settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pangkalahatang kapahayagan at espesyal na kapahayagan?

Sagot


Ang pangkalahatan at espesyal na kapahayagan ang dalawang pamamaraan ng Diyos upang ipakilala ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. Ang pangkalahatang kapahayagan ay tumutukoy sa mga pangkalahatang katotohanan na maaaring malaman tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng kalikasan. Ang espesyal na kapahayagan naman ay tumutukoy sa mga partikular na katotohanan na malalaman tungkol sa Diyos sa mahimala o supernatural na pamamaraan.

Tungkol sa pangkalahatang kapahayagan, idineklara sa Awit 19:1-4, "Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila! Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa! Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang, patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi't araw. Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay, at wala ring naririnig na kahit na anong ingay; Gayon pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig, ang balita'y umaabot sa duluhan ng daigdig." Ayon sa mga talatang ito, ang pagkakaroon ng Diyos at ang Kanyang kapangyarihan ay malinaw na makikita sa pamamagitan ng pagmamasid sa kalawakan. Ang kaayusan, kasalimuutan, at kagandahan ng sanglinikha ay nagsasaysay ng pagkakaroon ng isang maluwalhati at makapangyarihang Manlilikha.

Ang pangkalahatang kapahayagan ng Diyos ay itinuturo din sa Roma 1:20, "Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya. Kaya't wala na silang maidadahilan." Gaya ng Awit 119, itinuturo ng Roma 1:20 na ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang kalikasan bilang Diyos ay malinaw na makikita at mauunawaan sa pamamagitan ng Kanyang mga ginawa at walang dahilan ang sinuman na tanggihan ang katotohanang ito. Sa pamamagitan ng mga talatang ito, makukuha ang kahulugan ng pangkalahatang kapahayagan ng Diyos sa pamamagitan ng mga pangungusap na ito: Ang pangkalahatang kapahayagan ng Diyos ay Kanyang pagpapakilala sa lahat ng tao sa lahat ng panahon sa lahat ng lugar na nagpapatunay na mayroong Diyos at Siya ay maalam, makapangyarihan, at bukod sa lahat ng nilalang."

Ang espesyal na kapahayagan ng Diyos ay tumutukoy sa kung paanong ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng mga mahimalang kaparaanan. Kabilang sa espesyal na kapahayagan ang pagpapakita ng Diyos sa pisikal na anyo, panaginip, pangitain, ang nasulat na salita ng Diyos (ang Bibliya) at higit sa lahat ang pagkakatawang tao ng Panginoong Hesu Kristo. Itinala ng Bibliya ang pagpapakita ng Diyos sa pisikal na anyo ng maraming beses (Genesis 3:8, 18:1; Exodo 3:1-4, 34:5-7). Itinala din sa Bibliya ang pakikipag-usap ng Diyos sa tao sa pamamagitan ng mga panaginip (Genesis 28:12, 37:5; 1 Hari 3:5; Daniel 2), at mga pangitain (Genesis 15:1; Ezekiel 8:3-4; Daniel 7; 2 Corinto 12:1-7).

Ang isa pang anyo ng espesyal na kapahayagan ng Diyos sa Kanyang sarili ay sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ang Bibliya. Mahimalang ginabayan ng Diyos ang mga manunulat ng mga Aklat ng Bibliya upang itala ang Kanyang mensahe sa sangkatauhan habang ginagamit ang kanilang mga sariling istilo at personalidad. Ang Salita ng Diyos ay buhay at mabisa (Hebreo 4:12). Ang Salita ng Diyos ay kinasihan ng Diyos, kapakipakinabang at sapat (2 Timoteo 3:16-17). Inibig ng Diyos na ang Kanyang Salita ay maisulat dahil alam Niya ang kakulangan ng tradisyon. Alam Niya na ang mga panaginip at pangitain ay maaaring hindi maunawaan ng tama. Nagdesisyon ang Diyos na ipahayag ang lahat ng dapat malaman ng sangkatauhan tungkol sa Kanya, ang kanilang dapat asahan at kung ano ang Kanyang ginawa para sa atin sa pamamagitan ng Bibliya.

Ang pinakapangunahing anyo ng espesyal na kapahayagan ng Diyos ay ang persona ng Panginoong Hesu Kristo. Naging tao ang Diyos (Juan 1:1, 14). Ipinahayag sa Hebreo 1:1-3, "Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon,a siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayon din ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y lumuklok sa kanan ng Diyos, ang makapangyarihan sa lahat." Nagkatawang tao ang Diyos sa persona ng Panginoong Hesu Kristo upang makitulad sa atin, maging halimbawa para sa atin, upang ipakilala ang Kanyang sarili sa atin, at higit sa lahat, upang magkaloob sa atin ng kaligtasan sa pamamagitan ng kanyang pagpapakababa hanggang sa kamatayan sa krus (Filipos 2:6-8). Si Hesus ang pinakapangunahing espesyal na kapahayagan ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pangkalahatang kapahayagan at espesyal na kapahayagan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries