Tanong
Ano ang ‘propitiation’ o pangpalubag-loob sa galit ng Diyos?
Sagot
Ang salitang ‘propitiation’ ay pangunahing nagpapahiwatig ng ideya ng pagpawi ng galit, partikular patungkol sa Diyos. Kinapapalooban ito ng gawaing may dalawang bahagi – una ang pagpawi sa poot ng Diyos sa taong nagkasala at pakikipagkasundo ng taong iyon sa Kanya.
Ang pangangailangan ng pagpawi sa poot ng Diyos ay isang katuruan na karaniwang makikita sa maraming relihiyon. Sa mga sinaunang paganong relihiyon, gayundin sa maraming relihiyon ngayon, itinuturo ang ideya na mapapawi ng tao ang poot ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kaloob at handog. Gayunman, itinuturo sa Bibliya na ang Diyos mismo ang gumawa ng paraan kung paanong mapapawi ang Kanyang poot at magkakaroon ng pagkakasundo sa pagitan Niya at ng tao. Sa Bagong Tipan, ang gawain ng pangpalubag-loob ay laging tumutukoy sa gawain ng Diyos at hindi sa mga handog at kaloob ng tao. Ito ay dahil sa ganap na walang kakayahan ang tao na bigyang kasiyahan ang hustisya ng Diyos maliban sa paggugol ng walang hanggan sa lawang apoy. Walang kahit anong paglilingkod, paghahandog o kaloob ang maibibigay ng tao sa Diyos upang pawiin ang Kanyang banal na galit o bigyang kasiyahan ang Kanyang perpektong hustisya. Ang tanging makapagbibigay kasiyahan o pangpalubag-loob na katanggap tanggap sa Diyos ay isang tao na kayang ipagkasundo Siya sa tao at kailangan na ang taong iyon ay isa ring Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang Diyos Anak, si Hesu Kristo ay nagtungo sa lupa sa katawang tao upang maging perpektong handog para sa kasalanan at pagdusahan ang mga kasalanan ng tao upang ipagkasundo sila sa Diyos (Hebreo 2:17).
Ang salitang “pangpalubag-loob” ay ginamit sa ilang mga talata ng Bibliya upang ipaliwanag kung ano ang ginawa ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Halimbawa, sinasabi sa Roma 3:24-25, “Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus: Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios.” Ang mga talatang ito ang susi sa argumento ni Pablo sa aklat ng Roma at ang mismong puso ng mensahe ng Ebanghelyo.
Sa unang tatlong kabanata ng aklat ng Roma, pinatunayan ni Pablo na ang lahat ng tao, Hudyo man o Hentil ay nasa ilalim ng sumpa ng Diyos at karapatdapat na magdanas ng Kanyang poot (Roma 1:18). Ang lahat ay nagkasala at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos (Roma 3:23). Karapat dapat tayong lahat sa Kanyang poot at parusa. Ngunit ang Diyos, sa Kanyang walang hanggang habag at biyaya ay gumawa ng paraan upang mapawi ang Kanyang poot at maipagkasundo tayo sa Kanyang sarili. Ito ay sa pamamagitan ng kusang paghahandog ng buhay ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo bilang kabayaran sa ating mga kasalanan. Sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo bilang perpektong handog para sa kasalanan, magkakaroon tayo ng kapatawaran at maipagkakasundo sa Diyos. Ito ay dahil sa pamamagitan lamang ng kamatayan ni Kristo sa krus at ng kanyang pagkabuhay na mag-uli sa ikatlong araw maipagkakasundo ang mga makasalanan na karapatdapat na magdusa sa apoy sa isang banal na Diyos. Ang kahanga-hangang katotohanan ng Ebanghelyo ay naligtas ang mga mananampalataya sa poot ng Diyos at naipagkasundo sa Kanya, “hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan” (1 Juan 4:10).
Sinabi ni Hesus, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6). Ang tanging daan upang mapawi ang poot ng Diyos sa makasalanang tao at maipagkasundo tayo sa Diyos ay sa pamamagitan lamang ni Hesu Kristo. Walang ibang daan. Ang katotohanang ito ay ipinaliwanag sa 1 Juan 2:2, “At siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan din naman.” Ang isang mahalagang bahagi ng pagliligtas ni Kristo sa tao ay ang kaligtasan sa poot ng Diyos. Ang pangpalubag-loob ni Hesus sa kasalanan doon sa krus ang tanging makapagaalis ng banal na hatol ng Diyos sa kasalanan. Ang mga tumatanggi kay Kristo bilang kanilang Tagapagligtas at ayaw sumampalataya sa Kanya ay walang pag-asa sa kaligtasan. Ang tangi nilang maasahan ay ang kanilang pagharap sa poot ng Diyos na naghihintay para sa kanila sa Araw ng Paghuhukom (Roma 2:5). Walang ibang pangpalubag-loob sa kasalanan na makapagliligtas sa kanila sa kanilang mga kasalanan. English
Ano ang ‘propitiation’ o pangpalubag-loob sa galit ng Diyos?