Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pangungumpisal sa pari?
Sagot
Ang konsepto ng pangungumpisal ng kasalanan sa pari ay hindi kailanman matatagpuan sa Bibliya. Una, hindi itinuturo na mayroong Pari sa Bagong Tipan; Sa halip, itinuturo sa Bagong Tipan na ang lahat ng mga mananampalataya ay saserdote (o pari sa terminolohiya ng Romano Katoliko) ng Kataas-taasang Diyos. Inilalarawan sa 1 Pedro 2:5-9 bilang mga "banal na saserdote" at "mga saserdote ng Hari". Inilarawan sa Pahayag 1:6 ang mga mananampalataya bilang "isang kaharian at mga saserdote. Sa Lumang Tipan, ang mga mananampalataya ay dapat na lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga saserdote. Ang mga saserdote ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao. Naghahandog ng dugo ng mga hayop ang mga saserdote para sa mga tao upang mapatawad sila sa kanilang mga kasalanan. Hindi na ito kailangan. Dahil si Hesus ang ating handog, makalalapit na tayo sa trono ng Diyos ng may lakas ng loob (Hebreo 4:14-15; 10:21). Si Hesus ang TANGING Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao (1 Timoteo 2:15). Itinuturo sa Bagong Tipan na mayroong mga matatanda sa iglesya (1 Timoteo 3), mga diyakono (1 Timoteo 3), mga Obispo (Tito 1:6-9), at mga pastor (Efeso 4:11) - ngunit walang mga pari.
Pagdating sa pangungumpisal ng kasalanan, sinabihan ang mga mananampalataya sa 1 Juan 1:9 na ikumpisal ang kasalanan ng direkta sa Diyos. Tapat at makatarungan ang Diyos na patatawarin ang ating mga kasalanan kung magsisisi tayo sa Kanya. Binabanggit sa Santiago 5:16 na magtapat tayo ng kasalanan sa isa't isa, ngunit hindi ito katulad ng pangungumpisal sa pari gaya ng itinuturo ng Simbahang Katoliko Romano. Hindi binanggit sa konteksto ng Santiago 5:16 ang pari o mga namumuno sa simbahan. Gayundin, hindi binabanggit sa Santiago 5:16 ang kapatawaran ng kasalanan sa pamamagitan ng pagtatapat ng kasalanan sa isa't isa.
Ibinabase ng Simbahang Katoliko ang katuruang ito ng pangungumpisal sa pari sa kanilang tradisyon. Ginagamit nilang pangsuporta ang Juan 20:23 kung saan sinabi ni Hesus sa mga apostol, "Sinomang inyong patawarin ng mga kasalanan, ay ipinatatawad sa kanila; sinomang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, ay hindi pinatatawad." Mula sa talatang ito, inaangkin ng mga Katoliko na binigyan ni Hesus ang mga apostol ng kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan at ang kapangyarihan nilang ito ay ipinasa nila sa kanilang mga kahalili, walang iba kundi ang mga pari at obispo ng simbahang Katoliko. May problema sa interpretasyong ito: (1) Una, hindi binabanggit sa Juan 20:23 ang pangungumpisal ng kasalanan. (2) Hindi ipinangako o nagbibigay man lamang ng ideya ang Juan 20:23 na ang kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan ay ipinapasa sa mga kahalili ng mga apostol. Ang pangakong ito ni Hesus ay direktang sinabi sa mga apostol lamang. (3) Ni hindi itinuturo saan man sa Bagong Tipan na magkakaroon ng kahalili ang mga apostol. Gayundin naman, ginagamit ng Simbahang Katoliko ang Mateo 16:18 at 18:18 (ang pagtatali at pagkakalag) bilang ebidensya sa karapatan ng mga paring Katoliko na magpatawad ng mga kasalanan.
Muli, ang konsepto ng pangungumpisal ng kasalanan sa pari ay hindi matatagpuan saanman sa Kasulatan. Sa Diyos lamang natin maaaring ikumpisal o ipagtapat ang ating mga kasalanan (1 Juan 1:9). Bilang mga mananampalataya sa ilalim ng Bagong Tipan, hindi natin kailangan ang ibang Tagapamagitan upang ilapit tayo sa Diyos. Maaari tayong direktang lumapit sa Diyos dahil sa paghahandog ni Kristo ng Kanyang sarili para sa atin. Sinasabi sa 1 Timoteo 2:5, "Sapagka't may isang Dios at may ISANG Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus."
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pangungumpisal sa pari?