settings icon
share icon
Tanong

Bakit mahalaga na maunawaan ang Bibliya?

Sagot


Mahalaga ang pang-unawa sa Bibliya dahil ito ang Salita ng Diyos. Sa tuwing binubuksan natin ang Bibliya, binabasa natin ang mensahe ng Diyos para sa atin. Ano pa ang higit na mahalaga kaysa sa maunawaan ang gustong sabihin ng lumikha ng sangkalawakan?

Ninanais nating maunawaan ang Bibliya kung paanong nais na maunawaan ng isang mangingibig ang sulat ng kanyang kasintahan. Iniibig tayo ng Diyos at ninanais niyang ibalik ang ating relasyon sa Kanya (Mateo 23:37). Ipinahahayag sa atin ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Bibliya (Juan 3:16; 1 Juan 3:1;4:10).

Ninanais nating maunawaan ang Bibliya kung paanong nais na maunawaan ng isang sundalo ang utos ng kanyang kumander. Ang pagsunod sa utos ng Diyos ang nagbibigay karangalan sa Kanya at gumagabay sa atin sa mga daan ng buhay (Awit 119). Ang mga utos ng Diyos ay matatagpuan sa Bibliya (Juan 14:15).

Ninanais nating maunawaan ang Bibliya kung paanong nais na maunawaan ng isang mekaniko ang paraan o manwal sa pagaayos ng isang sirang sasakyan. Maraming problema ang nangyayari sa mundo, at hindi lamang ipinakikita ng Bibliya ang problema (kasalanan) kundi ipinapahayag din ang solusyon (pananampalataya kay Kristo). “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 6:23).

Ninanais nating maunawaan ang Bibliya kung paanong nais na maunawaan ng isang drayber ang batas trapiko. Ang Bibliya ang gumagabay sa ating buhay at nagdadala sa atin sa daan ng kaligtasan at karunungan (Awit 119:11, 105).

Ninanais nating maunawaan ang Bibliya kung paanong nais na maunawaan ng isang taong nasa gitna ng unos ang ulat panahon. Hinuhulaan ng Bibliya ang mga mangyayari sa huling panahon at nagbibigay ito ng babala sa papalapit na paghuhukom (Mateo 24-25) at kung paano ito iiwasan (Roma 8:1).

Ninanais nating maunawaan ang Bibliya kung paanong nais na maunawaan ng isang masugid na mambabasa ang aklat ng kanyang paboritong manunulat. Ipinahahayag sa atin ng Bibliya ang persona at ang kaluwalhatian ng Diyos, gaya ng ipinahahayag ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo (Juan 1:1-18). Mas marami tayong nababasa at nauunawaan sa Bibliya, mas lalo nating nauunawaan ang may akda nito.

Habang naglalakbay si Felipe patungong Gaza, dinala Siya ng Banal na Espiritu sa isang taong nagbabasa ng isang bahagi ng aklat ni Isaias. Nilapitan ni Felipe ang tao at nakita niya kung ano ang binabasa nito. Tinanong Niya ito ng isang napakahalagang katanungan: “Nauunawaan mo ba ang iyong binabasa?” (Gawa 8:30). Nalalaman ni Felipe na ang pangunawa sa Salita ng Diyos ang pasimula ng pananampalataya. Kung hindi natin nauunawaan ang Bibliya, hindi natin ito mailalapat sa ating buhay, masusunod o mapapaniwalaan man.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Bakit mahalaga na maunawaan ang Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries