Tanong
Ang pangaabuso ba ay isang katanggap-tanggap na dahilan para sa pakikipagdiborsyo o pakikipaghiwalay?
Sagot
Habang mukhang katanggap tanggap na dahilan para sa pakikipagdiborsyo o pakikipaghiwalay ang pangaabuso, binibigyan tayo ng Bibliya ng dalawa lamang dahilan kung kailan pinahihintulutan ang diborsyo o paghihiwalay. Ang una ay ang pagiwan ng isang hindi mananampalataya sa kanyang asawang mananampalataya dahil sa pananampalataya ng huli (1 Corinto 7:15), at ikalawa, kung ang isa sa magasawa ay nangangaliwa o nagtataksil sa kanyang asawa (Mateo 5:32). Bagamat pinahihintulutan ng Diyos ang diborsyo o paghihiwalay sa mga ganitong pagkakataon, hindi Niya kailanman ini-endorso ang diborsyo. Maipapalagay na hindi papayag ang magasawa na kapwa mananampalataya sa paghihiwalay, sa halip ay isasapamuhay nila ang pagpapatawad at pag-ibig na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos. “'Sapagka't aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel...” (Malakias 2:16).
Tahimik ang Bibliya sa isyu ng pangaabuso sa asawa bilang basehan ng paghihiwalay, bagama’t natitiyak natin na kinamumuhian ng Diyos ang pagmamaltrato sa asawang babae ng mga lalaki (Colosas 3:19; 1 Pedro 3:7, Efeso 5:25-33). Hindi dapat pahintulutan ng sinuman ang pangaabuso. Walang sinuman ang dapat mabuhay sa isang mapangabusong relasyon, maging ang sangkot ay isang miyembro ng pamilya, kaibigan, amo, katulong o isang estranghero. Ang pangaabusong pisikal ay labag sa batas at dapat na isuplong agad sa awtoridad kung magaganap ang anumang pangaabuso.
Ang pinakamagandang paraan upang maiwasan ang makulong sa isang mapangabusong relasyon ay kilalanin munang mabuti ang mapapangasawa bago magpakasal. Ang mga senyales sa pagiging mapangabuso ay makikita sa personalidad ng isang tao. Ang mga senyales na ito ay laging nakikita sa isang tao ngunit hindi pinapansin dahil nalulunod ang damdamin sa pakiramdam ng pag-ibig at atraksyon. Ang ilan sa mga senyales na ito ay hindi makatwirang pagseselos, pangangailangan ng kontrol, pagiging magagalitin, kalupitan sa mga hayop, pagtatangka na ihiwalay ang karelasyon sa mga kaibigan at kapamilya, paggamit ng droga o paginom ng alak at kawalan ng respeto sa personal na buhay, pribadong desisyon at pagpapahalagang moral ng karelasyon.
Ang isang babaeng inaabuso ay nararapat na agad na lumabas, kasama ang kanyang mga anak kung mayroon, mula sa isang mapangabusong relasyon at humanap ng pansamatalang matutuluyan. Walang sinasabi sa Bibliya na mali ang paghiwalay sa asawa sa ganitong mga sitwasyon. Bagama’t maaaring sabihin ng mga kaibigan at kapamilya sa biktima na makipaghiwalay o makipagdiborsyo na sa asawa, higit na nagpapahalaga ang Diyos kaysa sa kaninuman sa relasyon ng magasawa .
Matapos ang paghihiwalay, may responsibilidad ang nangabuso na humingi ng tulong. Una sa lahat, dapat niyang hanapin ang Diyos. “Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan” (Mateo7:8). Walang sinuman ang mas may kapangyarihan na magpagaling sa indibidwal at sa mga relasyon kundi ang Diyos. Siya ang dapat na Panginoon ng ating mga buhay, ang Hari ng ating mga pagaari at ang ulo ng ating mga pamilya.
Dapat na italaga ng magasawa ang kanilang sarili sa Diyos at paunlarin ang kanilang relasyon sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo. “Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo” (Juan 17:3). Ito ay dapat na kaakibat ng pagpapayong Kristiyano – una sa indibidwal, pagkatapos ay bilang magasawa, at maging sa buong pamilya, kung kinakailangan.
Sa panahong ito, dapat na ipaalam ng babae sa kanyang asawa ang kanyang walang kundisyong pag-ibig at suporta, at iukol ang kanyang sarili sa pananalangin, bagama’t ang asawang lalaki ang kailangang gumawa ng paunang hakbang upang gumawa ng mga pagbabago. Hindi siya dapat na mawalan ng pag-asa kung hindi niya ito kakitaan ng pagbabago sa umpisa. Ngunit, kung hindi siya gumawa ng unang hakbang sa pagbabago, hindi siya dapat na makipagbalikan dito hanggat hindi ito nangyayari.
Hindi dapat magdesisyon ang inabusong asawa na bumalik sa kanilang tahanan hanggat hindi nagdedesisyon ang isang propesyonal na tagapayong Kristiyano na ligtas na sila sa kamay ng kanyang asawa. Kung magkabalikan sila, dapat na italaga ng magasawa ang kanilang sarili sa paglilingkod at pagsunod sa Diyos. Dapat silang maggugol ng panahon sa pananalangin sa Diyos araw araw, dumalo sa isang Iglesya na nagtuturo ng katotohanan, magumpisang maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng isang ministeryo at makilahok sa mga pagaaral ng Bibliya na kumakatagpo sa kanilang pangangailangan. “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago” (2 Corinto 5:17)!
English
Ang pangaabuso ba ay isang katanggap-tanggap na dahilan para sa pakikipagdiborsyo o pakikipaghiwalay?