Tanong
Ano ang pangangaral ayon sa paksa (topical preaching) o topikal na pangangaral? Kinakailangan bang mangaral ang isang pastor ng ayon sa paksa?
Sagot
Ang pagsesermon ayon sa paksa (topical preaching) ay isang uri ng pangangaral na nakatuon sa isang partikular na paksa. Kabaliktaran ito ng eksposisyonal na pangangaral. Ang sermon o pangangaral ayon sa paksa ay nakatuon sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang partikular na paksa samantalang ang eksposisyonal naman ay uri ng pangangaral kung saan inaalam at pinagaaralan ang ibig sabihin ng partikular na sitas o talata ng Bibliya at kung paano ito mailalapat sa pang araw-araw na buhay sa kasalukuyan. Maraming pastor ang gumagamit minsan ng pangangaral ayon sa paksa ngunit ang iba naman ay sadyang nakatuon lamang sa paggamit nito sa lahat nilang pangangaral. Gayunman, ang mabuti o masamang epekto nito ay nakasalalay sa paraan kung paano ito ginagamit. Maaaring epektibo ang pangangaral ayon sa paksa, ngunit may mga limitasyon na kailangang isaalang-alang at unawain kung ito ay gagamitin ng maayos.
Sa pangkalahatan, ang sermon ay mayroong apat na uri: ang tekstwal, topikal, tekstwal-topikal, at eksposisyonal. Napapansin ng iba na hindi naman talaga umaakma minsan ang katawagan nila, sapagkat may mga pagkakataon na nagkakasama o nagkakapareho ang uri ng sermon. Sa kabuuan, ang tekstwal na sermon ay sumusunod sa istruktura o balangkas ng teksto at hinahayaan na ang mga talata ang magbigay ng mga puntos. Ang topikal na sermon ay nabubuo sa pamamagitan ng kaisipan, at pagkatapos ay gagawa ang tagapagsalita ng mga puntos na sinusuportahan ng mga patunay na talata. Samantalang ang topikal-tekstwal na sermon ay ang pagsasama ng dalawang uri. Sa sermong ito ay hinahayaan ng mangangaral na mabuo ang mga puntos mula sa teksto o mula sa kanyang sariling ideya. Ang eksposisyonal na sermon naman ay sumusunod sa teksto ng Biblia, at hinahanap at pinagaaralan ang buong kahulugan ng talata. Gayunman, makikita natin na ang pinaka-layunin ng lahat ng uri ng pangangaral o sermon ay upang mailapat ang Salita ng Diyos sa kasalukuyang pamumuhay ng mga tagapakinig.
Sa topikal na sermon, maaaring banggitin ng mangangaral ang mga isyu na kinakaharap ng kanyang tagapakinig. Kung nakikita niya na ang kailangan ng tagapakinig ay ang malinaw na pagkaunawa sa kasalanan, siya ay gagawa ng serye ng mga sermon na tumatalakay sa iba't-ibang aspeto at bunga ng kasalanan. Ang uri ng pangangaral na ito ay nagbibigay ng malawak na pananaw o pagkaunawa sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksa, lalo na kung gagawin ito nang maayos. Sa pamamagitan ng pagtuon sa isang paksa o isyu, ang mga tagapakinig ay magkakaroon ng maunlad na pagkaunawa tungkol sa partikular na paksang tinatalakay. Ang isa pang pakinabang na dulot ng topikal na sermon ay ang pagkakaroon ng nagkakaisang kaisipan. Sa pamamagitan nito, masusundan ng tagapakinig ang lohikal na progreso ng kaisipan na makatutulong upang matandaan nila ang kanilang narinig. Gayunman, ang bisa ng pamamaraang ito ay nakabatay sa natural na kakayahan ng mangangaral, sapagkat ang kaisipan ay sadyang nagmumula sa kanyang puso.
Nakita natin na ang topikal na sermon ay nakatutulong upang mapaunlad ang pangangaral ng isang mangangaral, ngunit ito rin naman ay may kaakibat na mga panganib dahil maaaring makasanayan ng mangangaral na ang paksa na gusto lamang niya o kaya ay ang madali lang niyang mabuo bilang mensahe ang kanyang ituturo. Sa ganito ring paraan ay masasanay ang mga tagapakinig sa “komportable” at “nakakaaliw” na mensahe na maglalayo sa itinuturo at hindi na naaayon o nababagay sa naturang uri ng sermon. Gayunman, ang mahigpit na pagsunod sa pamamaraan ng topikal na sermon ay nagdudulot ng pagkabansot sa pangunawa sa buong payo ng Diyos, kahit pa nauunawaan nilang mabuti ang isang partikular na paksa o isyu. May mga mangangaral na natutuksong mag isip ng sarili nilang ideya sa halip na “gamitin ng tama ang Salita ng Katotohanan” (2 Timoteo 2:15).
Upang maiwasan ito, may mga pastor na pinagpapalit-palit ang topikal, tekstwal o eksposisyonal na paraan ng kanilang pangangaral. Ang topikal na sermon ay ginagamit nila upang talakayin ang partikular at kasalukuyang isyu sa lipunan o sa buhay ng iglesya samantalang ang tekstwal at eksposisyonal na mensahe ay nakatuon sa “malaking larawan” ng buong aklat sa Bibliya. Gayunman, ang mga ito ay parehong mahalaga upang magkaroon ng balanseng paglago sa kanilang buhay kristiyano ang mga mananampalataya. Kaya nga ang paraan kung paano binubuo ang isang sermon ay hindi kasing halaga ng pagtitiyak kung ito ay biblikal at kayang isabuhay ng mga tagapakinig. Ang topikal na sermon ay pwedeng maging kasing biblikal ng eksposisyonal na sermon, gayun din naman, ang eksposisyonal ay maaaring maging kasing interesante ng isang topikal na sermon.
Anuman ang uri ng sermon, ang higit na mahalaga ay nakabatay at nag uugat ito sa Banal na Kasulatan at maliwanag na nailalapat ng mangangaral upang matupad ang layunin nito na ang mga tao ay mailapit at sumunod kay Cristo.
English
Ano ang pangangaral ayon sa paksa (topical preaching) o topikal na pangangaral? Kinakailangan bang mangaral ang isang pastor ng ayon sa paksa?