Tanong
Ano-anu ang mga pangalan at titulo para sa Bibliya?
Sagot
May mahigit na isang dosenang pangalan at titulo para sa Bibliya na matatagpuan sa Luma at Bagong Tipan. Narito ang listahan ng mga pinaka-kilala sa mga ito:
Aklat ng Kautusan (Deuteronomio 31:26) - “Kunin ninyo ang aklat na ito ng kautusan at ilagay ninyo sa siping ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Dios, upang doo'y maging pinakasaksi laban sa iyo.” Inilarawan ang Bibliya bilang Aklat ng Kautusan, hindi upang alipinin tayo o hadlangan ang ating pakikipagrelasyon sa Diyos kundi upang palaguin ang ating kaalaman sa katuwiran ng Diyos at ituro tayo kay Hesu Kristo.
Ebanghelyo (Roma 1:16) - “Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.” Inihayag sa atin ng Bibliya ang Ebanghelyo, ang Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesu Kristo. Sa pamamagitan ng Anak ng Diyos, pinatawad ng Diyos ang ating mga kasalanan at pinagkalooban tayo ng buhay na walang hanggan.
Banal na Kasulatan (Roma 1:2) - “Na kaniyang ipinangako nang una sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan.” Ang Bibliya ay koleksyon ng mga sagradong kasulatan na banal at makapangyarihan dahil sila ay kinasihan ng Diyos.
Kautusan ng Panginoon (Awit 19:7) - “Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: Ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal.” Ang kautusan ng Panginon ay hindi dapat ipagkamali sa iba; ang mga ito ang utos ng Panginoon at ng Panginoon lamang, hindi utos ng sinumang tao.
Aral ng Buhay (Gawa 7:38) - “Ito'y yaong naroon sa iglesia sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga magulang: na siyang nagsitanggap ng mga aral na buhay upang ibigay sa atin.” Ang Bibliya ay buhay na aklat; ang bawat aklat, kabanata at talata ay buhay at nagtataglay ng kaalaman at karunungan ng Diyos.
Salita ni Kristo (Colosas 3:16) - “Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa Espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.” Ang mensahe ni Kristo ay ang mensahe ng kaligtasan mula sa kasalanan sa pamamagitan ni Hesus na Siyang nagiisang makagaganap nito.
Kasulatan (2 Timoteo 3:16) - “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran.” Ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos at isang walang katulad na koleksyon ng mga sulat. Ito lamang ang aklat na isinulat ng mga tao habang sila ay kinakasihan ng Espiritu ng Diyos (2 Pedro 1:21).
Balumbon ng Aklat (Awit 40:7) - “Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito, dumating ako; Sa balumbon ng aklat ay nakasulat tungkol sa akin.” Sa paghula tungkol kay Hesus, ipinakilala ng Bibliya ang kanyang sarili bilang isang balumbon na nagdodokumento ng walang kapantay na karunungan ng Diyos na dapat ipamahagi sa lahat ng henerasyon.
Tabak ng Espiritu (Efeso 6:17) - “At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios.” Gaya ng isang tabak, kaya ng Bibliya na labanan ang lahat ng pagatake at umulos ng mga katotohanan ng Diyos. Sinasabi ng manunulat ng aklat ng Hebreo na ang Bibliya ay higit na matalas kaysa sa alinmang tabak na tigkabila'y talim at ito'y “bumabaon hanggang sa paghihiwalay ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak, at madaling kumilala ng mga pagiisip at mga haka ng puso” (Hebreo 4:12).
Katotohanan (Juan 17:17) - “Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.” Dahil ang Bibliya ay Salita ng Diyos, ito ang katotohanan. Ang bawat salita ay nagmula sa isipan ng Diyos. At dahil Siya ang katotohanan, ang Kanyang mga salita ay katotohanan din naman.
Salita ng Diyos (Lukas 11:28) - “Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap.” Ang Bibliya ay tulad sa isang tagapagsalita ng Diyos, dahil sa pamamagitan ng bawat aklat, direktang nakikipagusap sa atin ang Diyos.
Salita ng Buhay (Filipos 2:16) - “at manghawak kayong matibay sa salita ng buhay.” Ipinahahayag sa atin ng Bibliya ang pagkakaiba sa pagitan ng buhay at kamatayan, ang buhay na walang hanggan na naghihintay sa mga sumasampalataya kay Hesus bilang Tagapagligtas at sa walang hanggang kamatayan para sa mga hindi sumasampalataya sa Kanya.
Salita ng Panginoon (Awit 12:6) - “Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita; na gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa, na makapitong dinalisay.” Ang mga salita sa Bibliya ay ganap at walang pagkakamali dahil ito ang mga Salita ng Panginoon na kanyang ipinahayag sa pamamagitan ng mga apostol at mga propeta upang ipaunawa sa atin ang pag-ibig at kaluwalhatian ng Diyos.
English
Ano-anu ang mga pangalan at titulo para sa Bibliya?