Tanong
Ano ang sinasabi ng Biblia patungkol sa mga pandaigdigang salot/sakit?
Sagot
Maraming sakit na mabilis na kumakalat sa buong mundo gaya ng Ebola at Coronavirus ang naguudyok sa maraming tao para magtanong sa Diyos kung bakit hinahayaan Niya o Siya mismo ang nagpapadala ng mga sakit na maaaring maranasan ng napakaraming tao at kung ang mga sakit bang ito ay tanda ng pagwawakas ng mundo. Inilalarawan ng Biblia, partikular ng Lumang Tipan ang maraming mga pagkakataon na nagpadala ang Diyos ng mga salot at sakit sa Kanyang bayan at sa Kanyang mga kaaway “upang makita nila ang Kanyang kapangyarihan” (Exodo 9:14, 16). Ginamit Niya ang mga salot sa Egipto para mapilitan ang Faraon na palayain ang mga Israelita sa pagkaalipin habang iningatan naman Niya ang mga Israelita para hindi maranasan ang mga salot (Exodo 12:13; 15:26), na nagpapakita ng Kanyang walang hanggang kapamahalaan laban sa mga sakit at mga pagdurusa.
Binalaan din ng Diyos ang Kanyang bayan sa parusa sa pagsuway, kabilang ang pagdanas ng mga salot (Levitico 26:21, 25). Sa dalawang pagkakataon, pinatay ng Diyos ang 14,700 katao at 24,000 katao dahil sa kanilang iba’t ibang gawa ng pagsuway (Bilang 16:49 at 25:9). Pagkatapos na ibigay ang Sampung Utos kay Moises, inutusan ng Diyos ang mga tao na sundin iyon at kung hindi ay magdaranas sila ng maraming kaparusahan kabilang ang sakit na tila katulad ng Ebola: “Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat” (Deuteronomio 28:22). Ang mga ito ang ilan sa maraming halimbawa ng maraming salot at sakit na ipinadala ng Diyos.
Minsan, mahirap isipin na ang Diyos na mahabagin at puno ng pag-ibig ay nagpapakita ng ganitong pagkapoot at matinding galit sa Kanyang bayan. Ngunit laging ang layunin ng pagpaparusa ng Diyos ay pagsisisi at panunumbalik sa Kanya. Sa 2 Cronica 7:13–14, sinabi ng Diyos kay Solomon, “Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan, ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain.” Makikita natin sa mga talatang ito na ginagamit ng Diyos ang mga kalamidad at mga salot upang ilapit ang Kanyang bayan sa Kanyang sarili, upang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan at magkaroon ng pagnanais na lumapit bilang mga anak sa kanilang Ama sa langit.
Sa Bagong Tipan, pinagaling ni Jesus “ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman,” gayundin ang mga salot sa mga lugar na Kanyang pinuntahan (Mateo 9:35; 10:1; Markos 3:10). Kung paanong ginamit ng Diyos ang mga salot at sakit upang ipakita ang Kanyang kapangyarihan sa mga Israelita, nagpagaling naman si Jesus bilang pagpapakita ng parehong kapangyarihan upang patunayan sa lahat na tunay na Siya ang Anak ng Diyos. Ibinigay din ni Jesus ang parehong kapangyarihan sa Kanyang mga alagad upang patunayan na ang kanilang ministeryo ay galing sa Diyos (Lukas 9:1). Pinahihintulutan pa rin ng Diyos ang mga sakit para sa Kanyang sariling layunin ngunit minsan, ang mga sakit, maging ang mga sakit na may kakayahang mabilis na kumalat sa buong mundo ay simpleng resulta ng pamumuhay natin sa isang makasalanang mundo. Walang paraan para matiyak kung ang isang pandaigdigang sakit ay may partikular na espirituwal na dahilan, ngunit alam natin na may ganap na kapamahalaan ang Diyos sa lahat ng bagay (Roma 11:36) at gumagawa Siya sa lahat ng bagay para sa ikabubuti ng mga kumikilala at umiibig sa Kanya (Roma 8:28).
Ang pagkalat ng mga sakit gaya ng Ebola at Coronavirus ay patikim pa lamang ng pandaigdigang mga sakit at salot na lilitaw sa pagwawakas ng mundo. Tinukoy ni Jesus ang mga salot sa hinaharap na may kaugnayan sa mga huling panahon (Lukas 21:11). Ang dalawang saksi sa Pahayag 11 ay magkakaroon ng kapangyarihan na “magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila” (Pahayag 11:6). Magpapadala ang pitong anghel ng pitong salot sa isang serye ng huli at mabagsik na paghatol na inilarawan sa Pahayag 16.
Ang paglabas ng mga sakit na mabilis na kumakalat sa buong mundo ay maaari o maaaring hindi nakaugnay sa partikular na paghatol ng Diyos sa kasalanan. Maaaring simpleng resulta lamang ito ng paninirahan natin sa isang makasalanang mundo. Dahil walang nakakaalam sa eksaktong araw at oras ng pagbabalik ni Jesus, dapat tayong maging maingat sa pagsasabi na ang mga sakit na mabilis na kumakalat sa buong mundo ay katibayan na nabubuhay tayo sa mga huling sandali ng kasaysayan. Para sa mga kumikilala kay Jesus bilang kanilang Tagapagligtas, ang sakit ay dapat na magsilbing paalala na ang buhay sa mundo ay madaling maglaho at maaaring mawala sa anumang sandali. Kung mahirap na karanasan ang magdanas ng salot at magkasakit, mas mahirap na karanasan ang mapunta sa impiyerno. Gayunman, may katiyakan ng kaligtasan ang mga tunay na Kristiyano at may pag-asa sa buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos dahil sa dugo ni Cristo na nabuhos sa krus para sa atin (Isaias 53:5; 2 Corinto 5:21; Hebreo 9:28).
Ano ang dapat na maging reaksyon at saloobin ng mga Kristiyano sa mga pandaigdigang salot at sakit? Una, hindi tayo dapat mataranta. Ang Diyos ang may kontrol. Binabanggit sa Biblia ang salitang “huwag matakot” at mga salitang kahalintulad nito ng 300 beses. Ikalawa, maging matalino. Gumawa tayo ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkalantad sa sakit at protektahan at punan ang pangangailangan ng ating pamilya. Ikatlo, maghanap ng mga opurtunidad para makapagministeryo. Kadalasan, kung natatakot ang mga tao para sa kanilang buhay, mas nakahanda silang pagusapan ang tungkol sa walang hanggan at mga bagay na espirituwal. Maging matapang at mahabagin tayo sa ating pagbabahagi ng Mabuting Balita, na laging ipinapahayag ang katotohanan ng may pag-ibig (Efeso 4:15).
English
Ano ang sinasabi ng Biblia patungkol sa mga pandaigdigang salot/sakit?