutot ay ginamit sa buong Lumang Tipan bilang simbolo ng huwad na relihiyon. Ang aktwal na pagkakakilanlan at kabuuan ng relihiyong ito ay matagal ng pinagdedebatehan sa loob ng maraming siglo at naging dahilan ng ba’t ibang pananaw ng mga tagapagpaliwanag ng Bibliya at mga teologo. May mga nakakakumbinsing argumento na ang pandaigdigang relihiyon sa huling panahon/araw ay ang Romano Katoliko, Islam at ang New Age movement o ilang porma ng relihiyon na hindi pa naiimbento. Ang pagsasaliksik sa internet ay magpapakita ng napakaraming teorya at posibilidad. Walang duda na magkakaroon ng isang pandaigdigang relihiyon sa ilalim ng bulaang propeta sa huling panahon/araw na maaaring kumbinasyon ng iba’t ibang relihiyon, sekta at mga ‘ismo’ na umiiral sa mundo ngayon.

Inilahad sa Pahayag 17:1–18 ang ilan sa mga katangian ng pandaigdigang relihiyon sa huling panahon/araw. Sasaklawin nito ang lahat ng “lahi, mga bansa, at mga wika” sa mundo (talata 15), na nangangahulugan na magkakaroon ito ng pangkalahatang awtoridad na ibibigay ng Antikristo na maghahari sa mundo sa panahong iyon. Inilarawan sa talata 2 hanggang 3 ang patutot na nakikipangalunya sa mga “hari ng mundo,” na tumutukoy sa impluwensya ng hidwang relihiyon sa mga pinuno ng mundo at mga maimpluwensyang tao. Maaaring tumutukoy ang pariralang “nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan,” ang mga taong nalasing sa kapangyarihan na kanilang tinanggap dahilan sa kanilang pagsamba sa diyus-diyusan ng relihiyong ito, gaya ng ginagawang pang-akit ni Satanas sa mga taong nauuhaw sa kapangyarihan. Ang alyansa na nalikha sa pamamagitan ng hidwang relihiyong ito ang magiging daan sa pagkakaisa ng iglesya at ng pamahalaan na hindi pa nagaganap kailanman sa kasaysayan ng mundo.

Inilarawan ang patutot sa talata 6 na lasing “sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus.” Ang pagpatay sa mga mananampalataya sa panahon ng kapighatian ay bahagi ng plano ng Antikristo (Pahayag 6:9). Marami sa mga lalaban sa pandaigdigang relihiyon ang pupugutan ng ulo (Pahayag 20:4), at ang mga tatangging sumamba sa Antikristo sa pamamagitan ng pagtanggap ng tatak ay hindi makakabili at makakapagbili, kaya’t magiging napakahirap ang mabuhay sa panahong ito (Pahayag 13:16¬–17).

Sa huli, magkakaroon ng hidwaan sa pagitan ng Antikristo at ng patutot dahil nais ng Antikristo na sa kanya lamang iukol ang paghanga ng mundo. Hindi niya ibabahagi ang paghanga at pagsamba ng mundo sa mga propeta at saserdote ng hidwang relihiyon kahit magpaalipin pa sila sa kanya. Sa oras na makuha ng Antikristo ang atensyon ng buong mundo sa pamamagitan ng kanyang mahimalang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay (Pahayag 13:3, 12, 14), babaling siya sa hidwang relihiyon at wawasakin niya ito at idedeklara ang kanyang sarili bilang Diyos. Ang pandarayang ito, ayon sa Panginoong Hesus ay napakasidhi na anupat tatangkain niyang “iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos” (Mateo 24:24).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang magiging relihiyon sa buong mundo sa mga huling panahon/araw?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries