settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pangkaraniwang biyaya?

Sagot


Ang pangkaraniwang biyaya ay tumutukoy sa pangkalahatang biyaya ng Diyos na kanyang ipinagkaloob sa sangkatauhan pinili man sila o hindi. Sa madaling salita, laging ipinadarama ng Diyos ang kanyang biyaya at kagandahang loob sa lahat ng tao sa lahat ng dako ng mundo at sa lahat ng panahon. Kahit noon pa man ay malinaw na sa Banal na Kasulatan ang doktrina ng pangkaraniwang biyaya, Dahil diyan, noong taong 1924 ay pinagtibay ng Christian Reformed Church (CRC) ang doktrinang ito sa Synod ng Kalamazoo at binuo nila ang tinatawag na “tatlong puntos ng pangkaraniwang biyaya.”

Ang unang puntos ay tumutukoy sa kanais-nais na ugali ng Diyos hindi lamang sa mga pinili kundi gayundin sa lahat ng kanyang nilikha, “Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi” (Awit 145:9). Sinabi rin ni Jesus na “…pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid” (Mateo 5:45) at ang Diyos ay “..mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat” (Lucas 6:35). Sinabi rin ni Pablo at Bernabe ang ganitong kataga: “..nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso” (Gawa 14:17). Bilang karagdagan sa kanyang kahabagan, kabutihan at kabaitan ay ipinadarama din ng Diyos ang kanyang tiyaga sa mga pinili at sa hindi pinili. Subalit bagaman, walang pag aalinlangan na iba ang kanyang tiyaga sa mga hindi niya pinili, ipinapakita pa rin ng Diyos ang kanyang “pagpapahinuhod” sa kanila (Nahum 1:3). Sapagkat ang bawat hininga ng isang taong masama ay isang halimbawa ng kahabagan ng banal na Diyos.

Ang ikalawang puntos ng pangkaraniwang biyaya ay ang pagpigil ng kasamaan sa buhay ng isang indibidwal at sa pamayanan. Nakatala sa Banal na Kasulatan ang tuwirang pakikialam ng Diyos upang pigilin ang lubos na kasamaan ng isang indibidwal. Kaugnay nito, mababasa natin sa Genesis 20 na si Abimelec ay pinigilan ng Diyos na hipuin o pakialaman si Sara, ang asawa ni Abraham, at ipinakita niya ito sa panaginip na nagsasabing, ”Oo, alam kong malinis ang hangarin mo, kaya naman hindi ko na hinintay na magalaw mo siya upang huwag ka nang magkasala sa akin” (Genesis 20:6). Ang isa pang halimbawa kung saan pinipigilan ng Diyos ang kasamaan ng puso ng tao ay makikita natin kung paano iningatan ng Diyos ang lupain ng Israel na huwag masakop ng mga paganong bansa sa kanyang paligid. Inutusan ng Diyos ang mga kalalakihan ng Israel na iiwan nila ang kanilang sinasaka tatlong beses sa isang taon at haharap sila sa Diyos (Exodo 34:23). Upang matiyak ang proteksyon ng bayan ng Diyos mula sa pananakop tuwing ganitong mga panahon, kahit ang kanilang lupain ay nais talagang makuha ng mga paganong bansang nakapaligid sa kanila, nangako ang Diyos na “wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin” (Exodo 34:24). Pinigilan din ng Diyos si David upang huwag mag higanti kay Nabal dahil sa ginawa nitong pang aalipusta o panunuya sa mensaherong isinugo niya upang batiin ito (1 Samuel 25:14). Dahil diyan ay nakita ni Abigail na asawa ni Nabal ang biyaya ng Diyos ng siya ay makiusap kay David na huwag ng maghiganti laban sa kanyang asawa, “Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay...”(1 Samuel 25:26). Kaya't kinilala ni David ang katotohanang ito na makikita natin sa kanyang tugon, “Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay na sanang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan” (1 Samuel 25:34).

Ang ikalawang puntos ng pangkaraniwang biyaya ay hindi lamang nagtataglay ng pagkontrol ng Diyos sa kasamaan, kundi ito rin ay pagpapakita na pinahihintulutan niya ito para sa isang layunin. Kapag pinagmamatigas ng Diyos ang puso ng isang tao (Exodo 4:21; Josue 11:20; Isaias 63:17), Hinahayaan na niya ang kanilang puso sa kanilang kasamaan. Sa katunayan, “sa tigas ng puso, aking hinayaang ang sarili nilang gusto'y siyang sundan” (Awit 81:11-12). Isa sa kilalang talata sa Bibliya na nagpapahayag ng hindi paghadlang ng Diyos ay makikita sa unang kabanata ng Roma kung saan ipinaliwanag ni Pablo na iyong mga humahadlang sa katotohanan dahil sa kanilang kasamaan ay, “hinayaan na ng Diyos sa kanilang masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam” (Roma 1:28).

Ang ikatlong puntos ng pangkaraniwang biyaya na pinagtibay ng CRC ay tumutukoy sa “sibikong katuwiran o kabutihan ng isang hindi binago.” Itoy nangangahulugan na kahit hindi binago ng Diyos ang puso ng isang tao ay maaari pa rin naman itong makagawa ng mabuti sa kanyang kapwa. Katulad halimbawa ng sinasabi ni Pablo tungkol sa grupo ng mga masuwaying Hentil, “Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila” (Roma 2:14). Ang kahalagahan ng pagpigil ng Diyos sa puso ng mga hindi tinubos ay nagiging malinaw kapag nauunawaan natin ang doktrina ng lubos na kasamaan. Sapagkat kung hindi pipigilan ng Diyos ang kasamaan sa puso ng tao na “mandaraya at walang kasing sama” (Jeremias 17:9) ay malaon na sanang winasak ng tao ang kanyang sarili. Ngunit dahil ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan ng pangkaraniwang biyaya para sa lahat ng tao, Ang kanyang soberanong plano ay hindi kailanman maaaring hadlangan ng kanilang pusong masama.Samakatuwid, makikita nating nananatili ang layunin ng Diyos, pinagpapala ang kanyang bayan, at nahahayag ang kanyang dakilang kaluwalhatian, sa pamamagitan ng doktrina ng pangkaraniwang biyaya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pangkaraniwang biyaya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries