settings icon
share icon
Tanong

Maaari bang gamitin ng mga demonyo ang mga alien o mga nilalang na taga ibang planeta upang dayain ang mga tao sa huling panahon?

Sagot


Alam natin na kasama sa mga mangyayari sa huling panahon ang malaking pandaraya gaya ng inilarawan sa Bibliya (Mateo 24:24). Kamakailan lamang, maraming tao ang nabaling ang interes sa teorya na kasama sa mga pandarayang magaganap sa huling panahon ang mga alien o hindi kilalang nilalang mula sa ibang planeta. Maaaring kakatwa, ngunit ang teoryang ito ay tila kapani-paniwala sa maka-Kristiyanong pananaw. Bagama’t hindi tayo binibigyan ng Bibliya ng anumang ideya kung tunay nga na may mga alien o nilalang sa ibang planeta – at walang banggit sa kanila saanman sa Kasulatan– sinasabi sa atin ng Bibliya na may mga nilalang na nasa mundo ngayon na mula sa ibang lugar – mga espiritung mula sa espiritwal na dimensyon.

Mula pa sa pasimula, naitala at nasaksihan ng ilang mga tao sa Bibliya ang pagbisita ng mga demonyo (mga anghel na bumagsak mula sa langit). Alam natin mula sa engkwentro ni Eba at ni Satanas na interesado ang mga demonyo sa pagmamatyag (at paghadlang) sa pagsulong ng sangkatauhan. Nais nilang makilahok sa layunin na ilayo ang sangkatauhan sa pagsamba sa Diyos at sa halip, sa kanila ibaling ng mga tao ang kanilang atensyon.

Ang isang natatanging pangyayari na may kinalaman sa pakikipagugnayan ng mga demonyo sa mga tao ay matatagpuan sa Genesis 6:4, sa pagdating ng mga tinatawag na mga “anak ng Diyos.” Ang talatang ito ay nagpapahiwatig na nakipagtalik ang mga makapangyarihang nilalang na ito sa mga anak na babae ng mga tao at naging supling nila ang isang makapangyarihang lahi na tinatawag na “Nefilim.” May malaking pagkakahawig sa pagitan ng tala sa Bibliya at mga tala sa kasaysayan ng tao na natagpuan sa mga sinaunang kultura. Halimbawa, sa mitolohiyang Griyego, may mga kumpletong tala tungkol sa mga Titan at mga ‘diyos.’ Binabanggit din sa kasaysayan ng sinaunang Sumeria ang mga tinatawag na “Annunaki” – mga diyos na nagmula sa langit at nanirahan sa lupa kasama ng mga tao. Kapunapuna din na ang mga diyos sa tala ng sinaunang Sumeria ay pumunta sa lupa sa anyong ahas.

Ang mga talang ito, maging ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng mga sinaunang tao ang nagpalakas sa teorya na dumating sa mundo ang mga demonyo mula sa ibang dimensyon sa isang yugto ng kasaysayan at nagdala ng kahanga-hangang karunungan at kaalaman sa mga tao at nakipagasawahan sa mga anak na babae ng mga tao sa pagtatangka na ilayo ang tao mula sa Diyos. Makikita natin sa karanasan ni Eva sa ahas na ginagamit ng mga demonyo ang tukso ng pagkakaroon ng mataas na karunungan upang linlangin ang tao at kanais-nais ang mga tuksong ito para sa tao.

Maaari bang mangyari ang mga kaparehong pandaraya sa huling panahon kung kailan magpapanggap na mga taga ibang planeta ang mga demonyo? Hindi direktang tinalakay ang isyung ito sa Bibliya, ngunit tila kapani-paniwala ito dahil mga sumusunod na kadahilanan: Una, sinasabi sa atin ng Bibliya na magkakaisa ang sangkatauhan sa ilalim ng kapangyarihan ng Antikristo. Upang pagkaisahin ang lahat ng relihiyon, mas kapani-paniwala kung ang pinuno na magiging daan ng pagkakaisa ay manggagaling sa labas, walang kinakampihan – isang nilalang na mula sa ibang dimensyon. Mahirap paniwalaan na may isang relihiyon na magiging pangunahin sa lahat ng relihiyon malibang magkakaroon ng isang kaalaman na hindi galing sa mundong ito na kukumbinsi at magiging dahilan ng pagkakaisa ng lahat na relihiyon sa mundo. Ito ay magiging tulad sa mga nakaraang pandaraya ng demonyo sa tao at magiging isang mabisang paraan upang makapandaya siya ng napakaraming tao.

Ikalawa, ang pandarayang ito ng mga demonyo ay maaaring makapagbigay ng kasagutan tungkol sa pinagmulan ng mundo. Hindi pa rin nasasagot ng nangungunang teorya sa siyensya na kusang lumabas ang buhay sa mundo (ebolusyon) kung paano nagumpisa ang buhay. Hindi pa rin naipaliliwanag kung ano ang dahilan ng pagsabog ng tinatawag na “big bang” o pagsabog ng isang planeta sa kalawakan. Kung darating ang mga demonyo na magpapanggap na mga “alien” o mga taga ibang planeta, at magbibigay sila ng paliwanag para sa pasimula ng buhay sa mundo, magiging kapani-paniwala sa mga tao ang kanilang sasabihin.

Ikatlo, maaaring makapandaya ang mga demonyo na magkukuwaring mga alien sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghan. Gagawa ng mga himala ang bulaang propeta at ang paparating na Antikristo: “Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan” (2 Tesalonica 2:9; Pahayag 13:3).

Dahil sa labis na atensyon na ibinibigay ng media sa mga aliens at ET, napakadali na para sa mga demonyo na makapandaya ng tao. Napakaraming mga pelikula, libro, at mga palabas sa telebisyon na ginagawang tema ang pagkakaroon ng mga aliens at nagpapantasya tungkol sa pagdalaw sa mundo ng mga nilalang na taga ibang planeta. Parami ng parami ang naniniwala na totoong may mga aliens. Dagdag pa rito, sa bawat pelikula na ginagawang masama ang mga aliens (gaya ng mga pelikulang War of the Worlds at Signs), maaaring may dalawang pelikula na inilalarawan ang mga nilalang mula sa ibang planeta na maamo at matulunging mga nilalang (gaya ng pelikulang E.T., The Day the Earth Stood Still, Close Encounters of the Third Kind, Man of Steel, at iba pa). Ang ganitong mga pelikula ay may malaking epekto sa kamalayan ng mga manonood. Hindi nangangahulugan na ang lahat ng pelikula tungkol sa aliens ay masama, ngunit, ayon sa teorya na tinatalakay sa artikulong ito, nakakatulong ang mga pelikulang ito sa paghubog ng opinyon ng publiko para sa paghahanda sa mga mangyayari sa huling panahon. Maaaring ito ang instrumento ng kaaway upang madaling tanggapin ng mga tao na totoo ang mga aliens at hindi sila maghinala na ang mga ito ay mga demonyo.

Kahit na may ganitong plano ang mga demonyo, hindi tayo dapat matakot. Alam natin ang katotohanan kaya’t hindi natid dapat katakutan ang kanyang mga kasinungalingan. Sinabi ng Panginoon na hindi Niya tayo iiwan ni pababayaan man at Kanya tayong iingatan (Isaias 41:10; Mateo 10:31). May hangganan ang kapangyarihan ng mga demonyo/masasamang anghel, at hindi rin sila sumasalahat ng dako. Gayundin, hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa Kanyang poot (1 Tesalonica 5:9); sa pagdating ng Antikristo, at sa kanyang pandaraya sa mundo, naniniwala tayo na dadagitin na muna ang iglesya patungo sa langit. Nagtitiwala tayo sa Panginoon bilang ating Tagapagligtas, Manunubos, at Tagapagingat ng ating mga kaluluwa (Awit 9:10; 22:5). Magwawagi ang katotohanan sa huli, at masasabi natin kasama ni Juan, “Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!” (Pahayag 22:20).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Maaari bang gamitin ng mga demonyo ang mga alien o mga nilalang na taga ibang planeta upang dayain ang mga tao sa huling panahon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries