settings icon
share icon
Tanong

Dahil ang Diyos ay hindi lalaki, dapat bang huwag na tayong gumamit ng panghalip na panlalaki sa pagtukoy sa Diyos?

Sagot


Alam natin na ang Diyos ay espiritu. Sa istriktong pananalita, Siya ay walang kasarian. Gayunman, pinili ng Diyos na ipahayag ang kanyang sarili sa sangkatauhan gamit ang panlalaking panghalip at paglalarawan. Hindi naman makikita sa Biblia na tinukoy ng Diyos ang kanyang sarili gamit ang neutral na kasarian; Gumamit Siya ng panlalaking taguri. Kaya nga, dahil ipinahayag ng Diyos ang kanyang sarili sa sangkatauhan sa lengguwaheng tiyak na tumutukoy sa panlalaking kasarian, nararapat lamang na tukuyin natin Siya sa gayun ding kasarian. Kaya't masasabi natin na walang biblikal na dahilan upang hindi gamitin ang panghalip panlalaki sa pagtukoy natin sa Diyos.

Mula pa lang sa umpisa ay makikita sa Biblia na tinutukoy ng Diyos ang kanyang sarili gamit ang panghalip na panlalaki: "At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang Niya (panlalaki) sila na lalaki at babae" (Genesis 1:27). Mula pa sa pasimula ay tinutukoy ng Diyos ang kanyang sarili sa panlalaki. Ang batayan ay sapagkat sa sinaunang gramatikang Hebreo ay wala namang panghalip sa neutral na kasarian kaya't ang lahat ng bagay ay sinadyang bigyan ng gramatika o balarilang kasarian na panlalaki o pambabae dahil sadyang iyon ang nararapat. Kaya't sa Lumang Tipan, ang panghalip na tumutukoy sa Diyos ay panlalaki.

Masusumpungan din sa Bagong Tipan ang kaparehong sistemang gramatikang ito. Ang mga sulat (mula sa Gawa hanggang Pahayag) ay naglalaman ng halos 900 na mga talata kung saan ang Griyegong salitang theos--na pangalang panlalaki--ay ginagamit na pantukoy sa Diyos. At mapapansin na kahit may neutral na kasarian sa sistemang gramatika ng koineng Griyego, ang Diyos ay tinutukoy pa rin sa kasariang panlalaki.

Bilang karagdagan sa konstruksyong gramatika, ang paglalarawang ginagamit sa Biblia ay nagpapatunay din na pinili ng Diyos na tukuyin ang Kanyang sarili na nagtataglay ng mga katangiang panlalaki. Halimbawa ay ang mga metapora at titulo na ginagamit upang ilarawan ang Diyos. Makikita rin natin sa Biblia ang daan-daang pagtukoy sa Diyos bilang "aming Ama" (Lucas 11:2). At marami pang kaparehong pagtukoy, kagaya ng makikita sa Deuteronomio 32:6, Malakias 2:10, at 1 Corinto 8:6. Ang Diyos ay malinaw na tinatawag na hari (hindi reyna) sa maraming bahagi ng Kasulatan; katulad ng mababasa sa Awit 24:10, Awit 47:2, Isaias44:6, at 1 Timoteo1:17. Inilalarawan din Siya bilang asawang lalaki sa Isaias 54:5 at Oseas 2:2, 16, at 19.

Sa isang pagkakataon naman ay isang pagtutulad o pagwawangis ang ginamit upang tukuyin ang Diyos na katulad ng isang inang umaaliw sa kanyang anak (Isaias 66:13). Ngunit sa mga talatang iyan ay hindi naman direktang sinasabi ng Diyos na Siya ay talagang isang ina kundi inihahaintulad lamang ang Kanyang sarili sa isang ina na umaaliw sa kanyang bayan. Ang Isaias 49:15 ay isa pang talata na tumutukoy sa isang ina bilang paglalarawan sa Diyos, ngunit ito ay hindi isang paghahambing; kundi ito ay isang kabaliktaran dahil higit ang pagpapahalaga ng Diyos sa kanyang bayan kaysa sa pangangalaga ng isang ina sa kanyang mga anak.

Ang pinakadakilang kapahayagan ng Diyos sa atin ay ang Kanyang Anak na si Jesu Cristo (Hebreo 1:2). Sa Kanyang pagkakatawang tao, ang Anak ay pisikal na isinilang dito sa sanlibutan bilang isang lalaki at hindi isang babae. Hindi nagbabago ang pagtawag ni Jesus sa Diyos bilang Kanyang Ama at hindi bilang Kanyang Ina. Sa katunayan nga, bago Siya ipako sa krus, si Jesus ay nanalangin sa Diyos at tinawag niya Siyang, "Abba, Ama" (Marcos 14:36). Gayundin, sa mga aklat ng Ebanghelyo pa lamang ay mahigit 100 beses na tinawag ni Jesus ang Diyos bilang "Ama."

Muli, ang Diyos ay espiritu; Siya ay hindi "lalaki" na may katulad na katangian ng mga lalaki dito sa daigdig. Siya ay walang katangiang pisikal at walang genes. Siya ay higit sa lahat ng kasarian. Gayunman, sadyang nilayon ng Diyos na ipahayag sa atin ang Kanyang sarili sa panlalaking lengguwahe. Ang Diyos ay nananatiling "Siya" (panlalaki) sa Biblia. At yamang panghalip panlalaki ang ginagamit Niya bilang pantukoy sa Kanyang sarili, marapat lamang din na patuloy nating gamitin ang panghalip na panlalaki sa pagtukoy natin sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dahil ang Diyos ay hindi lalaki, dapat bang huwag na tayong gumamit ng panghalip na panlalaki sa pagtukoy sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries