Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pangaabuso sa mga bata?
Sagot
Hindi partikular na tinukoy sa Bibliya ang terminong "pangaabuso sa bata." Ito ang sinasabi sa atin ng Bibliya: May espesyal na lugar ang mga bata sa puso ng Diyos at ang sinuman na mananakit sa isang bata ay nagiimbita ng poot ng Diyos. Nang tangkain ng mga apostol na pigilan ang mga bata sa paglapit kay Jesus, nagalit Siya sa kanila, pinalapit ang mga bata sa Kanyang tabi at sinabi, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos" (Markos 10:14). Pagkatapos, kinarga Niya ang mga bata at pinagpala sila (talata 16). Isinusulong ng Bibliya ang pagpapala sa mga bata, hindi ang pangaabuso.
Inaabuso at minamaltrato ang mga bata sa iba't ibang paraan, at ang mga ito ay hindi katanggap- tanggap sa Diyos. Ipinagbabawal ng Bibliya ang pangaabuso sa mga bata at nagbababala laban sa hindi tamang pagkagalit sa kanila. Napakaraming bata ang biktima ng pamamalo dahil sa galit at iba pang pisikal na pangaabuso habang pinagdidiskitahan sila ng kanilang mga magulang dahil sa kanilang galit at kabiguan. Bagama't may ilang anyo ng pisikal na pagdidisiplina na katanggap-tanggap ayon sa Bibliya, ang mga pagdidisiplinang ito ay hindi dapat gawin kung galit ang magulang. Ipinaalala ni Pablo sa mga taga Efeso, "Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo" (Efeso 4:26–27). Sinasabi sa Kawikaan 29:22, "Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo; laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo." Walang lugar ang hindi makatwiran at hindi kontroladong galit sa buhay ng isang Kristiyano. Dapat na ihingi ng tawad sa Diyos ang kasalanan at dapat na harapin ng tama bago dumating sa punto ng pisikal na pangaabuso sa isang bata o sa kaninuman.
Ipinagbabawal din ng Bibliya ang pangaabuso sa mga bata sa aspeto ng kasalanang sekswal. Mapangwasak sa pagkatao ng mga bata ang pangaabusong sekswal at pangmomolestya at makikita sa buong Bibliya ang babala laban sa kasalanang ito. Ang pagpwersa sa isang bata para sa isang sekswal na gawain ay isang karumaldumal na kasalanan. Bilang karagdagan sa pangaabusong sekswal, inaatake din ng gumagawa nito ang pagiging inosente ng mga kabilang sa mga tao sa mundo na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili. Niyuyurakan ng pangaabusong sekswal ang buong pagkatao ng bata at naaapektuhan nito ang kanyang pananaw sa pisikal na hangganan at maging ang kanyang espiritwal na koneksyon sa Diyos. Para sa isang bata na wala pang muwang sa mga bagay na ito, ang kasalanang sekswal ang bumabago sa kanilang buhay at napakahirap ng gumaling sa sugat na sanhi nito kung walang tulong na makukuha mula sa sinuman.
Ang isa pang ipinagbabawal na pangaabuso sa mga bata ayon sa Bibliya ay ang pangaabusong saykolohikal at emosyonal. Binalaan ni Pablo sa Efeso 6:4 ang mga ama na huwag "ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon." Ang marahas, walang pagmamahal na pananalita at manipulasyon sa emosyon at ang magulong kapaligiran ay naglalayo sa isip ng mga anak sa kanilang mga magulang at nagpapawalang kabuluhan sa kanilang pagtuturo at pagtutuwid. Maaaring itulak ng mga magulang at ibuyo sa pagkakasala ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagpapaabot sa mataas na pamantayan, pangmamaliit sa kanilang kakayahan o patuloy na paghahanap ng kamalian na lumilikha ng sugat sa emosyon na maaaring maging kasinsakit o mas masakit pa sa pisikal na pananakit. Sinasabi sa atin sa Colosas na huwag pagagalitan ng labis ang mga anak at baka masiraan sila ng loob. Sinasabi sa Efeso 4:15–16, 25–32 na dapat tayong magsalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig at gumamit ng mga pananalita na makakapagpalakas ng loob ng mga bata at huwag nating hayaan na lumabas ang masasamang pananalita sa ating bibig, lalo na sa mga batang malambot ang puso at inosente.
Napakalinaw ang itinuturo ng Bibliya patungkol sa isyu ng pangaabuso sa mga bata. Ang anumang anyo ng pangaabuso sa mga bata ay napakasama. Dapat na magsuplong sa awtoridad ang sinuman na naghihinala na inaabuso ang isang bata. Ang sinuman na inabuso o nangabuso ng isang bata ay maaaring makatagpo ng pag-asa, kagalingan at kapatawaran sa Panginoong Jesu Cristo. Ang pakikipagusap sa isang pastor o isang Kristiyanong tagapayo o isang grupo na tumutulong sa ibang Kristiyano ay isang magandang paraan upang simulan ang paglalakabay patungo sa kagalingan.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pangaabuso sa mga bata?