settings icon
share icon
Tanong

Ano paniniwala sa pagpapatuloy ng mga mahimalang kaloob ng espiritu (continuationism)? Ano ang isang continuationist?

Sagot


Nais naming ipaalam na bilang isang ministeryo, hindi sumasang-ayon ang GotQuestions.org sa paniniwala sa pagpapatuloy ng mga mahimalang kaloob ng espiritu (continuationism)? Ang artikulo sa ibaba ay isinulat ng isang naniniwala sa continuationism. Naisip namin na maganda na magkaroon ng isang artikulo na positibong ipapaliwanag ang continuationism, dahil laging maganda na mahamon ang ating pananampalataya na siyang magtutulak sa atin na patuloy na saliksikin ang Kasulatan para matiyak kung ang ating mga paniniwala ay naaayon sa Bibliya.

Ang continuationism ay ang paniniwala na ang lahat ng mga kaloob ng Espiritu, kabilang ang pagpapapagaling, pagsasalita sa ibang mga wika, at paggawa ng mga himala ay umiiral pa rin hanggang ngayon, kagaya noong mga unang taon ng iglesya. Naniniwala ang isang continuationist na nagpatuloy ang mga espiritwal na kaloob na ito at hindi nagbago ni kaunti mula noong araw ng Pentecostes sa aklat ng mga Gawa kabanata 2 at hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring ganitong mga espiritwal na kaloob sa iglesya.

Noong dumating ang Banal na Espiritu gaya ng ipinangako ni Jesus (Gawa 1:8; 2:1–4), pinuspos Niya ang mga mananampalataya at pinagkalooban sila ng hindi pangkaraniwang mga kaloob na nagbigay sa kanila ng kakayahan na maglingkod sa Diyos ng may kapangyarihan at ablidad. Ang mga espiritwal na kaloob na ito ay nakalista sa Roma 12:6–8, Efeso 4:11, at 1 Corinto 12:7–11, 28, at sinasabi ng continuationism na ang lahat ng mga kaloob ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Ang mga kaloob na ito ay nagkakaiba-iba sa iba’t ibang tao ayon sa nananais ng Espiritu na angkop para sa kanila (1 Pedro 4:10). Sinasabi sa 1 Corinto 12:4–6, “Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao. Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas.” Pinanghahawakan ng mga continuationists na walang ebidensya sa Kasulatan na ang alinman sa mga kaloob na ito ay tumigil na.

Ang kasalungat na pananaw ay tinatawag na cessationism na nagtuturo na ang ilan sa mga kaloob ng Espiritu ay tumigil na at hindi na umiiral ngayon. Ang isyu para sa cessationism ay hindi kung nagbibigay pa ba ang Diyos ng mga kaloob kundi kung alin sa mga kaloob ang hindi na ipinagkakaloob pa sa panahon ngayon. Ginagamit ng mga cessationists ang mga talatang gaya ng 1 Corinto 13:10 at ang katotohanan na ang mga mahimalang kaloob ay nakaugnay sa mga ministeryo ng mga apostol at sa pagpapatunay sa mga kapahayagan ng Diyos sa kanila (Gawa 2:22; 14:3; 2 Corinto 12:12) bilang ebidensya na tumigil na ang Espiritu sa pagbibigay ng mga mahimalang kaloob.

Gaya ng ibang mga doktrina, may mga labis sa magkabilang panig. May ilang naniniwala na tumigil na ang lahat ng mga kaloob ng matapos ang panahon ng mga apostol. May mga cessationists naman na tanging ang mga kaloob lamang na nagsisilbing ebidensya ng pagiging apostol—kabilang ang kaloob ng pagpapagaling sa mga sakit, paggawa ng mga himala, at pagsasalita sa ibang mga wika—ang tumigil na. Sa kabilang banda, may mga sobra naman ang pagiging continuationist na nagtuturo na ang pagsasalita sa ibang wika ay laging tanda ng kaligtasan o kapuspusan ng Banal na Espritiu. Maaari ding magkaroon ng maling pagbibigay-diin sa mga kaloob ng Banal na Espiritu sa halip na sa persona ng Panginoong Jesu Cristo. May ilan din na nagaangkin na ang bawat mananampalataya ay maaaring magkaroon ng kaloob ng paggawa ng mga himala kung sapat ang kanyang panananampalataya. Ngunit ang konseptong ito ay malinaw na pinabulaanan sa 1 Corinto 12:11 kung saan sinasabi, “Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.” Tinalakay ni Pablo ang mismong isyung ito sa iglesya sa Corinto: “Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito?” (1 Corinto 12:29–30). Ang sagot sa mga katanungang ito ay “hindi.”

Naniniwala ang mga continuationists na ang katuruan ng Bibliya sa mga espiritwal na kaloob ay napapanahon pa rin sa kasalukuyan gaya noong unang naisulat ang Bibliya. Pinaninindigan nila na walang dahilan sa Bibliya para paniwalaan na tumigil na ang ilang espiritwal na kaloob at ang dapat magpatunay na tumigil na ang ilang mga espiritwal na kaloob ay ang mga cessationists. Ang mga mananampalataya sa magkabilang kampo ay maaaring sumang-ayon na hindi sila magkakasundo, ngunit dapat tandaan ng mga naniniwala sa magkaibang pananaw ang panalangin ni Jesus sa Juan 17:22–23: “Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.” Continuationist man o cessationist, ang lahat ng mga mananampalatayang isinilang na muli sa espiritu ay bahagi ng katawan ni Cristo (1 Corinto 12:27). Kung hahayaan natin na maging sanhi ng paghihiwalay at kaguluhan ang mga hindi pangunahing isyu, ipinagwawalang bahala natin ang isang bagay na mahalaga sa ating Panginoon.

Karagdagan sa mga pangkaraniwang argumento at sagot sa pagitan ng mga continuationists at cessationists:

Ang mga Kristiyano na naninindigan na walang biblikal na pundasyon para sa cessationism ay minsang tinutukoy bilang mga “continuationists.” Itinuturing ng mga mananampalatayang ito na ito ang posisyon na naaayon sa Bibliya at walang pundasyon sa Kasulatan ang katuruan ng cessationism. Ang mga sumusunod ang ilang pangkaraniwang argumento ng mga cessationists at mga sagot ng mga continuationists:

1. Kasulatan

Laging binabanggit ng mga cessationists ang 1 Corinto 13:8–10 para suportahan ang ideya na ang ilang mga kaloob ay tumigil na ng “dumating ang perpekto.” Naniniwala ang ilan na ang salitang “perpekto” ay tumutukoy sa panahon kung kailan nakumpleto na ang mga aklat ng Bibliya. Pinanghahawakan ng posisyong ito na noong makumpleto na ang lahat ng mga aklat sa Bibliya, hindi na kailangan pa ang anumang mahimalang kaloob ng Espiritu sa pamamagitan ng mga mananampalataya. Gayunman, binibigyang linaw sa talata 12 ang pagkakakilanlan ng salitang “perpekto.” “Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin.” Dahil hindi natin makikita ang Bibliya ng mukhaan at hindi rin tayo makikilala nito, itinuturing ng mga continuationists ang talatang ito bilang pagtukoy sa ikalawang pagdating ni Cristo. Sa panahong iyon, hindi na kailangan pa ang mga kaloob ng Banal na Espiritu, kabilang ang kaloob ng karunungan (talata 8) dahil makakasama na tayo ni Jesus mismong sa pisikal.

Ang isa pang talata na laging ginagamit ay ang 2 Corinto 12:12. Pinaninindigan ng mga cessationists na ang mga mahimalang kaloob gaya ng pagsasalita sa ibang mga wika, pagpapagaling, at panghuhula sa magaganap sa hinaharap ay para lamang sa mga apostol para patunayan na galing sa Diyos ang kanilang awtoridad. Gayunman, itinala sa Bibliya ang tungkol sa paggawa ng mga himala at pagpapagaling ng mga hindi apostol ni Jesus gaya ni Esteban (Gawa 6:8) at Felipe (Gawa 8:6–7). Ang mga kaloob ng pagsasalita sa ibang wika at panghuhula sa magaganap sa hinaharap ay nagawa rin ng mga taong napuspos ng Banal na Espiritu (Gawa 10:46; 19:6; 1 Corinto 14:5, 39; Galatia s 3:5). Isinama ni Pablo ang mga mahimalang kaloob ng Banal na Espiritu sa kanyang pagtuturo sa aklat ng Corinto (1 Corinto 12:4–11, 28). Ikinakatwiran ng mga continuationists na kung ang pagsasalita sa ibang mga wika, pagpapagaling ng maysakit, at paggawa ng mga himala ay para lamang sa mga apostol, at ang mga kaloob na ito ay hindi isinama ni apostol Pablo sa kanyang mga pagtuturo sa iglesya maraming taon ang lumipas pagkatapos ng Pentecostes. Sinabi ni Pablo, “Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya” (1 Corinto 14:5). Sa talatang ito, tila masasabi na hindi itinuturing ni Pablo na ang mga kaloob na ito ay para lamang sa mga apostol. Ang hindi pangkaraniwang manipestasyon ng kapangyarihan na ipinakita ng labindalawang apostol (Gawa 15:12) ay maaaring dahil si Jesus mismo ang nagbigay sa kanila ng kapangyarihan bilang Kanyang mga natatanging tagapagsalita (Lukas 9:1). Ang kanilang kakayahan na gumawa ng mga himala ay walang likas na kaugnayan sa pagbibigay ng kaloob ng Banal na Espiritu na mailalapat sa lahat ng mananampalatayang puspos ng Espiritu.

2. Terminolohiya

Ang salitang “kaloob bilang tanda” ay laging ginagamit para ipahiwatig na binigyan ng Diyos ng kakayahan ang mga apostol bilang “tanda” para patunayan ang kanilang pagiging apostol. May ilang teologo na hinahamon ang terminolohiyang ito at sinasabi na habang may binabanggit ang Bibliya tungkol sa mga tanda ng isang tunay na apostol, hindi ito nagpapahiwatig na ang ilang espiritwal na mga kaloob ay tanda lamang para patunayan ang pagiging apostol. Naniniwala ang mga continuationists na sa tuwing tinutukoy sa Bagong Tipan ang mga “tanda,” ipinapahiwatig nito na ang mga hindi pangkaraniwang kakayahan ay ibinibigay ng Diyos sa Kanyang sinumang maibigan para ganapin ang Kanyang layunin (Exodo 7:3; Roma 15:18–19; Hebreo 2:4; 1 Corinto 12:11). Ang salitang mga “kaloob bilang tanda” ay hindi ginamit bilang isang hiwalay na kategorya patungkol sa mga kaloob ng Banal na Espiritu.

Ang salitang propesiya o panghuhula ay isa pang terminolohiya na nagiging dahilan ng hindi pagkakasundo. Binabanggit ng mga cessationists ang mga halimbawa ng mga continuationists na ipinapantay ang kanilang personal na rebelasyon sa Kasulatan. Gayunman, karamihan ng mga continuationists ay sumasang-ayon sa mga cessationists na wala ng karagdagan pang rebelasyon ng Diyos sa mga tao na kapantay ng mga rebelasyon sa nakumpletong canon ng Bibliya. Gayunman, walang nakikita ang mga continuationists sa Kasulatan na nagpapahiwatig na ang Diyos na nakikipagrelasyon sa tao na nagbigay sa atin ng Kasulatan ay hindi na nakikipagusap pa sa mga tao sa kasalukuyan. Ang kaloob ng propesiya o panghuhula ay maaaring kapalooban ng pagsasalita ng katotohanan ng Salita ng Diyos ngunit maaari din itong kapalooban ng mga supernatural na kapahayagan na ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga lingkod upang makaapekto sa iba sa isang malalim na kaparaanan. Hinikayat ni apostol Pablo ang iglesya na “Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos” (1 Corinto 14:1).

3. Pagsasalita sa ibang mga wika

Ang paksa ng pagsasalita sa ibang mga wika ay laging sanhi ng hindi pagkakaunawaan ng maraming Kristiyano. Ang pagabuso at maling paggamit nito ng ilang mga grupo ang nagpasidhi pa ng kumbiksyon ng mga cessationists na ang kaloob na ito ay hindi na aktibo o kinakailangan pa. May ilan pa na ibinibintang ang kababalaghang ito sa gawain ng demonyo o emosyonal na hysteria. Sinasabi din nila na kung ang pagsasalita sa ibang mga wika ay lehitimong kaloob ng Espiritu, ang bawat misyonero ay dapat na magkaroon ng kaloob na ito para hindi na gumugol pa ng mahabang panahon ng pagaaral ng lengguwahe ng mga taong mimisyonin.

Bilang sagot, sumasang ayon ang mga continuationists na ang ilan sa diumano’y “kinasihan ng Espiritu” ay walang iba kundi bunga lamang ng emosyon. Laging ginagaya ni Satanas at ng mga makasalanan ang mga mahimalang gawa ng Diyos at ginagawa pa rin ito ni Satanas hanggang ngayon (Exodo 7:10–11; Gawa 8:9, 11; Pahayag 13:14). Gayunman, hindi nangangahulugan na wala na ang totoo kung mayroong peke. Sa Gawa 16:16, ginulo sina Pablo at Silas ng isang batang babaeng inaalihan ng demonyo na may kaloob ng panghuhula. Ang katotohanan na ang kanyang supernatural na kakayahan ay nagmula kay Satanas at hindi mula sa Diyos ay hindi naging dahilan para ituring ni Pablo na ang lahat ng kaloob ng panghuhula ay sa diyablo (1 Corinto 14:1). Sa Mateo 7:21–23, hinulaan ni Jesus na marami ang magaangkin na kilala Siya dahil gumagawa sila ng mga himala sa Kanyang pangalan. Ang katotohanan na may mga impostor ay hindi nangangahulugan na ang lahat ng gumagawa ng mga himala ay huwad. Iminumungkahi ng mga continuationists na ang dahilan ng kalituhan sa paksang ito ay maaaring may dalawang uri ng “pagsasalita sa ibang mga wika” na tinutukoy sa aklat ng mga Gawa at sa sulat ni Pablo sa mga taga Corinto. Ang kaloob ay dumating sa araw ng Pentecostes na nagbigay sa mga apostol ng kakayahan na magsalita sa wika ng mga nakikinig. Ito ang dahilan sa mabilis na pagkalat ng Ebanghelo sa rehiyon (Gawa 2:6–8). Gayunman, sa 1 Corinto 14, tila ang tinutukoy ni Pablo ay tungkol sa isang kakaibang layunin para sa pagsasalita sa ibang wika. Ang buong ikaapat na kabanata ng Corinto ay isang katuruan sa iglesya tungkol sa mga layunin at gamit ng kaloob na ito, na ang isa ay maaaring para sa pagsamba sa Diyos (1 Corinto 14:2, 14–16, 28).

Ang suporta mula sa Bibliya para sa posisyong ito ay makikita sa Gawa 10:45–46 ng tumanggap si Cornelio ng Banal na Espiritu. Nagsimula siyang magpuri sa Diyos sa ibang wika, bagama’t walang ibang nakakarinig na kinakailangang marinig ang Ebanghelyo sa ibang wika. Ang isa pang halimbawa ay makikita sa Gawa 19:6–7. Labindalawalang lalaki mula sa Efeso ang tumanggap ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika, bagama’t walang ibang tao na kailangang marinig ang kanilang sinasabi. Regular na sinasanay ng iglesya sa Corinto ang pagsasalita sa ibang mga wika sa kanilang mga pagsamba na walang indikasyon na laging may dumadalo sa kanilang pagtitipon na kinakailangang makarinig ng mensahe sa kanilang sariling wika.

Sa 1 Corinto 14:28, nagpatuloy si Pablo sa kanyang pagtuturo tungkol sa pagsasalita sa ibang wika sa sama-samang pagsamba: “Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos.” Tila nagpapahiwatig ito na ang pagsasalita sa ibang mga wika ay nangangahulugan din ng “pananalangin sa espiritu,” na katulad ng pagsasalita sa ibang wika sa mga talatang gaya ng 1 Corinto 14:14–15 at 28, Roma 8:26, Efeso 6:18, at Judas 1:20. Hindi kinastigo ni Pablo ang mga taga Corinto sa paggamit ng kaloob na ito (1 Corinto 14:39) kundi dahil sa maling paggamit nito nagiging dahilan ng kaguluhan (mga talatang 23 at 39). Tnapos ni Pablo ang kabanata 14 sa pagtuturo sa kanila ng ganito: “Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan” (1 Corinto 14:39–40).

4. Kasaysayan ng Iglesya

Ginagamit ng cessationism bilang suporta ang kasaysayan na sinasabi na walang indikasyon na ang mga mahimalang kaloob ay nagpatuloy pa pagkatapos na mamatay ang mga aspostol. Gayunman, pinaninindigan ng mga hindi sumasang-ayon ang mga tala sa iglesya. Ginagamit nilang halimbawa ang mga sumusunod:

Si Justin Martyr (AD 100—165), isa sa mga unang mananalaysay sa iglesya ang nagsabi na “ang mga kaloob ng panghuhula ay nananatili sa atin kahit na sa kasalukuyang panahon. Posible sa ngayon na makakita sa ating kalagitnaan ng mga babae at lalaki na nagtataglay ng mga kaloob na ito ng Espiritu ng Diyos.”

Sinabi ni Irenaeus (AD 125—200), “Naririnig din namin mula sa mga maraming kapatiran sa iglesya na nagtataglay ng kaloob ng panghuhula at sa pamamagitan ng Espiritu ang pagsasalita sa iba’t ibang mga wika… kahit ang mga patay ay nabubuhay, at nananatiling buhay sa loob ng maraming taon.”

Sinabi ni Novatian (AD 210—280), “Siya (ang Banal na Espiritu) ang naglagay ng mga propeta sa iglesya, nagtuturo sa mga guro, nagbibigay direksyon sa pagsasalita sa ibang mga wika, nagbibigay ng mga kapangyarihan at mga pagpapagaling, at gumagawa ng mga kahanga-hangang mga gawa.”

Si Augustine (AD 354—430) ay laging binabanggit bilang isa sa mga ama ng unang iglesya na tinanggihan ang ideya ng continuationism. Ito ay noong mga unang bahagi ng kanyang ministeryo. Gayunman, kinalaunan, sa huling bahagi ng kanyang buhay, lubha siyang naapektuhan ng mga pagpapagaling at mga himala na kanyang naobserbahan kaya’t isinulat niya sa aklat na “City of God,” “Ako ay inuudyukan ng pangako ng Diyos na matatapos ko ang aklat na ito na hindi ko maitatalang lahat ang mga himalang aking nalalaman.”

Ilan pang mga iskolar ng BIbliya kamakailan lamang gaya nina John Wesley, A. W. Tozer, R. A. Torrey, at J. P. Moreland ang kumbinsido rin na ang lahat ng mga kaloob ng Espiritu ay aktibo pa rin sa mundo ngayon at gumawa sila sa pamamagitan ng ilan sa mga kaloob na ito.

5. Argumento mula sa katahimikan

Itinuturo ng mga cessationists na tanging ang mga pinakaunang sulat lamang ni Pablo ang naglalaman ng mga pagbanggit sa mga mahimalang kaloob. Hindi binabanggit sa kanyang mga huling sulat gaya ng Efeso ang mga kaloob na ito. Ang konklusyon nila ay ang mga kaloob na ito ay nawala na pagkatapos na maitayong matatag ang iglesya. Gayunman, sinasabi ng mga continuationist na ito ay arugmento mula sa katahimikan, na isang maling pangangatwiran. Ang kakulangan sa pagbanggit sa isang paksa ay hindi nangangahulugan sa anumang paraan na nagbago na ang unang katuruan. Maaari itong mangahulugan na ang mga mahimalang kaloob ng Espiritu ay hindi nagiging sanhi ng kaguluhan sa Efeso gaya ng nangyari sa Corinto at may iba pang mas mahalagang bagay na karapatdapat sa atensyon ni Pablo. Ang listahan ng mga kaloob na makikita sa Roma 12:6–9, 1 Corinto 12:4–11, at 1 Pedro 4:10–11 ay hindi magkakapareho at maaaring sinadya na hindi gawing komprehensibo.

Maraming iskolar ng Bibliya sa magkabilang panig ng isyung ito. Pinanghahawakan ng cessationism na tanging ang Salita ng Diyos na kinasihan ng Espiritu ang ating kailangan para mabuhay sa paraang kalugod-lugod kay Cristo. Iginigiit ng mga continuationists na ipinagpapatuloy pa rin ng Banal na Espiritu na ibinuhos sa Gawa 2 ang Kanyang gawain, kasama ang pagbibigay ng mga supernatural na kaloob na binanggit sa Kasulatan. Sinabi ni David Martyn Lloyd-Jones, isang teologo sa ika-19 siglo na laging binabanggit bilang tagasuporta ng cessationism: “Ang bawat Kristiyano ay dapat na laging naghahanap ng pinakamaganda at pinakamataas. Hindi tayo dapat makuntento sa anumang bagay na hindi sinabing posible para sa mga Kristiyano sa Bagong Tipan.” At sa mga pananalitang ito, dapat na sumagot ang magkabilang panig ng “Amen.”



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano paniniwala sa pagpapatuloy ng mga mahimalang kaloob ng espiritu (continuationism)? Ano ang isang continuationist?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries