Tanong
Anu ano ang mga pangalan at titulo para sa Banal na Espiritu?
Sagot
Ang Banal na Espiritu ay kilala sa maraming pangalan at titulo, ang karamihan sa kanila ay nagpapakita ng gawain o aspeto ng Kanyang ministeryo. Nasa ibaba ang ilan sa mga pangalan at paglalarawan ng Bibliya sa Banal na Espiritu:
May akda ng Kasulatan: (2 Pedro 1:21; 2 Timoteo 3:16) Ang Bibliya ay kinasihan ng Espiritu, o sa literal na kahulugan ay “hiningahan ng Diyos” sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ang ikatlong persona ng Trinidad. Kinilos ng Diyos ang mga taong sumulat sa 66 na aklat ng Bibliya upang itala ang eksaktong inihinga Niya sa kanilang puso at isip. Gaya ng isang bangka na naglalayag sa pamamagitan ng hangin, gayundin naman ang mga manunulat ng mga aklat ng Bibliya ay sumulat sa pamamagitan ng paggabay ng Espiritu Santo.
Mangaaliw / Tagapayo/ Tagapapagtanggol: (Isaias 11:2; Juan 14:16; 15:26; 16:7) Ang tatlong salitang ito ay salin ng salitang Griyego na “Parakletos” kung saan natin kinuha ang salitang “paraclete,” ang isa pang pangalan para sa Espiritu. Nang sabihin ni Hesus sa Kanyang alagad na malapit na Siyang umalis, lubha silang nagulumihanan dahil mawawala na ang Kanyang pisikal na presensya na umaaliw sa kanila. Ngunit ipinangako ni Hesus na ipapadala Niya ang Espiritu upang aliwin, payuhan at gabayan ang mga alagad. Ang Espiritu din ang “nagpapatotoo” sa ating mga espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos (Roma 8:16) at dahil dito, nakatitiyak tayo sa ating kaligtasan.
Tagausig sa tao sa kasalanan: (Juan 16:7-11) Ang Banal na Espiritu ang naglalapat ng katotohanan ng Diyos sa mga isip ng tao upang kumbinsihin sila sa pamamagitan ng tama at sapat na pangangatwiran na sila ay makasalanan. Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagsumbat sa ating mga puso na hindi tayo karapatdapat na tumayo sa harapan ng banal na Diyos at kailangan natin ang Kanyang katwiran at ang hatol ay tiyak na darating sa lahat ng tao isang araw. Ang mga tumatanggi sa katotohanang ito ay lumalaban sa kumbiksyon o paguusig ng Banal na Espiritu.
Deposito / Tatak / Paunang Bayad: (2 Corinto1:22; 5:5; Efeso 1:13-14) Ang Banal na Espiritu ang tatak ng Diyos sa Kanyang bayan, ang Kanyang deposito sa ating lahat na Kanyang pagaari. Ang kaloob na Espiritu Santo sa mga mananampalataya ay ang paunang bayad sa ating mana sa sangkalangitan, na ipinangako sa atin ni Kristo at Kanyang tiniyak para sa atin doon sa krus. Ito ay sa dahilang tinatakan na tayo ng Banal na Espiritu bilang katiyakan ng ating kaligtasan. Walang anumang makapagaalis ng tatak na ito ng Diyos sa atin.
Gabay: (Juan 16:13) Kung paanong ginabayan ng Banal na Espiritu ang mga manunulat ng Kasulatan upang isulat ang katotohanan, ipinangako din ng Diyos sa atin na gagabayan Niya tayong mga mananampalataya upang malaman at maunawaan ang katotohanan. Ang katotohanan ng Diyos ay “kamangmangan” lamang sa mundo dahil ito ay mauunawaan lamang sa “espiritwal na kaparaanan” (1 Corinto 2:14). Yaong mga nabibilang kay Kristo ay pinananahanan ng Banal na Espiritu na Siyang gumagabay sa atin sa lahat ng kailangan nating malaman tungkol sa mga bagay na espiritwal. Yaong mga hindi nabibilang kay Kristo ay walang “tagapagpaliwanag” upang gabayan sila sa pag-alam at pagunawa sa Salita ng Diyos.
Tagapanahan sa mga mananampalataya: (Roma 8:9-11; Efeso 2:21-22; 1 Corinto 6:19) Ang Banal na Espiritu ang nananahan sa puso ng mga kabilang sa mga hinirang ng Diyos at ang pananahanang ito ang ipinagkaiba ng mga taong isinilang na muli sa mga hindi isinilang na muli. Mula sa loob ng mga mananampalataya, Siya ang nagtuturo, gumagabay, umaaliw at tumutulong sa atin upang makapamunga tayo ng mga bunga ng Espiritu (Galatia 5:22-23). Ipinagkaloob Niya sa atin ang isang malapit na kaugnayan sa Diyos at natin na Kanyang mga anak. Ang lahat ng tunay na mananampalataya na na kay Kristo ay nagtataglay ng Banal na Espiritu na nananahan sa kanilang mga puso.
Tagapamagitan: (Roma 8:26) Ang isa sa mga aspeto ng ministeryo na nagbibigay kaaliwan at lakas ng loob sa atin ay ang Kanyang pamamagitan sa atin sa Diyos Ama. Dahil hindi natin alam kung ano ang ating idadalangin at kung paano tayo mananalangin sa tuwing lumalapit tayo sa Diyos, ang Banal na Espiritu ang lumuluhog at nananalangin para sa atin. Nalalaman Niya ang ating mga daing, kaya't sa tuwing tayo'y nanghihina at iginugupo ng mga pagsubok at alalahanin sa buhay, binibigyan Niya tayo ng kalakasan upang makalapit tayo sa trono ng biyaya ng Diyos.
Tapagpahayag / Espiritu: (Juan 14:17; 16:13; 1 Corino 2:12-16) Ipinangako ni Hesus na pagkatapos Niyang mabuhay na mag-uli, darating ang Banal na Espiritu upang “gabayan tayo sa lahat ng katotohanan.” Dahil nasa ating mga puso ang Banal na Espiritu, kaya nating maunawaan ang katotohanan, lalo’t higit ang mga bagay na espiritwal sa isang paraan na hindi kayang maunawaan ng mga hindi mananampalataya. Sa totoo, ang katotohanan na ipinahahayag sa atin ng Banal na Espiritu ay kahangalan lamang para sa kanila at hindi nila iyon kayang maunawaan. Ngunit nasa atin ang isipan ni Kristo sa persona ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.
Espiritu / ng Diyos / ng Panginoon / ni Kristo: (Mateo 3:16; 2 Corinto 3:17; 1 Pedro 1:11) Ang mga pangalang ito ay nagpapaalala sa atin na ang Espiritu ng Diyos ang ikatlong persona ng Trinidad at Siya ay Diyos, kapantay ng Diyos Ama at Diyos Anak. Una Siyang nahayag sa paglikha ng Siya ay sumasaibabaw ng tubig sa aklat ng Genesis. Ipinakikita nito ang Kanyang bahagi sa paglikha, kasama ng Panginoong Hesu Kristo kung kanino “ginawa ang lahat ng mga bagay” (Juan 1:1-3). Makikita din natin ang Trinidad sa pagbabawtismo kay Hesus, ng bumaba ang Espiritu Santo at narinig mula sa langit ang tinig ng Diyos Ama.
Espiritu ng Buhay: (Roma 8:2) Ang pariralang “Espiritu ng Buhay” ay nangangahulugan na ang Banal na Espiritu nagbibigay ng bagong buhay sa mga hinirang ng Diyos Ama. Nang maranasan natin ang kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo, ipinagkaloob sa atin ng Banal na Espiritu ang espiritwal na pagkain na kinakailangan natin para sa ating espiritwal na buhay. Muli, makikita natin ang Trinidad na gumagawang magkakasama. Iniligtas tayo ng Diyos Ama sa pamamagitan ng ginawa ng Anak at ang kaligtasang iyon ay inilapat sa atin ng Banal na Espiritu.
Guro: (Juan 14:26; 1 Corinto 2:13) Ipinangako ni Hesus na ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa mga alagad ng “lahat ng mga bagay” at magpapaalala sa kanila ng lahat ng Kanyang sinabi habang kasama nila Siya. Ang mga manunulat ng Bagong Tipan ay kinilos ng Espiritu upang maalala at maunawaan ang mga turo ni Hesus para sa pagtatatag ng Iglesia, ng mga katuruan tungkol kay Hesus, ng mga alituntunin sa banal na pamumuhay at ng mga kapahayagan tungkol sa mga bagay na darating.
Saksi: (Roma 8:16; Hebreo 2:4; 10:15) Ang Espiritu ay tinatawag na “Saksi” dahil pinatutunayan at pinatototohanan Niya na tayo ay mga anak ng Diyos, na si Hesus at ang mga alagad ay isinugo ng Diyos at ang mga aklat sa Bibliya ay kinasihan ng Diyos. Gayundin naman, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kaloob ng Banal na Espiritu sa mga mananampalataya, pinatotohanan Niya sa atin at sa mundo na tayo ang lahing hinirang ng Diyos.
English
Anu ano ang mga pangalan at titulo para sa Banal na Espiritu?